Sabado, Oktubre 25, 2008

Mga Bata'y Wala Pa sa Paaralan

MGA BATA’Y WALA PA SA PAARALAN
ni Gregorio V Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

Bakit wala sa paaralan
Ang manggagawang kabataan?
Dahil nga ba sa kahirapan
Na hindi nila kagagawan?

Maraming sa maagang gulang
Naroon na sa basurahan
Naghahanap ng kabuhayan
Nang mapakain ang magulang!

Makapag-aral, may tahanan
Makakain at kalusugan
Lumahok at maproteksyunan
Ang ilan nilang karapatan.

Bakit di nila nakagisnang
Matamasa ang karapatan?
Pag-asa pa naman ng bayan
Sila pa'y pinababayaan.

Lahat ng mga kabataan
Manininda't manggagawa man
Kasama ang batang lansangan
Ay ibalik sa paaralan.

Yaong sigaw ng kabataan
Ay dapat lang dinggin ng bayan:
"Ayaw namin sa basurahan
Gusto namin sa paaralan!"

Walang komento: