Linggo, Disyembre 7, 2008

Sa Mga Babasa Nito

SA MGA BABASA NITO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

(Introduksyon sa aklat na "Bigas, Hindi Bala, 56 Tula,
Alay Para sa Kapayapaan sa Mindanao",
na inilathala ng Aklatang Obrero noong 2008
)

O, kayraming buhay na ang nangawala
Dahil sa naganap na maraming digma.
Napakarami na ng mga lumuha
Mga nangamatay, mga naulila.
Kaya ang katipunang ito ng tula
Alay ng makata sa mundong may digma
Nawa'y makamit na ang mundong payapa.

Bagamat may angking dugo, luha, tuwa
Sa bawat titik ng nariritong katha
Ang mga salita'y di nakahihiwa
Di nakasusugat ng balat ang wika
Ang wika ma'y nakagigiba ng diwa
Ito'y lalo nang gamit sa pang-unawa
Upang isip at puso'y maging payapa.

Maraming salamat sa inyo, O, madla
Sa pagtangkilik sa mga tulang katha
Nawa'y basahin ninyo't namnaming pawa
Ang naritong mga naukit na tula
Na pinaghahabi ng makatang gala.
Tanging pakiusap ko lamang sa madla
Ay huwag baguhin ang berso kong likha.

Walang komento: