Miyerkules, Disyembre 10, 2008

Karapatan Natin, Ipaglaban!

KARAPATAN NATIN, IPAGLABAN!
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

bakit dapat ipaglaban ang karapatan
gayong karapatan na iyan pagkasilang
pagkat maraming taong sumusupil diyan
ang karapatan natin ay niyuyurakan

kaya hindi tayo dapat patulog-tulog
kung ayaw nating panunupil ay tumayog
karapatan ng tao'y di dapat lumubog
pagkat karapatang ito'y dapat lumusog

karapatang magpahayag ng bawat isa
karapatang magkabahay ng bawat masa
karapatan sa trabaho ng manggagawa
karapatan sa pagkain ng maralita

malinis na hangin ay ating karapatan
malinis na tubig sa bawat mamamayan
karapatan nating huwag mapahirapan
at maging kaagapay din kaunlaran

karapatan din natin ang mag-organisa
ng mga unyon at samahang aktibista
karapatan din natin ang hanging sariwa
upang di magkasakit ang masa't manggagawa

nakaukit sa pandaigdigang pahayag
na karapatan nati'y di dapat malabag
nakaukit sa ating buto ang kalidad
nakaukit sa ating puso ang dignidad

kaya pag sinaling ang ating karapatan
tayo na mismo ang kanilang sinasaktan
pagkatao't dignidad ang niyuyurakan
kaya karapatan natin ay ipaglaban

Walang komento: