Martes, Hulyo 31, 2018

Hindi lamang itim at puti

hindi lamang itim at puti
kundi kami ring kayumanggi
ang may magandang minimithi
sa mundong kaytagal sinawi
ng kapitalismong tiwali

dapat nating pagkaisahin
ang masa sa isang layunin
ang bayan-bayan sa mithiin
at obrero sa adhikain
upang daigdig ay baguhin

itim man at puti'y makunat
at kayumanggi'y nagsasalat
ang puso't diwa'y sinusukat
kung ginhawa'y ginawang sapat
upang magtamasa ang lahat

masa'y di dapat laging lugmok
obrero'y dapat manghimasok
aralin ang dapat maarok
palitan ang sistemang bugok
baguhin ang lipunang bulok

- gregbituinjr.

Sabado, Hulyo 28, 2018

Lagaslas ng tubig

Lagaslas ng tubig ay tila ba musika
At sa puso'y umaalon-alon tuwina
Ginigising ang diwa sa bawat umaga
Ako'y tila baga dinuduyan ng sinta
Sinusundan ang awitan ng mga maya
Lininang ng lagaslas sa aba kong puso
Ang tapat na pag-ibig na nasang mahango
Sa paglalakad ay di ko ramdam ang hapo
Nadama'y init ng pagsintang di magupo
Gumiti man sa noo'y pawising pagsuyo
Tinititigan ko ang pagsayaw ng ilog
Upang sa isipa'y mapag-anyo ang hubog
Bakasakaling dalhin ako sa tugatog
Isang pag-asa sa pagdatal sa bantayog
Gumupiling man sa banig ng pagkahulog

- gregbituinjr.

Biyernes, Hulyo 27, 2018

Paghiwalayin ang nabubulok sa di nabubulok

anong gagawin sa basurang nakasusulasok
magresiklo, ihiwalay ang mga nabubulok
sa di nabubulok, tulad ng mga trapong bugok
ang wasto'y gawin upang bayan ay di maghimutok

ang nabubulok ay yaong mga pinagtalupan
ng prutas at gulay, natuyong dahon at halaman
dumi ng manok, baboy, at iba pang kahayupan
tira't panis na pagkain sa mesa't paminggalan

di nabubulok ang mga bote, bakal at lata
plastik, styro, karton, tuyong papel, at iba pa
balahibong manok, buto ng hayop, ay kasama
sadyang mahalagang paghiwalayin ang basura

ang mga nabubulok ay gawin nating pataba
mga pinagbalatan ay ipunin at ihanda
tuyong dahon, dumi ng hayop, haluan ng lupa
sa kalalabasan nito'y tiyak ikatutuwa

nabubulok at di nabubulok, paghiwalayin
sa nabubulok ay may pataba kang aanihin
bote, bakal, tuyong papel ay mabebenta natin
may pera sa basura ay ating pakaisipin

- gregbituinjr.

Sabado, Hulyo 21, 2018

Ang bantay

ANG BANTAY

mahalaga ang bantay sa ating tahanan
sa purok, opisina, pabrika, sakahan
lalo't babantayan ay puri't karangalan
na nais lang lagyan ng batik ng gahaman
bantayan ang bayan sa ganid na iilan
lalo't kapwa'y ibinubulid sa karimlan

- gregbituinjr.
litrato'y kuha ng makata

Miyerkules, Hulyo 4, 2018

Demokrasya ba'y ginawang pilantod

hustisya sa tatlong paring pinaslang
katarungan sa lahat ng tinokhang
ang buhay nila'y di na iginalang
na agad pinitas ng mga halang

demokrasya ba'y ginawang pilantod
ng haring gusto'y lahat mapasunod
marami'y pikitmatang nakatanghod
habang bayan sa dugo'y nalulunod

o, gumising na tayo, kababayan
ang ganito'y dapat nating pigilan
itigil na lahat ng karahasan
dapat matigil lahat ng patayan

nababalot ang bayan sa hilakbot
maraming may katungkulan ang sangkot
ang mga ganito'y nakalulungkot
tayo'y makibaka, huwag matakot

- gregbituinjr.