ANG PERSONAL KO'Y PULITIKAL
nanindigan akong ang personal ko'y pulitikal
kasapi ng lipunang ang mayorya'y nagpapagal
upang makakain kahit alipin ng kapital
kayod-kalabaw, sarili mang buhay ay sinugal
ang personal ko'y pulitikal, kahit sa pagkain
nabubusog lang ba pag kapitalismo'y kainin?
giginhawa lang ba pag komersyalismo'y lunukin?
o sa globalisasyon, dukha'y lalong gugutumin?
pulitikal din kahit ang pag-ihi, bakit kamo
iihi sa C.R. ng mall, ang bayad: sampung piso
pag-ihi man sa C.R. ng simbahan, sampung piso
may presyo rin kasi bawat pag-flush sa inidoro
pulitikal din naman kahit pagpili ng damit
magbabarong tulad ng sa kabangbayan nangupit?
kamisetang kupas tulad ng sa monay nang-umit?
o payak na kasuotan ng dukhang nagigipit?
pulitikal din ang pahinga, paghinga't paghiga
nasa isip ang nangyayari sa pamilya't madla
bakit kahit kayod-kalabaw, kayraming nalikha
ay di pa rin sapat ang sahod nitong manggagawa
pag-aasawa ma'y personal, ito'y pulitikal
kung wala silang trabaho, pag-ibig ba'y tatagal?
kung walang pambili ng bigas, ang isa'y aangal
baka may pag-ibig lang sa unang taon ng kasal
pulitikal din kahit ang pagsakay sa dyip o bus
dapat may pamasahe ka't bulsa'y di kinakapos
karukhaa'y pulitikal, walang dangal sa limos
ayaw rin ng obrero't madla ang binubusabos
ah, buhay ko'y nasa panahon ng pakikibaka
kumikilos para sa uri kaya aktibista
kumikilos para sa bayan, paglaya ang nasa
itinataguyod din ang kagalingan ng masa
kongkreto ring magsusuri sa kongkretong sitwasyon
at kung maaari'y mag-isip ng labas sa kahon
patuloy na oorganisahin ang rebolusyon
na organisadong uring manggagawa ang layon
ang personal ko'y pulitikal, ang buo kong buhay
sa kapakanan ng uri't ng bayan na'y inalay
patuloy akong makikibaka hanggang mamatay
kikilos hanggang sosyalismo'y maipagtagumpay
- gregbituinjr.