Huwebes, Marso 27, 2008

Aklat at Rosas

AKLAT AT ROSAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Ano iyang iyong tangan?” anang dalaga
Sa sumisinta sa kanyang binatang aktibista.
Sagot naman ng binata’y “Isang aklat
Itong aking halukipkip para makapagmulat.”

Dalaga’y nagkainteres. “Mamulat saan?”
Tugon ng binata’y “Dapat nating malaman
Kung ano ang ugat nitong ating kahirapan
Na siyang suliranin din nitong sambayanan.

Kailangan nating pag-aralan ang lipunan
Upang mahanap ang lunas sa kahirapan.”
Nag-isip ng malalim itong magandang dalaga
Na napatitig na sa makisig na binata.

“Ang aklat mong iyan ay nais kong mabasa
At baka maiahon sa hirap sina ama’t ina.”
“Ikinagagalak kong maipahiram sa iyo
Itong aklat na makakatulong din sa inyo.

Maraming pagsusuri ang mababasa rito
Pati na kasaysayan ng lipunan at ng tao.
Kung may tanong ka’t anumang nakukuro
Agad akong tutugon sa isang patawag mo.

Narito ang aklat, sana’y iyong ingatan.”
Sabay abot din ng rosas na kanyang tangan.
Ang dalaga’y agad namang nagulumihanan.
“Bakit may rosas ay aklat lang ang hinihiram?”

Ang binata’y agad namang nagpaliwanag
“Natutuwa ako sa paghiram mo ng aklat
Ngunit hindi lamang ito ang aking hangad
Kundi tanggapin mo rin ang aking pagliyag.

Nais kong makasama ka sa pagbabago
Ng sistema ng lipunan sa ibabaw ng mundo.
Nais kitang makasama sa pag-ugit ng kasaysayan
Sa pagtatatag ng pangmanggagawang lipunan

Sa pagtatayo ng bago’t di bulok sa kaibuturan
May pagkakapantay-pantay at walang kabuktutan.
Magagamit ang aklat sa pagbabago ng sistema
At ang rosas nama’y tanda ng aking pagsinta.

Ang dalaga’y hindi na agad nakaimik
Ang binata pala’y simbilis ng lintik.
Gayunpama’y nag-usap silang mabuti
Hinggil sa aklat at sila’y nagmuni-muni

Pagkaraa’y nagpaalam na rin ang binata
Na tila lihim na itinatangi ng magandang dalaga.
“Babalikan kita, ako muna’y mag-oorganisa
Pupunta ng pulong sa kalapit na pabrika

Upang kausapin ang mga manggagawa.”
Tumugon ang dalaga, “Mag-iingat ka.”
Ang binata’y umalis, tumungo sa paruroonan
Ang dalaga nama’y umuwi sa kanilang tahanan.

Ilang araw ang lumipas, linggo ay nagdaan
Naiisip nila ang isa’t isa, “Siya kaya’y nasaan?”
Ang dalaga’y nakatingin sa rosas na iniingatan
Hinihintay ang pangakong sa kanya’y iniwan.

Binalak ng binatang dalawin ang dalaga
Naiisip na sana’y hindi pa ito nag-aasawa
Ngunit siya’y nayakag sa isang kampanya
Sa isang rali doon sa tulay ng Mendiola.

Nagkagulo sa rali nang sila’y mapaghampas
Ng mga batuta ng mga pulis na mararahas.
Nagtilamsik ang dugo, plakard ay pumula
Ang mukha’t likod ng binata’y nagkapasa.

Hanggang sa dumating ang hanap na dalaga
Na sa kanya’y sumaklolo na kanyang ikinabigla.
“Bakit narito ka?” ang sabi ng nagitlang binata
“Pagkat nauunawaan ko na,” anang dalaga

Atin nang baguhin ang mundong nilapastangan
Ng mga kapitalistang gahaman at elitistang iilan
At iyon ay kung kikilos tayo sa pagbago ng lipunan
At maitayo ng manggagawa sariling pamahalaan.

Salamat nga pala sa aklat mong pinahiram
At sa rosas na aking tinago’t pinakaingatan.”
Ang binata’y napangiti sa kanyang napakinggan
Ang dalagang sinisinta’y kanyang naging katipan.

Naramdaman nilang isa’t isa’y kanilang inspirasyon
At sila’y nagkatuluyan makalipas ng ilang panahon
Sila’y nagtulungang harapin ang panibagong hamon
Tungo sa pagbabago ng sistema’t pagrerebolusyon.

Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, Tomo XII, Blg 1, p.8.

Ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML)

Walang komento: