Miyerkules, Nobyembre 29, 2017

Paninindigan ko

Pinaninindigan ko mula ulo hanggang paa
Ang magandang sistemang magpapalaya sa masa
Na mawawala na lahat ng pagsasamantala
Isa-isang gigibain ang dahilan ng dusa
Naninindigang may bagong bukas pang lilikhain
Ito'y sosyalismong isasapuso't diwa natin
Na pagkakapantay sa lipunan ang adhikain
Diktadura ng proletaryado'y palaganapin
Iginuhit na ng manggagawa kung anong dapat
Gawin na natin ang pagkakaisang nararapat
At kumilos ng tuluy-tuloy bagamat di sapat
Nang magtagumpay ang obrero sa binabalikat
Komunismo'y nananalaytay sa diwa ko't puso
O, bayan ko, sosyalismo ang lipunang pangako

- gregbituinjr.

Biyernes, Nobyembre 24, 2017

Bagamat isyu'y malamlam

bagamat isyu'y malamlam
pagsasanay ay kay-inam
kayrami nang naging alam
para sa hustisyang asam

- gregbituinjr.

Martes, Nobyembre 21, 2017

Kaibhan

KAIBHAN

alam mo bang kaibhan ng bibe, itik at pato
ay tulad ng kaibhan ng unggoy, matsing at tsonggo

ang kaibhan ng tinali, tandang at talisain
ay tulad ng kaibhan ng banoy, agila't lawin

magkakaiba ang bisiro, buriko at guya
pawang anak ng hayop sa bukid na pinagpala

kaibhan ng trabahador, obrero, manggagawa
ay tulad din ng kaswal, kontraktwal, arawang gawa

kaibhan ng pesante, magsasaka't magbubukid
ay tulad ng sastre, mananahi't magsisinulid

magkapareho man sa tingin ay magkaiba rin
ngunit dapat matalos natin ito't unawain

may pagkakahawig man ang magkapatid na kambal
kita ang kaibhan nila sa pagkatao't asal

- gregbituinjr.

Martes, Nobyembre 14, 2017

Nahihimbing na karapatan (2)

NAHIHIMBING NA KARAPATAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludto

dapat gisingin mo ang mga diwa nila
na may karapatan kang dapat makilala
baka yaong diwa nila’y nahihimbing pa
habang sila nama’y winawalanghiya ka
karapatan ay huwag hayaang mahimbing
kaya dapat ang puso’t diwa’y laging gising

tandaang mong may karapatan bawat isa
na dapat maramdaman nila’t makilala
tandaang may karapatan ang bawat masa
na kaakibat na ng pagkatao nila
karapatan ay huwag hayaang mahimbing
kaya dapat ang puso’t diwa’y laging gising

huwag nyong hayaang kayo’y maagrabyado
ng mga mapagsamantalang pulitiko
at mga gahamang kapitalistang tuso
na ang laging adhika’y pagtubuan tayo
karapatan ay huwag hayaang mahimbing
kaya dapat ang puso’t diwa’y laging gising

karapatan natin ay dapat irespeto
dapat kilalanin ng sinumang gobyerno
at upang tunay nga nating manamnam ito
sistemang bulok ay ibasurang totoo
palitan na ang sistemang kapitalismo
itayo ang isang lipunang makatao

* ang tulang ito'y orihinal na naisulat noong Agosto 10, 2010, at idinagdag ang tatlong huling taludtod na binasa sa aktibidad na Sining Tagpuan na ginanap sa Komisyon sa Karapatang Pantao, Nobyembre 13, 2017, kasabay ng aktibidad ng CSOs ng ASEAN dito sa Pilpinas

Martes, Nobyembre 7, 2017

Damhin ang mga aral ng Rebolusyong Oktubre 1917

DAMHIN ANG MGA ARAL NG REBOLUSYONG OKTUBRE 1917

damhin natin bawat kasaysayan
lalo na ng uring manggagawa
sapagkat sila ang salalayan
upang lipunan ay mapalaya

tara't sama-samang ipagdiwang
ang sentenaryo ng Rebolusyong
Oktubre na ipinagsanggalang
ang manggagawa't pesante noon

tinaboy ang burgesyang malupit
na sa kanila'y nagsamantala
tinatag nila ang Unyong Sobyet
binago ang bulok na sistema

pinatunayan ng manggagawa
pag kumilos sila bilang uri
marami silang mapapalaya
mula sa kuko ng naghahari

sa sama-sama nilang pagkilos
ay kayang pataubin sinuman
isang aral na dapat matalos
at bahagi na ng kasaysayan

- gregbituinjr.

Mabuhay ang Rebolusyong Oktubre 1917

MABUHAY ANG REBOLUSYONG OKTUBRE 2017

ipinaaabot kong may ngiti
isang taas-kamaong pagbati
sa sentenaryo ng Rebolusyong
Oktubre na mahalaga noon
pagkat manggagawa'y naghimagsik
ang mga pabrika'y nagsitirik

tinayo mga konsehong Sobyet
at itinaboy ang mga elit
tinatag ang sariling gobyerno
ng mga pesante at obrero
kapitalista'y nagsitakasan
mga elitista'y nagtakbuhan

unyong Sobyet sa diwa'y tumatak
bagong lipunan yaong tinahak
sa bagong landas sila'y nagpasya
natayo'y sistemang sosyalista
sa kanila'y aking inaalay
ang taos-puso kong pagpupugay

- gregbituinjr.

Sabado, Nobyembre 4, 2017

Batang Henyo (Batanggenyo)

marunong ding manindigan ang mga batang henyo
tindig na sintalas ng balisong ng Batanggenyo
di uurong sa laban, nagsusuri, matalino
napaglalangan din ang sinumang unggoy na tuso

sadya ngang kayraming batang henyo sa kasaysayan
na umugit sa kapalaran ng mahal kong bayan
batang henyong nagsikilos para sa kalayaan
may kakaibang isip, pinaunlad ang lipunan

hinasa hanggang sintalas ng balisong ang isip
may mga pagmamatuwid na noo'y di malirip
abante ang diwa at may prinsipyong halukipkip
sa mga problema'y may kalutasang nahahagip

pawang nagsikilos upang bayan nati'y maadya
mula sa pagsasamantala ng mga kuhila
mga pagsisikap nila'y tanda ng pagpapala
tulad ng mga lipak sa kamay ng manggagawa

- gregbituinjr.