Miyerkules, Enero 30, 2019

Alay sa unang dekada ng Partido Lakas ng Masa

ALAY SA UNANG DEKADA NG PARTIDO LAKAS NG MASA

Sa unang dekada ng Partido Lakas ng Masa,
taas-kamaong pagpupugay sa mga kasama!
Matatag na naninindigang sosyalista
sa sampung taon ng patuloy na pakikibaka.

Tuloy ang pagkilos tungo sa lipunang pangako
upang lipunang sosyalismo'y itatag sa mundo
nang laksang paghihirap nagdulot ng siphayo
sa ating mga pagkilos ay tuluyang maglaho

kapitbisig tayong ipagtahumpay ang layunin
sama-samang ipagwagi ang ating adhikain:
lipunang pantay, pribadong pag-aari'y tanggalin
upang lahat ay makinabang sa daigdig natin

halina't ating itayo'y lipunang makatao
na walang pagsasamantala ng tao sa tao
ngayong anibersaryo'y muling sariwain ito
Partido Lakas ng Masa, pagpupugay sa inyo!

- gregbituinjr./30 Enero 2019

Martes, Enero 29, 2019

Ang buhay ba'y tulad ng mobius strip?

ANG BUHAY BA'Y TULAD NG MOBIUS STRIP?

ang buhay ba'y tulad ng mobius strip?
hinehele't tila nananaginip
na lagi nang buhay ay sinasagip
habang patuloy na may nililirip
hinggil sa kung anumang halukipkip

tila dinugtong na magkabaligtad
ang mga dulo ng gomang malapad
madaraanan lahat pag naglakad
pabalik-balik ka kahit umigtad
ganito ba ang anyo ng pag-unlad?

paikot-ikot ka lang sa simula
hanggang maramdaman mong matulala
mabuting patuloy na gumagawa
kaysa naman magpahila-hilata
bakasakaling tayo'y may mapala

ang mobius strip ay pakasuriin
sa matematika'y alalahanin
baka may problemang mahagip na rin
masagip ang pinoproblema natin
upang sa baha'y di tayo lunurin

- gregbituinjr.

Lunes, Enero 28, 2019

Napulot man ako sa tae ng kalabaw

NAPULOT MAN AKO SA TAE NG KALABAW

napulot man ako sa tae ng kalabaw
ako'y isang tao rin sa mundong ibabaw
na maagang gumising sa madaling araw
upang agad magtrabaho kahit maginaw

mapalad naman ako't may mga umampon
at itinuring akong anak nilang bugtong
mag-asawang walang anak, sa utang baon
ngunit kaysisipag, sa bukid lumulusong

silang nagisnan ko nga'y mapagkawanggawa
mula pagkabata ko'y mga nag-alaga
binihisan, pinag-aral, lahat ginawa
upang ako nama'y makadamang ginhawa

kaya ako'y labis na nagpapasalamat
sa kanilang naglunas sa pusong may sugat
may ligaya sa diwa kong maraming pilat
pagkat sila'y dakila't tunay na alamat

- gregbituinjr.

Linggo, Enero 27, 2019

Batang bilanggo, edad siyam?

BATANG BILANGGO, EDAD SIYAM?

tama bang sa edad siyam, ang bata na'y mapiit?
hustisya na ba sa bansa'y ganito na kalupit?
sa murang gulang, karapatan niya'y pinagkait
kinulong dahil sindikato sa kanya'y gumamit

batang edad siyam ay dapat na raw maikulong
panukalang ito sa Kongreso'y isinusulong
pag bata'y gumawa ng krimen at agad sinuplong
kulong agad habang laya ang nag-atas na buhong!

ano nang nangyari sa ating mga mambabatas?
krimen ba'y di na kaya ng kapulisang malutas?
di na mapigil ng maykapangyarihan ang dahas?
mga sakit ba ng lipunan ay wala nang lunas?

mga magulang ba ng batang bilanggo'y pabaya?
bakit magulang ay kayod ng kayod ngunit dukha?
mga bata ba'y inabandona na't isinumpa?
o problema'y ang sistemang nagdulot ng dalita?

bakit nais makulong ang bata, ano ang sanhi?
halina't pag-isipan, patuloy tayong magsuri
dulot kaya ito ng pagkakaiba sa uri?
o baka mambabatas ay hungkag ang mga budhi?

- gregbituinjr.

Biyernes, Enero 25, 2019

Ang una nating tungkulin

ANG UNA  NATING TUNGKULIN

“The first duty of a revolutionary is to be educated.” ~ Che Guevara

noong ako'y bagong tibak, laging ipinapayo
pag-aralan ang lipunan, kalagayan ng mundo
makipamuhay sa masa, alamin ang siphayo
ng mga dukhang kayraming pangarap na gumuho

bakit kapitalismo ang sistemang umiiral
bakit lipunan ay pinatatakbo ng kapital
bakit obrerong kayod kalabaw ang nagpapagal
bakit ang karapatan sa edukasyon ay mahal

ang mga aktibista'y nakikibakang totoo
upang malubos-lubos ang karapatang pantao
hanggang sa mag-pultaym na't maging rebolusyonaryo
na unang tungkulin sa pakikibaka'y matuto

aralin ang lipunan, makipagbalitaktakan
aralin bakit may mahirap, bakit may mayaman
suriin bakit pribadong pag-aari'y dahilan
ng paghihirap ng mayorya sa sandaigdigan

sa gayon, magkaisa sa paghahanap ng solusyon
pagwasak sa pribadong pag-aari'y ating layon
bakit obrero'y dapat mamuno sa rebolusyon
bakit sa pagbabagong hangad tayo nakatuon

- gregbituinjr.

Lunes, Enero 21, 2019

Tita Portia Ariesgado, Ikalimang Nominado ng PLM

TITA PORTIA ARIESGADO, IKALIMANG NOMINADO NG PLM

Portia Ariesgado, ikalimang nominado
ng Partido Lakas ng Masa, ang ating partido
matinding manindigan, palaban at prinsipyado
halina't siya'y ating paupuin sa Kongreso

sa pabrikang Gelmart ay dating lider-manggagawa
higit apatnapung taon sa pabrika'y gumawa
sa Association of Displaced Workers namahala
sa Partido Lakas ng Masa'y katuwang ng madla

siya'y lider ng unyon at lider-kababaihan
magaling magtalumpati, mahusay manindigan
kasama ng dukha sa mga rali sa lansangan
at mahusay magsuri ng mga isyu ng bayan

magaling sa debate, mahusay pang makisama
kaisa ng masa sa pagbabago ng sistema
halina't iupo sa Kongreso si Tita Portia
ating ipanalo ang Partido Lakas ng Masa

- gregbituinjr.
* ang tulang ito'y nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng KPML, isyung Enero 2019, p. 20

Linggo, Enero 20, 2019

Ikaapat na nominado ng PLM: Tita Flor Santos

IKAAPAT NA NOMINADO NG PLM: TITA FLOR SANTOS

ikaapat na nominado si Tita Flor Santos
ng Partido Lakas ng Masa, kakampi ng kapos
manggagawa't dukha'y ayaw niyang binubusabos
pagbabago ng sistema'y prinsipyo niyang talos

sa Sapat Sambayanan pangunahing namahala
sa Metro Manila Vendors Alliance nangasiwa
sa Sanlakas, lider na mahusay, mapagkalinga
sa Oriang ay pangulong matatag, laging handa

tagapayo siya ng manininda sa bangketa
sa parlamento ng lansangan ay laging kasama
mahusay pang magpaliwanag ng isyu ng masa
saanman naroon, patuloy na nakikibaka

Tita Flor Santos, taos-puso kaming nagpupugay
ang tulad mo sa bayan ay maglilingkod na tunay
tiyak marami ka pang labang ipagtatagumpay
pag PLM partylist sa Kongreso'y mailagay

- gregbituinjr.
* ang tulang ito'y nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng KPML, isyung Enero 2019, p. 20

Biyernes, Enero 18, 2019

Di na kumapit sa baywang ni misis sa dyip

di na ako kumapit sa baywang ni misis sa dyip
baka mapagkamalang pitaka ang hinahagip
lalo na't katabing pasahero'y nananaginip
kaysarap ng hilik habang bag niya'y halukipkip

isang dahilan yaon bakit ayokong kumapit
sa baywang ni misis lalo't suot niya'y di hapit
gayon kasi'y modus operandi ng mangungupit
laking lungsod akong saksi sa gawaing kaylupit

kaya mabuting mag-ingat ka sa dyip na masikip
dapat maging listo kang lagi't mababaw ang idlip
kung kakapit kay misis sa dyip, gamitin ang isip
huwag sa baywang, baka pagkamalan ka't madakip

ang kumapit sa baywang ni misis ay kanyang giit
subalit dahil sa sitwasyon, di ako napilit
kung dahil sa pagkapit sa baywang niya'y mapiit
maiging sa bisig na lang ni misis mangunyapit

- gregbituinjr.

Huwebes, Enero 17, 2019

Daigdig ba'y basurahan?

Kung saan-saan siniksik
ang mga basurang plastik
na sa lupa't dagat hasik!
Di pa ba tayo iimik?

Daigdig ba'y basurahan?
Pilipinas ba'y tapunan?
Dapat tayong magtulungan
nang ito'y masolusyunan!

Tayo lang ba'y tatahimik
at magpapatumpik-tumpik?
Baka plastik na'y magputik
na sa bansa'y magpatirik!

- gregbituinjr.

Miyerkules, Enero 16, 2019

Inaaliw tayo ng kanyang pagmumura

inaaliw tayo ng kanyang pagmumura
habang may ginagawa pala silang iba
pananakot at pagpaslang ang nakikita
habang Konstitusyo'y binabago na pala

batbat ng balita sa mga radyo't dyaryo
pawang paglabag sa karapatang pantao
madalas mapansin ang kawalang proseso
habang di napapansin ang pederalismo

inaaliw tayo ng kwentong sari-sari
nitong pangulong manyakis at astang hari
noon daw ay kinalikot siya ng pari
pati atsay nila'y kanya raw dinaliri

habang tayo'y naaaliw o naaasar
di napapansin ang kanyang mga paandar
balakin sa ChaCha'y pilit inilulugar
pederalismo'y unti-unting pinupundar

aba'y magmasid tayo't huwag lang magtiis
ang mga joke joke niya'y pakunwaring mintis
baka bulagain tayo ng bagong hugis
na bansa'y pederalismo na itong bihis

- gregbituinjr.

Martes, Enero 15, 2019

Patuloy lang

PATULOY LANG

patuloy akong magsusulat
ng mga tulang walang puknat
na kadalasang nagbubuhat
sa harayang di ko masukat

patuloy ako sa paglikha
ng sangkaterbang mga tula
magpapatuloy sa pagkatha
hinggil sa samutsaring paksa

patuloy hanggang kamatayan
sulat ng sulat sa aklatan
sulat ng sulat ng aklasan
susulat hanggang katapusan

magpapatuloy lang sa mundo
ang manunulat na tulad ko
susulatin ang kahit ano
susulat kahit di na uso

- gregbituinjr.

Lunes, Enero 14, 2019

Naglulunoy pa rin sa saluysoy

naglulunoy pa rin sa saluysoy
kahit ako'y nagbabalinguyngoy
natanaw kong paligid na'y luoy
tila baga ako'y sinusuysoy
hanggang tahakin ko na'y kumunoy

- gregbituinjr.

Miyerkules, Enero 9, 2019

Uhaw sa dugo

ang palasyo'y uhaw sa dugo
nais lang adika na'y maglaho
buhay ay ayaw nang mahango
nais lang mambasag ng bungo
- gregbituinjr.

* komento sa balitang "Palace rejects psychologists' call for 'scientific, humane approach' vs drugs, Phil. Daily Inquirer, January 8, 2019, 
https://newsinfo.inquirer.net/1070561/palace-rejects-psychologists-call-for-scientific-humane-approach-vs-drugs

Martes, Enero 8, 2019

Di tulad ng dagsin ang himagsikan

DI TULAD NG DAGSIN ANG HIMAGSIKAN

“The revolution is not an apple that falls when it is ripe. You have to make it fall.” ~ Che Guevara

* DAGSIN - salin sa wikang Filipino ng GRAVITY

may bumagsak na isang mansanas sa ulo noon
ng siyentipikong nagngangalang Isaac Newton
marahil nahinog ang mansanas sa punong yaon
nang bumagsak ay napagtanto niyang dagsin iyon

malakas ang enerhiyang humihila pababa
ang mula sa itaas ay babagsak din sa lupa
anumang itapon pataas, malalaglag sadya
sa Ingles: GRAVITY; at DAGSIN sa sariling wika

ngunit rebolusyonaryong si Che ay may banggit din
anumang himagsika'y pagsikapan nating gawin
di iyon tulad ng mansanas na babagsak man din
yao'y dapat pahinugin, pitasin, pabagsakin

ang tuklas ni Newton, ang ideya ni Che Guevara
sa ati't mga susunod pa'y kanilang pamana
halina't pagnilayang mabuti ang sabi nila
kung ating matatanto'y maganda ang ibubunga

- gregbituinjr.

Lunes, Enero 7, 2019

Mabuti nang mamatay na naninindigan

“Better to die standing than to live on your knees.” ~ Che Guevara

mga kasama, patuloy tayong tumindig
sa ating simulain ay magkapitbisig
mga trapong kawatan ay dapat mausig
at kaaway ng sambayanan ay malupig

mabuti nang mamatay na naninindigan
kaysa mamatay nang dahil sa karuwagan
mabuti nang mamatay tayong lumalaban
kaysa lumuhod sa naghahari-harian

ating tinahak na puno ng sakripisyo
iyang bilin ng mga rebolusyonaryo
halina't itayo kasama ng obrero
ang pangarap nating lipunang makatao

- gregbituinjr.

Linggo, Enero 6, 2019

Sa kaarawan ng aking palangga

SA KAARAWAN NG AKING PALANGGA
Enero 6, 2019

pagbati ko sa kaarawan ng aking palangga
na aking katuwang sa simulain ko't adhika
para sa pamilya, para sa bayan at sa madla
matapang, matatag, mataktika, kahanga-hanga

mabuhay ka, aking palangga, sa husay mo't galing
matulungin, malikhain at mahusay sa sining
kaygandang umawit, kaysarap kausap, kaylambing
magaling makipagkapwa-tao't sadyang magiting

nakahanda kang lagi sa pagsalunga sa agos
lalo't batid mong kapwa'y inapi't binubusabos
magaling makisama, tinutulungan ang kapos
para sa karapatan ay handang makipagtuos

sa mahal kong palangga, maligayang kaarawan
nawa'y gumanda pang lalo ang iyong kalusugan
halina't buuin natin ang masayang tahanan
nawa bata'y malusog sa iyong sinapupunan

- gregbituinjr.

Huwebes, Enero 3, 2019

Pagpaslang ng ina sa 6-anyos na anak

minsan, dulot ng pagkainis ay pagkapahamak
at kadalasan ang nangyayari'y nakasisindak
dahil lamang ayaw uminom ng gamot ang anak
na anim-na-taong gulang, nanay pa ang nanapak

anong klaseng ina ang di marunong magpasensya
sa nilalagnat na anak, bakit mamamalo pa
baka mapakla ang gamot, di ayon sa panlasa
kaya sana ina'y umunawa, di mairita

namalo nang namalo upang gamot ay ipilit
hanggang mahulog sa unang palapag yaong paslit
dapat ina'y malitis, maparusahan, mapiit
dapat panagutan ang sa anak niya'y sinapit

karapatan ng batang huwag dahasin ninuman
kahit inang nagluwal ay di siya dapat saktan
ang Convention on the Rights of the Child ay dapat alam
ng lahat ng magulang at lahat ng mamamayan

- gregbituinjr.
(Batay sa ulat sa pahayagang Bulgar, Enero 3, 2019, p. 1&2)

Martes, Enero 1, 2019

Sa Taon ng Baboy 2019

paano na't dumatal muli ang taon ng baboy
buhay kaya ng dukha'y patuloy na mabababoy
kayraming pinaslang, kinulong ang tambay, palaboy
binaboy ang proseso't hustisya, dukha'y nanaghoy

sa taon ng baboy, kumusta ang buhay ng madla
mga maralita ba'y may pag-asang guminhawa
may wastong proseso't tamang paglilitis na kaya
upang dukha'y di na matotokhang at makawawa

sa taon ng baboy, dangal ng tao'y irespeto
may dignidad bawat mamamayan sa bansang ito
katarungan para sa pinaslang nawa'y matamo
huwag sanang mababoy ang karapatang pantao

magbigkis-bigkis at dapat tayong magkapitbisig
laban sa mga inhustisyang dulot ay ligalig
sa taon ng baboy, ipakita ang ating tindig
mga bumaboy sa hustisya'y dapat lang mausig

- gregbituinjr.

Batian namin ni misis

Si misis: HAPPY?
Sagot ko: NEW YEAR!

Si misis: REALLY!
Ako: Yap! APIR!

Bagong Taon, Lumang Sistema

BAGONG TAON, LUMANG SISTEMA

panibagong petsa na naman ang papalit ngayon
tulad ng kalendaryong nagpapalit taun-taon
bulok pa rin ang sistema't dapat magrebolusyon
pagkat petsa lang ang nagbabago sa Bagong Taon

lumang sistema, Bagong Taon, iyan ang totoo
ang kalagayan ng masa'y di pa rin nagbabago
manggagawa'y kontraktwal pa rin, mababa ang sweldo
uring obrero'y alipin pa ng kapitalismo

ang Bagong Taon pa'y sinasalubong ng paputok
tila katatagan ng bawat isa'y sinusubok
animo'y digma, nagpuputukan, nakikihamok
kayraming putok na kamay nang lumipas ang usok

Bagong Taon, lumang sistema, ang katotohanan
elitista pa rin itong naghahari-harian
kailangan pa rin nating maghimagsik, lumaban
upang itayo ang isang makataong lipunan

- gregbituinjr.