Miyerkules, Enero 31, 2018

Mag-ingat sa pagmamadali

mag-ingat baka sa pagmamadali
ay mauwi ka sa pagkakamali
suriing maigi kung anong sanhi
baka di ubra ang napiling binhi

sunod ng sunod sa atas ng hari
na tingin ng iba'y di mababali
gayong salaring laging pinupuri
at sa gawain nito'y di mandiri

maganda kaya sa kutis ang mani
masarap bang hagkan ang kanyang labi
makulay ba ang laman ng tampipi
o kaya'y nasira na't tagpi-tagpi

sa kasamaan ba'y di namumuhi
ayos lang bang kapwa'y inaaglahi
bakit karapatan na'y hinahati
at niyuyurakan ang dangal, puri

pag-isipan mo ang bawat sandali
maging mahinahon ka sa pagpili
at makaiwas sa danas na hapdi
kayhirap gamutin ang pusong sawi

minsan ang bagay na minamadali
kung di man mali, napipili'y bungi
alam mo ba iyon, aba'y magsuri
baka sa dulo'y magsisi’t lupagi

- gregbituinjr.

Biyernes, Enero 19, 2018

Diktadura sa Bagong Konstitusyon

Tingni. Pag naisabatas na ang Federal na Konstitusyon, tanggal na ang Senado at ang Mababang Kapulungan, at si Digong na ang gagawa ng mga batas. (Article 18, Transitory Provision, Section 6 ng proposed Constitution ng Federal Republic of the Philippines, Resolution of Both Houses No. 08.)

All Power to Digong na ito! Sagad-sagaring diktadura na ito, tulad ng kay Macoy noon.

DIKTADURA SA BAGONG KONSTITUSYON

totoo nga, change is coming, bagong sistema
pagpaslang sa dukhang kawawa, pagmumura
at ngayon, Konstitusyon ang dinidistrungka
nanganganib nga bang muli ang demokrasya?

lulusawin na ang Senado at Batasan
gagawa ng batas ay pangulo na lamang
"petmalu" talaga ang "lodi" nitong bayan
lalo na't "werpa" ay pinakatatanganan

perpektong lipunan daw ang kanilang nais
kaya ang masa sa pagbabago'y magtiis
uunlad naman daw tayong walang kaparis
habang pagbutas sa batas ay kinikinis

mananatili ka na lang bang isang miron
o sasakay ka na lang sa layag ng alon
magsuri't magmasid sa nangyayari ngayon
at agad ding kumilos kung di ka sang-ayon

- gregbituinjr./011918


Miyerkules, Enero 17, 2018

Ayaw sa salitang makatarungan, makatao?

Tingnan nyo po ang mungkahi ng mga mambabatas na pagbabago sa Konstitusyong 1987. Sa Preambulo pa lang ay pinalitan na ang "to build a JUST AND HUMANE society and establish a Government" ng "to build a MORE PERFECT SOCIETY and establish a FEDERAL FORM OF GOVERNMENT". Nandidiri ba sila sa salitang "JUST AND HUMANE", lalo na ngayong ang pangulo ay may bukambibig na "Kill, kill, kill, papatayin ko kayo" at kayrami nang napapaslang?

AYAW SA SALITANG MAKATARUNGAN, MAKATAO?

ah, ano nang nangyayari sa bansa nating ito
ang Saligang Batas na'y binubutas bang totoo?
tingni yaong binabago doon sa Preambulo
ayaw sa salitang makatarungan, makatao?

"to build a just ang humane society" ang nakasulat
doon sa Preambulo, subalit mungkahing sukat:
"to build a more perfect society" na umano dapat
at federalismong gobyerno na para sa lahat

ano nga ba ang sinasabing perpektong lipunan?
yaon bang wala nang mahihirap at mayayaman?
yaon bang walang pribadong pag-aari sa bayan?
wala na bang pagsasamantala sa mamamayan?

bakit wawalain ang makatao at hustisya?
ito ba'y kamatayan na nga ba ng demokrasya?
pag ipinilit, ito ba'y pasismo? diktadura?
dapat suriin at pag-isipan ito ng masa

- gregbituinjr/011718

Martes, Enero 16, 2018

Mananatili akong tibak

mananatili akong tibak sa iyong paningin
ang pagsusumamo mo'y tatangayin lang ng hangin
nasa laot man ako o tumatahak sa bangin
tibak akong tapat sa nasimulang adhikain

- gregbituinjr.

Huwebes, Enero 11, 2018

Ang mababait ay huwag daw ginagalit

ANG MABABAIT AY HUWAG DAW GINAGALIT

ang mababait ay huwag daw ginagalit
dahil pag nagalit sila'y sadyang kaylupit
baka maisumpa mo na maging ang langit
pagkat tahimik nilang dugo'y pinainit

- gregbituinjr.

Lunes, Enero 8, 2018

Banta at Pagbaka

BANTA AT PAGBAKA

ang sabi niya, anong gusto mo:
madyaryo o matakpan ng dyaryo?

tanong ko: bakit ka nagbabanta?
ginawa ko lang kung ano ang tama

aniya, pulos kayo batikos
problema'y nais naming matapos

tanong ko: pagtapos ang pagpatay?
wala na bang halaga ang buhay?

aniya, dapat lang magsitirik
iyang mata nilang mga adik

sila'y walang mga karapatan
pagkat sila'y walang pakinabang

banta sila sa buhay ng iba
kriminal na dapat unahan na

tanong ko: wala pang gawang krimen
turing na sa kanila'y salarin?

aniya, buting sila'y unahan
kaysa tayo pa ang maunahan

seguridad ng kapwa ang una
at sa kapwa'y mga banta sila

kaya kayo, huwag makialam
kung buhay mo'y di agad maparam

aniko, ang bawat karapatan
ay dapat igalang, ipaglaban

igalang nyo lagi ang proseso
ng batas, huwag maging berdugo

batas sa kamay, huwag ilagay
karapata'y respetuhing tunay

- gregbituinjr.

* Ang mga litrato ay kuha ko sa isang art exhibit hinggil sa EJK.

Linggo, Enero 7, 2018

Madilim man ang langit

MADILIM MAN ANG LANGIT

madilim man ang langit, tuloy sa bawat pagkilos
kahit nilalamig sa pagpopropagandang lubos
pilit na nilalabanan bawat pambubusabos
ng sistemang walang puso sa masang laging kapos

madilim man ang langit sa bawat pinapangarap
dinagit ng lawin ang inakay na sumisiyap
sa maruming dagat, mga isda'y sisinghap-singhap
sa bukid ay kayod kalabaw, lasap lagi’y hirap

madilim man ang langit pagkat walang sinasahod
ayos lang basta sa pagkilos ay hindi hilahod
di natutulala sa gutom o magmukhang tuod
kaya kumain ng balot nang lumakas ang tuhod

madilim man ang langit sa paglalayag mag-ingat
di dapat sa gutom ay mawalan ka ng ulirat
magplanong maigi nang wala sa 'yong maisumbat
habang sa pakikibaka'y nananatiling tapat

- gregbituinjr.

Sabado, Enero 6, 2018

Sa kaarawan ng aking sinta

maligayang kaarawan sa iyo, aking Libay
natatangi kitang minumutya sa puso ko'y taglay

ikaw nawa'y laging nasa mabuting kalagayan
hindi nagkakasakit, maganda ang kalusugan

ititira man kita sa munti't aba kong dampa
iyon ay isang paraiso, O, aking diwata

kaysa naman itira kita sa isang palasyo
gayong di ako hari kundi karaniwang tao

di man sintamis ng asukal ang ating pag-ibig
di naman mapait bagkus kaysarap ng pagniig

di ko kayang maibigay ang bituin sa langit
apelyido kong Bituin ang iyong mabibitbit

maraming salamat sa iyong pagtanggap sa akin
nawa'y kaisa kita sa bawat kong adhikain

maligayang kaarawan sa iyo, aking sinta
patuloy tayong kumilos ng may buong pag-asa

- gregbituinjr.
01-06-2018

Biyernes, Enero 5, 2018

Ikapu versus butaw

IKAPU VERSUS BUTAW

nangongolekta ng ikapu ang mga sambahan
habang nangangalap ng butaw ang mga samahan;
parehong ambag na salapi nitong kasapian
ngunit isa'y maunlad, isa'y naghihirap naman

ikapu sa bawat kasapi'y tungkulin at atas
pagkat ayon sa bibliya't ambag itong parehas;
ang butaw, tungkulin man at nasa saligang batas
ng samahan, di lahat ay nag-aambag ng patas

kaya mga sambahan ay talagang nagniningning
kaylalaki pa nito't masisilaw ka sa tingin;
tanggapan ng ilang samahan animo'y dukhain
kaya pananatili nito'y ilang taon lang din

sa ikapu'y kaluwalhatian ng kaluluwa
ang ipinangangaral sa mga kasapi nila;
sa butaw, ipinaglalaban ang bagong sistema
at kailangan ng matinding pag-oorganisa

sambahan ay nabubuhay sa ikapung abuloy
upang pangangaral nila sa masa'y magpatuloy;
nabubuhay ang samahan pag butaw ay dumaloy
upang samaha'y di magmukhang kawawa't palaboy

sa ikapu, ang kasapi'y talagang magbibigay
sa paniniwalang kaluwalhatian ang alay;
sa butaw, paniningil ay pahirapan pang tunay
tila di dama ang prinsipyo ng samahang taglay

kapwa ambag man ng kasapi ang ikapu't butaw
sa mga aral nito'y di tayo dapat maligaw;
mga kasapi'y dapat magtulungan ng malinaw
nang magamit ng maayos ang perang ibinitaw

- gregbituinjr.

Huwebes, Enero 4, 2018

Rapas man ang guhit ng palad

RAPAS MAN ANG GUHIT NG PALAD

matindi ka raw manapok, tila napakarahas
pag nabasa sa guhit ng iyong palad ay rapas
maiging huwag dinggin ang anumang aliwaswas
at huwag dumaiti sa tinik ng isdang kapas

may taong kakaiba ang paniwala o kaot
ngunit mahinahon sa harap ng ligaya't poot
sa kabila ng rapas at paglalakbay sa laot
magiging maalwan ang paglutang ng mga sagot

mahalaga ang kahinahunan sa bawat lagay
upang maiwasan yaong dahas, galit at lumbay
palad mo ma'y rapas, di mo palad manirang tunay
dapat talos mo paano pagbutihin ang buhay

ang pagpapakatao'y isapuso't isadiwa
dulot ng pakikipagkapwa'y ligaya at tuwa
kaasalan mo sa kapwa'y masusukat sa gawa
iyang rapas at rahas ay di dapat laging tugma

- gregbituinjr.

Miyerkules, Enero 3, 2018

Sa mga naglalaway sa dugo ng kapwa

SA MGA NAGLALAWAY SA DUGO NG KAPWA

akala nila, makatarungan ang pamamaslang
magiging kriminal naman daw ang sugapang halang
at makakatulog ng mahimbing ang mamamayan
pag wala nang sugapang banta sa kinabukasan

akala nila, bayani sila pag pumapatay
tamang proseso ng batas ay balewalang tunay
"bayani" silang sa dugo ng kapwa'y naglalaway
kapayapaan daw ng bayan ang kanilang alay

akala nila, krimen ay agad nilang napigil
kahit wala pang nagagawa ang sugapang sutil
wala pang krimen, dukha'y tututukan na ng baril
sira na raw ang utak kaya agad kinikitil

akala nila, dapat walang kara-karapatan
dahil daw ang karapatan ay sagabal sa bayan
akala nila, pagpaslang ay tungong kaunlaran
payapa ang negosyo, buhay man ay paglaruan

sino silang basta kukuha ng buhay ng tao?
sino silang naglalaway sa dugo ng kapwa mo?
budhi ba nila'y payapa't bayani ngang totoo?
para sa bayan nga ba ang pagpaslang ng berdugo?

ang ginagawa nila'y karumal-dumal ding krimen
bayani sa sarili, ngunit sa madla'y salarin
mananagot sila, budhi nila'y mang-uusig din
kriminal din pala sila'y di nila akalain

- gregbituinjr.

#NoToSalvagings #StopTheKillings 
#EJKnotOK #RespectTheRightToLife

Martes, Enero 2, 2018

Sa Ngalan ng Pag-ibig

SA NGALAN NG PAG-IBIG

tunay ngang kaysarap damhin ang unang halik
habang ligalig ka sa kaylakas kong hilik
gumuguhit yaong lambanog kong binarik
pasensya kung minsan di ako umiimik
pagsinta ko naman sa puso'y natititik

patuloy nating isabuhay ang Kartilya
at sabay din nating paglingkuran ang masa
di tayo papayag maging ibon sa hawla
walang laya kahit nagniniig tuwina
ako'y Andres, ikaw si Oryang, aking sinta

di ako dinadaya ng aking paningin
ikaw nga ang mutyang sagot sa panalangin
ako'y iyo, at ikaw naman ay sa akin
habang pinagmamasdan ko sa papawirin
ang ikukuwintas ko sa iyong bituin

huwag nating hayaang dustain ninuman
ang Kartilyang alaala ng Katipunan
ituro ang kamalayan sa kasaysayan
upang ang bata sa bawat sinapupunan
ay mabigyan ng magandang kinabukasan

- gregbituinjr.

Sa isang magandang dilag

SA ISANG MAGANDANG DILAG

sa edad mong iyan, di ka na matandang dalaga
kaya't akong ito'y di na rin matandang binata

tinatanggap natin ang pag-ibig ng isa't isa
nawa'y manahan sa puso ang pagsintang dakila

sa harap man ng suliranin, lungkot o ligaya
ang kaharapin man natin ay pawang dusa't luha

pagsikapan pa rin nating mabuo ang pamilya
at malulutas din anumang dumatal na sigwa

pag nagsilang ka na'y iigting ang pagkakaisa
at isang magandang bukas ang ating ihahanda

- gregbituinjr.

Lunes, Enero 1, 2018

Pag-igting ng kawalang hustisya

PAG-IGTING NG KAWALANG HUSTISYA

Patuloy pang ramdam ang banta kahit di nagbanta
Animo'y uod na ngumangasab ng maralita
Di na nila pinadidipa ang mga sugapa
Binubulid na lang kung saan ng mga kuhila

Laksa-laksa ang pangitain ng mga panimdim
Ang gabing malamig ba'y magiging gabing malagim?
Ang pasismo'y landasing sadyang nakaririmarim
Sa kapangyarihan, lumalaki ang ulong sakim

Ang budhi ba nila'y malay sa pagpapakatao
Kahit mali'y pikitmatang susundin ang idolo
Kamay na pulos lipak ay kaytindi ng pagbayo
Paruparong bukid, bakit duguan ang pakpak mo?

Salbahe'y nagkalat sa talampas at kaparangan
Sa kuwago'y di lingid ang kanilang kagagawan
Marami pa ring ahas sa kanilang daraanan
Mag-ingat at baka abutin ng dilim sa daan

#EJKnotOK #NoToSalvagings #StopTheKillings #RespectTheRightToLife

- gregbituinjr.