Lunes, Abril 29, 2019

Tanaga sa barya

TANAGA SA BARYA

barya lang ba ang buhay?
daming di mapalagay
tinokhang at binistay
walang prosesong tunay

pulubi’y namalimos
pagkat kalunos-lunos
sa barya’y kinakapos
walang makaing lubos

Tanaga sa basura

TANAGA SA BASURA

mga plastik na trapo
walang lamang botelya
mga basag na baso
nadurog na plorera

ang kalat ay kayrami
tinapon ang madumi
pagkat wala raw silbi
tulad ng pobreng api

kayraming mga kalat
bulok na prutas, balat
tila ba di masukat
kung ilang kilo lahat

sa lungsod na'y nauso
ang tadtad na basura
kalat doon at dito
ang ginawa ng masa

lugar nati'y linisin
sapagkat ito'y atin
upang di ka bumahin
sa kagagawan mo rin

- gregbituinjr.

Linggo, Abril 28, 2019

May trapong di magsisilbi sa bayan

MAY TRAPONG DI MAGSISILBI SA BAYAN

may trapong sadyang di magsisilbi
sa bayan kundi lang sa sarili
sa trapo, bayan kaya'y iigi?
o baka sumama kaysa dati?

maganda raw ang kutis at pisngi
ngunit kung umasta'y mapang-api
trapong di makalinis ng dumi
tiwali'y lalo lang dumarami

paano kung trapo'y negosyante
na ugali nang may sinusubi
negosyo lang ang kinakandili
ang bayan kaya'y mapapakali

pag nanalo'y ngingisi-ngisi
ngunit gobyerno'y di mapabuti
sa hinaing ng bayan ay bingi
sa isyung pangmasa'y napipipi

pag tinalo'y tiyak na gaganti
lalo na't gumastos ng malaki
tiyak babawi ng anong tindi
ganyan ba'y kandidatong mabuti?

- gregbituinjr.

Sabado, Abril 27, 2019

Mga tanaga sa dukha 2

MGA TANAGA SA DUKHA 2
1
halina’makibaka
tayo’y mag-organisa
ipaglaban ang masa
pati na isyu nila
2
di na kalugod-lugod
sa maralitang lungsod
ang mga nagbubunsod
ng laksang pagkapagod
3
gulugod ng paglaban
ang lider na matapang
kailangang tanganan
ang prinsipyong daluyan
4
lumisan na ang dukha
sa winasak na dampa
demolisyong napala
sadyang kasumpa-sumpa
5
Inyong dinggin ang tinig
 “Dukha, magkapitbisig!
dapat nating mausig
ang mga manlulupig”
6
hukbong mapagpalaya
ang uring manggagawa
kasangga itong dukha
sa hirap at ginhawa
7
huwag bubulong-bulong
kung ang natira’y tutong
tara, kita’y lumusong
mamimitas ng kangkong

Huwebes, Abril 25, 2019

Bihira ang nabibigyan ng pagkakataong maging aktibista

BIHIRA ANG NABIBIGYAN NG PAGKAKATAONG MAGING AKTIBISTA

bihira lang ang nabibigyan ng pagkakataong
maging aktibista't ialay ang kanyang panahon
at buhay sa magagandang adhikain at layon
upang tuluyan nang baguhin ang sistema ngayon

pag nabigyan ka ng pagkakataong pambihira
huwag mong sayangin, maglingkod kang tunay sa madla
at makipagkaisa ka sa uring manggagawa
pagkat ang maging aktibista'y gawaing dakila

marami ang takot, tila nababahag ang buntot
maraming nangangambang manuligsa ng kurakot
tunay ngang mga aktibista'y di dapat matakot
kundi maging makatwiran, matatag, di bantulot

tara, maging aktibista, matutong manindigan
makibaka para sa pagbabago ng lipunan
maging prinsipyado, maging matatag, makatwiran
ipaglaban bawat karapatan ng mamamayan

mapalad ka kung nabigyan ka ng pagkakataong
maging aktibista't ialay ang buong panahon
at buhay sa magaganda't dakilang mithi't layon
upang tuluyang ibagsak ang mga panginoon!

- gregbituinjr.

Lunes, Abril 22, 2019

Tula sa Araw ng Daigdig (Earth Day) 2019

TULA SA ARAW NG DAIGDIG, ABRIL 22, 2019

Sinira na ng kapitalismo ang kalikasan
Winasak ng sistemang ito ang kapaligiran
Kayraming plastik na ginawa upang pagtubuan
Kayraming basura na ilog ang pinagtapunan.

Para maging troso'y nilagari ang mga puno
Mga bundok ay kinalbo para sa tanso't ginto
Ginawa'y mga single use plastic para sa tubo
Kayrami nang lupang minina, dulot ay siphayo.

Dahil sa coal-fired powerplant, kalikasa'y nawasak
Pagtatayo pa ng Kaliwa Dam ang binabalak
Panahon nang kapitalismo'y palitan, ibagsak
Itanim ang bagong sistemang kayganda ng pitak.

Ngayong Araw ng Daigdig, halina't magkaisa
At tayo'y kumilos upang baguhin ang sistema.

- gregbituinjr.

* Nilikha at binasa ng may-akda ang tulang ito sa raling pinangunahan ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) na nagprograma sa harap ng Department of Agriculture (DA), nagmartsa at nagprograma sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), umaga ng Abril 22, 2019, Araw ng Daigdig (Earth Day).

Linggo, Abril 21, 2019

Binusog mo ako sa pagkain at pagmamahal

Binusog mo ako sa pagkain at pagmamahal
Kaya ako'y iyong-iyo, kasama sa almusal,
Sa tanghalian at hapunan, kahit napapagal
Ganyan nga ang pag-ibig na marahil magtatagal.

Bubusugin din kita sa pagkain at pag-ibig
Habang iniigib ko ang sa iyo'y ididilig
Sa kabila ng uhaw at gutom ay kapitbisig
Kaya di natutuyuan ng laway itong bibig.

- gregbituinjr.

Biyernes, Abril 19, 2019

Mga tanaga sa dukha

MGA TANAGA SA DUKHA
ni Greg Bituin Jr.

1
sinusumbat-sumbatan
yaong matang luhaan
mayroon bang daraan
sa gilid ng kangkungan
2
sangkahig ma't santuka
ang mga maralita
may prinsipyo't adhika
di payag makawawa
3
ang pabahay ng manhid
ay mansyong nasa gilid
walang bahay ang sampid
lansangan lang ang silid
4
ang dukha'y lumalaban
sapagkat karapatan
kung nakatunganga lang
walang kinabukasan
5
nagtungo sa ospital
ang dukha'y natigagal
pagkat napakamahal
ng gamot, at nautal
6
maralita'y tinokhang
akala yata'y hunghang
pamilyang naisahan
ang nasa'y katarungan
7
kapag mailalahad
na dukha'y may dignidad
sila pala'y mapalad
sapagkat di na hubad

* ang TANAGA ay taal na anyo ng pagtulang Pinoy, may pitong pantig bawat taludtod, at may apat na taludtod sa isang saknong

Miyerkules, Abril 17, 2019

Proteksyon laban sa pananakop at pandarambong ng ibang bansa

10
PROTEKSYON LABAN SA PANANAKOP AT PANDARAMBONG NG IBANG BANSA

papayag na ba tayong magpasakop sa mga Intsik
gayong payag ang pangulong pasakop sa mga switik
ginagahasa na ang bayan, dapat tayong umimik
ipagtanggol ang bayan, ang kalaban ma'y anong bagsik

unti-unti nang sinasakop ang ating kapuluan
subalit tila ang pangulo'y tatawa-tawa lamang
sabi'y Pilipinas daw ay dapat maging lalawigan
ng Tsina, wala raw tayong magawa't pasakop na lang

kakandidato sa Senado'y dapat wasto lumirip
kapakanan ng mamamayan ang dapat nasa isip
pangulo man ay parang lasing, sa Tsina'y sumisipsip
mamamayan ay dapat gising upang bansa'y masagip

dapat proteksyunan ang bayan laban sa pandarambong
at sa bantang pananakop nila'y di tayo uurong

- gregbituinjr.

* Isa sa sampung isyu ng "Karapat Dapat - Karapatan Dapat" para sa mga kandidatong tumatakbo. Ito'y isang kampanyang inilunsad ng ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) para sa Botohan 2019, na may hashtag na #sampusigurado

Kaunlarang para sa lahat ng mamamayan, hindi ng iilan

9
KAUNLARANG  PARA SA LAHAT NG MAMAMAYAN HINDI NG IILAN

ating panawagan sa mga kandidatong maangas
pati sa mga kandidatong matitino't parehas
kaunlaran ay para sa lahat, kayo'y maging patas
ito'y para sa bata, babae, pantas, ungas, hudas

dapat walang maiwan sa pag-unlad, lahat kasali
di lang ito para sa tuso't masibang negosyante
dapat kasama sa pag-unlad maging dukha't pulubi
ganito ang kandidatong sa bayan ay magsisilbi

may respeto sa manggagawang gumagawa ng yaman
ng lipunan, may respeto sa magsasakang sa bayan
ay nagpapakain tatlong beses bawat araw, buwan
o taon man ang bilangin ay laging naririyan

mga kandidato'y dapat pangkalahatan tumingin
walang maiiwan pagkat lahat ay makakakain

- gregbituinjr.

* Isa sa sampung isyu ng "Karapat Dapat - Karapatan Dapat" para sa mga kandidatong tumatakbo. Ito'y isang kampanyang inilunsad ng ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) para sa Botohan 2019, na may hashtag na #sampusigurado

Kalikasang malusog at ligtas

8
KALIKASANG MALUSOG AT LIGTAS

itigil ang pagmimina, igalang ang katutubo
mga single-use plastic ay bulto-bulto't halu-halo
isdang pulos plastik ang tiyan ay nakapanlulumo
upos na lumulutang sa dagat kaya'y maglalaho?

polusyon, maruming hangin sa atin ay maglulugmok
sa henerasyong ito kayraming mga kalbong bundok
minina ang lupain mula talampas hanggang tuktok
dahil sa mga coal plants, usok na'y nakasusulasok

kung tingin ng bawat kandidato sa puno ay troso
tiyak tingin sa paglilingkod sa bayan ay negosyo
di ganyan ang karapat-dapat sa bayan magserbisyo
di maninira ng mundo ang dapat nating iboto

mundong ito'y dapat kalikasang malusog at ligtas
dapat mga gawin ninyo'y makakalikasang batas

- gregbituinjr.

* Isa sa sampung isyu ng "Karapat Dapat - Karapatan Dapat" para sa mga kandidatong tumatakbo. Ito'y isang kampanyang inilunsad ng ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) para sa Botohan 2019, na may hashtag na #sampusigurado

Sapat na pagkain, trabaho at pabahay

7
SAPAT NA PAGKAIN, TRABAHO AT PABAHAY

tiyaking may sapat na pagkain sa bawat lamesa
dapat bigyang ayuda ng gobyerno ang magsasaka
lalo ngayong isinabatas na ang pagtataripa
sa bigas na siyang pangunahing pagkain ng masa

di dapat kontraktwal silang masisipag na obrero
na dapat regular sa trabaho't may sapat na sweldo
dapat kilalanin ang unyon nitong nagtatrabaho
at kontraktwalisasyon ay ibasura ngang totoo

nais ng mga maralita'y abotkayang pabahay
na ayon sa kakayahan nila'y mabayarang tunay
di barungbarong, mga materyales ay matibay
may bentilasyon, tahanang mapapaghingahang tunay

bawat kandidato'y dapat itong isinasaisip
upang buhay ng dukha sa karukhaan ay masagip

- gregbituinjr.

* Isa sa sampung isyu ng "Karapat Dapat - Karapatan Dapat" para sa mga kandidatong tumatakbo. Ito'y isang kampanyang inilunsad ng ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) para sa Botohan 2019, na may hashtag na #sampusigurado

Lipunang mapayapa at panatag

6
LIPUNANG MAPAYAPA AT PANATAG

nais natin ng peace and order, payapang pamayanan
di yaong kapayapaang tulad ng nasa libingan
di yaong order ng pinunong naglalaway sa tokhang
nais natin ay isang lipunang may kapanatagan

di isang lipunang tahimik dahil walang naririnig
nakatago ang hinaing, tortyur, hikbi, di madinig
kundi lipunang payapa, tao'y nagkakapitbisig
nagkakaisa sa isang makatarungang daigdig

nawa ang "guns, goons, gold" ay tigilan na ng mga trapo
lalo ng mga dinastiyang pulitikal na tuso
mga nang-aagaw ng lupa, namimili ng boto
upang magpayaman sa poder at di nagseserbisyo

karapat-dapat na kandidato ang ating piliiin
at mula sa mga mandarambong, bayan ay sagipin

- gregbituinjr.

* Isa sa sampung isyu ng "Karapat Dapat - Karapatan Dapat" para sa mga kandidatong tumatakbo. Ito'y isang kampanyang inilunsad ng ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) para sa Botohan 2019, na may hashtag na #sampusigurado

Proteksyon para sa mga nagtatanggol ng karapatang pantao

5
PROTEKSYON PARA SA MGA NAGTATANGGOL NG KARAPATANG PANTAO

mga human rights defender ay dapat lang proteksyunan
mula sa pamunuang binababoy ang karapatan
mga H.R.D. na patuloy na ipinaglalaban
ang wastong proseso,'t makatarungan sa mamamayan

tuso ang gobyernong sa ginto't pilak lang humahalik
walang pakialam sa tinokhang na mata'y tumurik
laging iwinasiwas ang espadang anong bagsik
sa kababayan, habang halos maglumuhod sa Intsik

libu-libo na'y nawalan ng buhay, nakakatakot
pinuntirya din ang H.R.D., nakapanghihilakbot
kaytapang sa kababayan, sa dayo'y bahag ang buntot
dapat maiwasto na rin ang ganitong mga gusot

mga kandidatong karapat-dapat, ito'y isipin
at hinaing ng mamamayan ay agad nilang dinggin

- gregbituinjr.

* Isa sa sampung isyu ng "Karapat Dapat - Karapatan Dapat" para sa mga kandidatong tumatakbo. Ito'y isang kampanyang inilunsad ng ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) para sa Botohan 2019, na may hashtag na #sampusigurado

Proteksyon sa mga inaapi at pinagsasamantalahang sektor

4
PROTEKSYON SA MGA INAAPI AT PINAGSASAMANTALAHANG SEKTOR

mga katutubo'y dapat igalang, pati kultura
huwag payagan yaong dam na wawasak sa kanila
dapat igalang ang kababaihan, pati lesbyana
ang kabataan ay dapat ilayo sa bisyo't droga

huwag hayaang yurakan ang kultura't identidad
ng bawat mamamayan, bulok na sistema'y ilantad
huwag hayaang hustisya'y tila pagong sa pag-usad
dapat bawat mamamayan ay kasama sa pag-unlad

mga obrero'y dapat maging regular sa trabaho
mga magsasaka'y ayudahan sa pag-aararo
mga vendor ay huwag hulihin sa munting negosyo
pagkat marangal silang nabubuhay dito sa mundo

upang proteksyunan ang maliliit, ang inaapi
karapat-dapat na kandidato'y piliing mabuti

- gregbituinjr.

* Isa sa sampung isyu ng "Karapat Dapat - Karapatan Dapat" para sa mga kandidatong tumatakbo. Ito'y isang kampanyang inilunsad ng ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) para sa Botohan 2019, na may hashtag na #sampusigurado

Hustisyang abot ng maralita at patas para sa lahat

3
HUSTISYANG ABOT NG MARALITA AT PATAS PARA SA LAHAT

ang asukal na gaano katamis ay walang lasa
pag di nararamdaman ng maralita ang hustisya
pumapait ang asukal sa langgam na nagdurusa
tulad ng dukhang ang buhay ng mahal ay kinuha

nanlaban daw ang maralita kaya tinokhang nila
habang  mayayamang durugista'y pagala-gala pa
bakit kaydaling paslangin, buhay ba ng dukha'y barya
habang buhay ng malalaking tao'y di nila kaya

marapat ba ang kandidatong tuwang-tuwa sa tokhang
upang durugista'y mabawasan, sila'y nalilibang
hinuli, walang proseso, parang dagang pinapaslang
hustisya't batas na'y binaboy ng mga salanggapang

magkano ang abugado, at magkano rin ang batas
hustisya'y dapat abot ng maralita't ito'y patas

- gregbituinjr.

* Isa sa sampung isyu ng "Karapat Dapat - Karapatan Dapat" para sa mga kandidatong tumatakbo. Ito'y isang kampanyang inilunsad ng ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) para sa Botohan 2019, na may hashtag na #sampusigurado

Pamahalaang sumusunod sa pandaigdigang pamantayan ng karapatan ng mamamayan

2
PAMAHALAANG SUMUSUNOD SA PANDAIGDIGANG
PAMANTAYAN NG KARAPATAN NG MAMAMAYAN

di usad pagong pag kumilala sa pandaigdigang
pamantayan ng karapatan ng bawat mamamayan
di rin parang langaw sa likod ng kalabaw sa yabang
na nakalagda raw sa pandaigdigang karapatan

Universal Declaration of Human Rights ay kilala
ngunit kilala lang ba, at di naman ito nabasa?
gobyerno'y di dapat buhay-diktador sa demokrasya
dapat marunong itong rumespeto sa kanyang masa

I.C.C.P.R. at I.C.E.S.C.R., di man batid
iginagalang ang kapwa, karapatan man ay lingid
di dapat sa kawalang-hustisya, kapwa'y binubulid
kundi ang bawat isa'y magturingang magkakapatid

dapat ito'y alam ng kandidatong karapat-dapat
sugat ng lipunan ay dapat malunasa't maampat

- gregbituinjr.

* Isa sa sampung isyu ng "Karapat Dapat - Karapatan Dapat" para sa mga kandidatong tumatakbo. Ito'y isang kampanyang inilunsad ng ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) para sa Botohan 2019, na may hashtag na #sampusigurado
* ICCPR = International Covenant on Civil and Political Rights; ICESCR = International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights

Paggu-gobyernong maka-karapatang pantao

1
PAGGU-GOBYERNONG MAKA-KARAPATANG PANTAO

nais natin ng paggu-gobyernong marunong gumalang
sa karapatan ng mamamayan mula pagkasilang
hanggang kamatayan, may dignidad kahit na gumulang
kaya galit tayo sa walang habas na pamamaslang

ang nais natin ay makatarungang paggu-gobyerno
na karapatan sa buhay ay sadyang nirerespeto
ang nais natin, di man banal ang nabotong pangulo
ay kumikilala sa buhay, karapatang pantao

tinitiyak ang kalusugan ng mamamayan natin
ospital ay murang maningil, mura rin ang pagkain
trabaho'y regular, sahod ng manggagawa'y sapat din
pabahay ng dukha'y matibay, tulog dito'y mahimbing

nais natin ng paggu-gubyernong tunay na may puso
kandidato'y tutok sa tao, di sa negosyo't tubo

- gregbituinjr

* Isa sa sampung isyu ng "Karapat Dapat - Karapatan Dapat" para sa mga kandidatong tumatakbo. Ito'y isang kampanyang inilunsad ng ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) para sa Botohan 2019, na may hashtag na #sampusigurado

Sabado, Abril 13, 2019

Mahirap kung wala kang salapi'y walang karamay

MAHIRAP KUNG WALA KANG SALAPI'Y WALANG KARAMAY

mahirap kung wala kang salapi'y walang karamay
maysakit ka'y balewala ka, iyong naninilay
tila ba ang salapi'y magandang gamot sa lumbay
malulunasan ang puso mong napuno ng pilay

ganyan kadalasan ang buhay mong nararanasan
pag walang salapi'y walang kasangga't kaibigan
di ka papansinin, para kang tuod sa kawalan
walang-wala ka na'y wala na silang pakialam

saan ka na patungo kung wala ka nang salapi
tila ba buong bayan ang sa iyo'y namumuhi
ang sugat mong naging pilat ay muling humahapdi
buti pa noong may pera ka pa't di nasasawi

dahil ba walang pera'y bawal nang magpakatao?
iyan ba'y pamana ng sistemang kapitalismo?

- gregbituinjr.

Huwebes, Abril 11, 2019

Pahimakas kay Kasamang Richard

PAHIMAKAS KAY KASAMANG RICHARD
(Oktubre 15, 1980 - Abril 6, 2019)

Ka Richard Lupiba, sa iyo'y pagpupugay
Aktibista kang kasamang sadyang kayhusay
Rubdob na pagkilos ay iyong dinalisay
Iniisip bawat gawain, nagninilay
Commitment mo'y hindi matatawarang tunay
Halimbawa ka ng matinding aktibista
Aral sa parlamento ng pakikibaka
Ramdam namin ang pagkawala mo, kasama
Dito sa mundong patuloy na may pag-asa
Lumalaban, naninindigan, sosyalista
Upang maitayo ang asam na lipunan
Paalam, Ka Richard, ikaw man ay nasaan
Itutuloy namin ang labang nasimulan
Bagong umaga'y sisilay sa ating bayan
At iyang bulok na sistema'y papalitan.

- gregbituinjr.

Miyerkules, Abril 10, 2019

Pahimakas kay Kasamang Benjie

PAHIMAKAS KAY KASAMANG BENJIE
(namatay: Abril 6, 2019)

pagpupugay ang aming ipinaaabot
sa ating kasamang mahusay, walang takot
na nakipaglaban ng walang pag-iimbot
sa harap ng espada'y di bahag ang buntot

si Ka Benjie, lider ng P.L.M.-Tatalon
na kinaharap na isyu'y malaking hamon
siya'y may prinsipyong di basta makakahon
nagnanasang magtagumpay ang rebolusyon

tahimik, mapanuri, laging nagninilay
myembro ng K.P.M.L. ang samahang taglay
ipinaglaban niyang todo ang pabahay
upang mga kasama’y may matirhang tunay

Ka Benjie, salamat sa mga inambag mo
sa samahan, sa taumbayan, at sa grupo
sadyang nagpupugay kaming taas-kamao
sa pinanindigan mo, buhay at prinsipyo

- gregbituinjr.

* KA BENJIE, LIDER NG PLM TATALON
Si Benedicto "Ka Benjie" Resma ang lider ng Partido Lakas ng Masa (PLM) sa Tatalon, Lungsod Quezon. Dati siyang empleyado ng Comelec. Kasama siya sa founding ng PLM noong 2009, at ang samahan ay kasapi ng KPML at isa sa regional council member ng KPML-NCRR. Siya ang team leader ng QRF (quick reaction force) sa QC. at ang huli niyang pagdalo sa rali ay sa ERC sa isyu ng kuryente.

Martes, Abril 9, 2019

Pahimakas kay Ka Cesar Bristol

PAHIMAKAS KAY KA CESAR BRISTOL

ka Cesar Bristol, tunay siyang lider-manggagawa
magaling na intelektwal, manunulat, dakila
sa kumpanya sa Pasig ay nagtrabaho't lumikha
ng produkto, ngunit nag-organisa ng paggawa

kumilos sa paaralan at mga pagawaan
at organisador ng manggagawang lumalaban
nangarap, kumilos upang baguhin ang lipunan
dekano ng edukasyon ng BMPng palaban

sa nahuling Antipolo Five, siya'y nakasama
pagkat isang manggagawa, palabang aktibista
biktima ng tortyur sa panahon ng diktadura
magaling na taktisyan ng obrero sa pabrika

kakampi ng obrero, makibaka'y iyong tungkol
mabigat na pagpupugay sa iyo'y nauukol
ikaw na nakibaka't sa kapitalismo'y tutol
taas-noo kaming nagpupugay, Ka Cesar Bristol

- gregbituinjr.,04/09/2019

* KA CESAR BRISTOL, Vice President ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino - Timog Katagalugan (BMP-ST)
Si Ka Cesar Bristol ang unang dean ng Workers School ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino. Naging kagawad niya kami pag deploy namin sa TU ED (trade union education) mula sa youth sector. Isang magiting na intelektwal mula sa hanay ng paggawa. Resident writer at tactician ng BMP-Sòuthern Tagalog, kung saan siya ay kasalukuyang Deputy Secretary General. Dekada 70 nang kumilos sa unibersidad at namabrika, nang maugnayan muli bilang manggagawa sa isang kompanya ni Gokongwei sa Pasig. Naging biktima ng tortyur ng diktadurang Marcos bilang bahagi ng "Antipolo 5" (kasama si Ka Romy "Kaste" Castillo). Naging lider ng KMU-NCR at BMP (kung saan siya naging dean ng Workers School, bago tumungo sa BMP-ST).

Linggo, Abril 7, 2019

Nakalimutan nilang tao rin ang manggagawa

NAKALIMUTAN NILANG TAO RIN ANG MANGGAGAWA

may mag-asawang nangarap na kumita ng todo
naipong pera nila'y pinuhunan sa negosyo
may makina'y dalawa lang silang nagpapatakbo
at naisipan nilang dapat magdagdag ng tao
kaya agad silang nangalap ng mga obrero

at maraming manggagawa ang kanilang kinuha
upang magtrabaho't mapalago ang kanilang kita
tingin nila, manggagawa'y ekstensyon ng makina
na anumang oras ay gagawin ang nais nila
di pwedeng umangal pagkat sinasahuran sila

hanggang pabrika'y lumago sa tagal ng panahon
dahil sa manggagawang masisipag, nakaahon
pinauso pa ang salot na kontraktwalisasyon
trabaho'y limang buwan lang, ganito taun-taon
bagamat may obrerong na-regular din paglaon

ngunit tingin ng obrero, sahod nila'y kayliit
walang proteksyon sa pagawaan, napakainit
di bayad ang obertaym, ang sweldo pa'y naiipit
nagtayo sila ng unyon laban sa panggigipit
ang mag-asawang may-ari ng pabrika'y nagalit

nais ng may-aring mga unyunista'y masipa
kahit higit sampung taon sa trabaho'y mawala
nais nilang manggagawa sa hirap ay dumapa
nakalimutan nilang tao rin ang manggagawa
humihinga, napapagod, may pamilya, may luha

madalas maraming pagsisikap ang gumuguho
pagkat magpakatao'y nalimot dahil sa tubo
ganyan ang sistemang kapitalismo, walang puso
sa ganyang kalagayan, obrero'y dapat mahango
at bulok na sistema'y mapalitan, maigupo

- gregbituinjr.

Huwebes, Abril 4, 2019

Ako'y nauupos

ako'y nauupos sa dami ng upos ng yosi
naglalakad ako'y nagkalat sa daan, kayrami
tapon doon, tapon dito, sila na'y nahirati
ang ating pamahalaan ba'y anong masasabi?

ako'y nauupos sa laksang nagkalat na upos
wala bang lagakan ng abo, sa ash tray ba'y kapos?
latang walang laman, bakit di gamitin nang lubos?
nang mga upos na ito'y ating maisaayos

nakakaupos ang naglipanang upos sa dagat
pagkat kayraming isda ang sa upos nabubundat
ikatlo raw na basura ang upos na nagkalat
paanong sa pagtapon nito tao'y maaawat?

sa nagkalat na upos, anong dapat nating gawin?
ito bang kalikasan ay paano sasagipin?
huwag hayaang upos ay lulutang-lutang pa rin
sa dagat nang kalikasa't isda'y masagip natin

- gregbituinjr.

Miyerkules, Abril 3, 2019

Halina't mag-yosibrik

HALINA'T MAG-YOSIBRIK

di ka pa ba naiinis sa naglipanang upos
sa basurahan, daan, dagat, di maubos-ubos
tila ba sa ating likuran, ito'y umuulos
upos sa kapaligiran, animo'y umaagos

sa nangyayari'y dapat may gawin, tayo'y umimik
tipunin ang mga upos, gawing parang ECOBRICK
sa boteng plastik ay ipasok at ating isiksik
ang boteng siksik sa upos ay tawaging YOSIBRIK

kailangang may gawin sa upos na naglipana
sa dagat kasi'y upos na ang pangatlong basura
di ba't dahil sa upos, may namatay na balyena
imakalang pagkain ang itinapong basura

madawag na ang lungsod, sa upos ay nabubundat
naninigarilyo kasi'y walang kaingat-ingat
pansamantalang tugon sa upos na walang puknat
ay gawing yosibrik ang mga upos na nagkalat

- gregbituinjr.

Martes, Abril 2, 2019

Kinalabosong upos

KINALABOSONG UPOS

Kita nyo bang sa dagat, mga upos na'y nagkalat?
Ikatlo raw ito sa laksang basura sa dagat
Naisip nyo bang sa upos, mga isda'y bubundat?
At pagkamatay nila sa upos sa budhi'y sumbat
Lagi nating isipin ang buti nitong daigdig
Ang dagat na'y nasaktan, pati pusong pumipintig
Basurang nagkalat sa kalamnan niya'y yumanig
O, dapat itong wakasan, tayo'y magkapitbisig
Simulan nating sagipin ang ating karagatan
O kaya'y mag-umpisa sa ating mga tahanan
Naglipanang upos ay gawan natin ng paraan
Gumising na't magsikilos para sa kalikasan
Upos ay kinulong ko sa bote bilang simula
Pag dagat ay pulos upos, mga isda'y kawawa
Oo, ito'y pagkain, aakalain ng isda
Sumpa iyang upos sa dagat, problemang kaylubha

-gregbituinjr.

Ang Martir - Tula ni Nick Joaquin


Ang Martir
Tula ni Nick Joaquin, Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan
Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang pagsinta'y hindi nangangahulugang dapat kang magpaumanhin
Gayunpaman, sa isang yugto ng buhay mo
Ang pagsintang iyon ang pinakamahalagang bagay sa iyo,
Ang pagsintang iyon ang maaaring iaasahan mong magtatagal magpakailanman,
Ang pagsintang iyon na pinaniniwalaan mong hindi umiiral ang tadhana,
At dahil sa pagsintang iyon ay nagtatanong ka,
Bakit ka natatakot umibig sa una pa lang.

Sa panahong iyon ng iyong buhay,
Animo'y perpekto ang lahat
Animo lahat ay napakaganda
Animo ang lahat ay nagniningning para sa iyo,
At ikaw ang lahat sa akin.

Hindi na ako nagdadalawang-isip hinggil sa pagsakripisyo ng sarili kong kaligayahan para sa iyo,
Ninanais ko pang hubarin ang nadidindingan ngunit nilamukos kong puso,
Upang makasama lang kita.
Ang lahat ay ginagawa ko upang maalagaan ka
Ang lahat ay ginagawa ko upang masiyahan ka
At ginawa ko iyon dahil mahal kita.

Ang pagsinta'y hindi nangangahulugang dapat kang magpaumanhin
Subalit dapat akong humingi ng tawad sa nasaktan ko ng lubos...
Ang aking sarili.


The Martyr
Poem by Nick Joaquin

Being in love means never having to say you’re sorry
After all, at some point in your life
That love was the most important thing to you,
That love might be the one that you hoped would last forever,
That love made you believe that destiny does exist,
And that love made you question,
Why you were afraid to fall in love in the first place.

At that time in your life,
Everything just seemed so perfect,
Everything seemed so beautiful,
Everything seemed to glow for you,
And you were my everything.

I wouldn't even think twice about sacrificing my own happiness for yours,
I was even willing to bare up this walled but crumpled heart of mine,
Just so I could be with you.
All I ever did was care for you.
All I ever did was to make you happy.
And all I ever did was love you.

Being in love means never having to say you’re sorry
But I needed to ask forgiveness from the one who was hurt the most…
Myself.

Lunes, Abril 1, 2019

Bigas, Hindi Bala

BIGAS, HINDI BALA
(Alay sa ikatlong anibersaryo ng masaker sa Kidapawan, at binasa ng may-akda sa rali sa harap ng Department of Agriculture, Abril 1, 2019.)

Hustisya sa mga magsasakang buhay ay inutas
gayong nagrali lamang dahil sa kawalan ng bigas
Bakit sila pinaslang ng mga alagad ng batas
gayong nais lang nilang dusa't gutom nila'y malutas?

Katarungan sa mga minasaker sa Kidapawan
sa pamilyang nais lang makaalpas sa kagutuman
Nagpapahayag lang sila'y bakit ba sila pinaslang?
Dapat malutas ang kasong ito't huwag matabunan

Bigas, hindi bala, ang sigaw ng mga magsasaka
Hiningi'y bigas, bakit binigay sa kanila'y bala
Kaya isinisigaw namin ay: Hustisya! Hustisya!
Kaya hinihiling din ng masa'y Hustisya! Hustisya!

Bigas, hindi bala! Katarungan! Nawa ito'y dinggin
ng mga nasa poder at problemang ito'y lutasin.

- gregbituinjr.

* Ang rali ay pinangunahan ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), at nilahukan ng SANLAKAS, Oriang, ALMA-QC, Metro Manila Vendors Alliance (MMVA), Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Partido Lakas ng Masa (PLM), LILAK, Piglas-Kababaihan, Alyansa Tigil Mina (ATM), at ang mga magsasaka ng Sicogon Island mula sa grupong Katarungan, na nakakampo sa DENR.
Mga Litrato mula sa facebook page ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ)