Biyernes, Disyembre 26, 2008
Ang magandang si Jean ng aming publikasyon
ANG MAGANDANG SI JEAN NG AMING PUBLIKASYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig
una kong nakita si Jean sa publikasyon
doon siya'y nagsilbing aking inspirasyon
tatlong pagsintang tula'y inabot ko noon
sa kanya bilang paghanga't magandang layon
baguhan pa lang ako noong mangangatha
sa dyaryong pang-estudyante'y nagmamakata
katulad ko siyang staffwriter, umaakda
ng anumang assignment na pinapagawa
una kong librong bigay sa kanya'y "Lakbay-Diwa"
si Bella Angeles-Abangan ang may-akda
nagustuhan daw niya ito't natutuwa
ako nama'y ganun din, may pag-asa kaya
medyo payat siya't singkitin yaong mata
maputi ang kutis, mukha'y sadyang kayganda
pag nagkwento naman siya'y may pagkakwela
kaninuman ang puso'y matatangay niya
taon ang nagdaan, naging editor ako
niyong pang-estudyanteng magasin at dyaryo
wala na siya doon noong panahon ko
ngunit nakatago siya sa pusong ito
buntis siya noon nang huling kong mamasdan
sabi sa isip, sayang, ako'y naunahan
saan man siya ngayon, huwag pabayaan
ang kanyang pamilya, anak, puso't isipan
- circa 1995-96
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento