Miyerkules, Oktubre 1, 2008

Mga Aral Mula sa Gansa

MGA ARAL MULA SA GANSA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
(ang tula'y nilikha mula sa powerpoint presentation ni kaibigang Paul Muego ng KKFI na pinamagatang "Mga Aral Mula sa Gansa" bilang bahagi ng pagsasanay ng mga kasapi ng KPML, Setyembre 28, 2008. Ang sumusunod na tula ay may 14 pantig bawat taludtod.)

kayganda pala ng aral na napulot natin
sa mga gansang lumilipad sa papawirin
sa pormang V ay nagkakaisa ng layunin
patungong katimugang kanilang adhikain.

sa paglipad sa pormang V sila'y nagkakaisa
upang mas malayo ang maabot na distansya
grupo silang lumilipad, di paisa-isa
ang pagtutulungan nila'y sadyang kakaiba.

mga gansa'y nagpakita ng magandang asal
halimbawa nila'y sadyang natatanging aral
na sa kaisipan nati'y kaygandang ikintal
dunong itong sa diwa natin ay iniluwal.

sila'y nagpakita ng magandang halimbawa
na sa kanilang pangkat ay may pagtitiwala,
pagtutulungan at pagkakaisa'y adhika
walang iwanan sa ere itong mga gansa.

kaytindi't kaylalim ng kanilang pagbubuklod
ang makakaalam nito'y sadyang malulugod
at tiyak na magpapatuloy sa paglilingkod
tungo sa bagong lipunang itinataguyod.

katulad ng gansang magkasamang "V" ang hugis
sa kanilang pormasyon ay di paalis-alis
yaong buong samahan pala'y dapat magbigkis
at sa tungkulin ay dapat walang magmalabis.

sa samahan may dangal tayong itinataya
kaya't unawain natin ang aral ng gansa
kaylaking tulong na nito sa sanlaksang dukha
at sa pagkakaisa ng uring manggagawa.

kaya kung kasamahan natin ay matutumba
namroblema, wala ng pera o nasakuna
o kaya sa pakikibaka'y nasawi siya
dapat siyang tulungan at ang kanyang pamilya.

tulad ng gansa’y di tayo dapat mag-iwanan
anumang hirap ang kaharapin ng samahan
tayo’y dapat mag-unawaan at magtulungan
magkaisang-diwa tayo sa dami ng laban.

tayong nagnanais ng panlipunang hustisya
ay dapat maging matatag sa pakikibaka
anumang sigwang harapin ay magsama-sama
hanggang maitayo ang isang bagong sistema.

Walang komento: