KAYRAMING TAO SA EVACUATION CENTER
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig
Sadyang tadhana ba'y kaylupit
Pagkat napakaraming bakwit
Na doon ay namilipit
Pagkat sa bayan sila'y gipit.
Doon sila nagsisiksikan
Silang umiwas sa digmaan
Pami-pamilya ang nawalan
Ng kani-kanilang tahanan.
Ang bahay nila'y nasunog na
Pagkat tinamaan ng bomba
Kaya't ito'y iniwanan na
Nang makaiwas sa disgrasya.
Mga bakwit ay nangangarap
Magwawakas pa ba ang hirap
Kailan daw mahahagilap
Ang kapayapaan ng ganap.
- sa isang Madrasa na ginawang evacuation center papuntang Piagapo, Lanao del Sur
Nobyembre 27, 2008
(ang tulang ito'y bahagi ng Peace Caravan ng Duyog Mindanao mula Baguio City hanggang Cotabato City, Nobyembre 21-28, 2008)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento