Lunes, Oktubre 30, 2017

Pagtula para sa katarungan

di ko malaman kung paano itutula
ang tumagas na dugo't balde-baldeng luha
paano itula ang buhay na nawala
habang puso't pluma ko rin ay nagluluksa

buhay ba ng tao'y katulad lang ng ipis
na basta-basta na lang nila tinitiris
kayraming nagmamahal ang nagsisitangis
sa ganitong nangyayari ba'y magtitiis

dapat na maging makatao ang lipunan
dapat matigil na iyang mga patayan
at dapat ding magkaroon ng katarungan
para sa mga nabiktima't namatayan

sa ganitong sistema'y huwag matuliro
dapat itong pigilan, magsikilos tayo
ipalaganap ang karapatang pantao
itayo ang isang lipunang makatao

- gregbituinjr.
- nilikha at binasa sa isang anti-EJK activity sa Most Holy Trinity Parish, Balic-Balic, Sampaloc, Manila, Oktubre 30, 2017

Sabado, Oktubre 28, 2017

Akala ko'y ganun-ganon na lang ang pagmamahal

akala ko'y ganun-ganon na lang ang pagmamahal
akapin mo siya't pipiglas pagkat siya'y basal
akalain ko bang dahil doon ay mabubuntal
akay nila akong katawan ay halos mapigtal

akibat ko ang pagkataong nakikipagkapwa
akong walang iniisip kundi katha ng katha
aking gagawin lahat upang maangkin ang mutya
akitin ang dilag ng pagnanasa't mga tula

aking pangarap na kanyang OO'y makamtang tunay
aksyong pag nagawa ko, sa sarili na'y tagumpay
aklat ko ng mga tula sa mutya'y inaalay
akma sa kanya bilang diwatang may gandang taglay

akalain ko bang hangaan siya ng ganito
akong isang makatang buti't di nakalaboso

- gregbituinjr.

Biyernes, Oktubre 27, 2017

Tama na po, may exam pa po ako bukas!

TAMA NA PO, MAY EXAM PA AKO BUKAS

napakabata pa ni Kian Delos Santos
upang ang buhay niya'y maagang matapos
siya'y estudyanteng sa buhay ay hikahos
nang apat na kapulisan siya'y pinatos

"Tama na po, may exam pa po ako bukas!"
anang mga saksi'y kanyang ibinulalas
bago dinala ng pulis hanggang mautas
buhay niyang payapa'y napuno ng dahas

totoo bang nagtutulak siya ng droga?
o napagkamalan lang siyang durugista?
mga tanong na dapat lang maimbestiga
dahil kung hindi, dapat kamtin ay hustisya!

di ba't sa rules of engagement ay may proseso
di basta proseso, kundi prosesong wasto
at suspek ay di basta binabaril nito
buti'y may CCTV na nakuha rito

isa ba si Kian sa mga inosente?
napagkamalan lang ang kawawang estudyante?
sinong masisisi sa ganitong nangyari?
hustisya nawa'y kamtin, tanging masasabi

- gregoriovbituinjr.

* ulat mula sa Philippine Star, Oktubre 3, 2017

Huwebes, Oktubre 26, 2017

Mamatay daw tayo sa gutom

Putang ina n'yo, mamatay kayo sa gutom
Anang pangulong amoy asupre't kabaong
Nakapanginginig ang sinabi ng buhong
Gustong dukha'y hayaan lang sa alimuom.
Ulupong sa tuktok yaong nagtutungayaw
Lagi bagang sa dugo'y tila nauuhaw
Oo, ang bibig niya'y mistulang balaraw
Na nakasusugat hanggang ikaw'y matunaw.
Gising na, bayan ko, ang pangulo mo'y buwang
Sa babae man ay di marunong gumalang
Isang siraulong pati ang puso'y halang
Ramdam mo kung bakit paligid ay masangsang.
Asupreng dila'y nais kumahon sa atin
Upang animo'y Hitler siyang sasambahin
Lalaban ba tayo sa dila niyang angkin
O tiklop-tuhod kayo sa kanyang gawain?
- gregbituinjr.

Lunes, Oktubre 16, 2017

tutula, tutuli, tutulo

tutula, tutuli, tutulo
tulala, tatala, tuliro
talaga, talaba, talungko
taliba, talata, tula ko
- gregbituinjr.

Huwebes, Oktubre 12, 2017

Nais kong maging tapat sa aking napiling sining

nais kong maging tapat sa aking napiling sining
kahit minumutya'y sa pangarap ko lang kapiling
bulsa ko man ay walang pilak na tumataginting
maliit man ako'y bakasakaling makapuwing

nais kong maging tapat, oo, tapat sa pagkatha
aakdain ang saya, indayog, linamnam, luha
patuloy na kakatha di man basahin ng madla
anumang daluyong ang dumatal ay may paghupa

nais kong maging tapat sa minumutya kong dilag
siyang musa ng pagkatha, pag-ibig nga ba'y bulag
bakit iwing puso ko'y napili niyang mabihag
sa kanya, puso kong bato'y tila ba mababasag

sa pagluluto ko ng katha'y nais kong maging tapat
sinampalukang sanaysay at may tulang pinangat
ang sinigang kong taludtod, malalasahang sukat
inadobo kong saknong, asahan mo't di maalat

- gregbituinjr.

Miyerkules, Oktubre 11, 2017

Paano aayusin ang buhay na tila pulubi

ayusin mo ang buhay mo? ang narinig kong sabi
paano ba aayusin ang buhay na sakbibi
ng lumbay kaya tambay na lang maghapon at gabi

paano aayusin ang buhay na tila pulubi
upang sa kapwa'y magkaroon din siya ng silbi
at di naman magaya sa danas ng tatlong bibi

mahirap namang maghilata lang lagi sa tabi
at pangangarap ng gising ang laging hinahabi
gayong walang naiipon, walang naisusubi

- gregbituinjr.

Masasagwan ko kaya ang malayong laot

masasagwan ko kaya ang malayong laot
kung lumbay sa katauhan ko'y nanunuot
tatahakin ba ang daang masalimuot
upang pahupain ang naglatang na poot
na sa baradong dibdib ay susundot-sundot

tila naglalagalag ang mga talulot
kumikilos paiwas sa badyang bangungot
sisirin man ang lalim, huwag magbantulot
sa pagsagupa sa kakaharaping gusot
upang inaasam ay di naman maudlot

- gregbituinjr.

Sabado, Oktubre 7, 2017

Tinokhang

kanino dudulog ang kawawang tinokhang
kung iwing buhay nila'y dinala sa ilang
ilang buhay pa'ng kukunin ng mga halang
tila uhaw sa dugo ang sanrekwang aswang
puso't dignidad nila'y di na iginalang

walang proseso't mga tumitira'y hibang
walang batas kundi baril ng mga hunghang
buhay ng kapwa'y sa dugo pinalulutang
sa kawalang paglilitis nakikinabang
tama bang basta na lang sila mamamaslang?

- gregbituinjr.

Lunes, Oktubre 2, 2017

Di ako isinilang ng talunan

DI AKO ISINILANG NG TALUNAN
11 pantig bawat taludtod

ito ang gusto kong paniwalaan
di ako isinilang ng talunan
kundi isang taong may kakayahan
mandirigma sa anumang labanan

di pagagapi't kasama ng masa
lagi't patuloy na nakikibaka
di padadaig sa mga problema
kahit manghina man ay kumakasa

sa anumang digma'y handang sumuong
kahit na ang ulam lang ay balatong
ako'y natalo lang kung naging gunggong
at malilibing nang walang kabaong

- gregbituinjr.