Linggo, Enero 29, 2017

Tarabangan kitang gabos, tulungan tayong lahat

TARABANGAN KITANG GABOS, TULUNGAN TAYONG LAHAT

doon sa Kabikulan ay dumatal yaong unos
kapaskuhan pa noon nang unos ay nanghambalos
nanalasa ang bagyong Nina, kayraming pinulbos
tulad ng bahay nila’t pananim, sila’y kinapos
tulungan tayong lahat, tarabangan kitang gabos

kabuhayan ay nasira, bahay at puso'y warat
pinagkukunan ng pagkain ay nadaleng lahat
si Nina'y kaylupit, ngitngit niya'y di madalumat
kaya marapat lang na tayo’y sumaklolong sukat
tarabangan kitang gabos, tulungan tayong lahat

habang nakatitig sa kawalan ang tagaroon
naisip kong kalagayan nila'y saan hahantong
sila'y matatag, alam nila paano susulong
silang sinalanta ni Nina'y tiyak na babangon
tarabangan kitang gabos, lahat tayo'y magtulong

sa mga nangyari, luha mo'y tiyak mangingilid
tila di mawari kung bughaw pa ang himpapawid
dapat tayong magtulungan bilang magkakapatid
sa pagkakaisa'y malalagpasan ang balakid
at sa kanila panibagong pag-asa'y ihatid

- gregbituinjr.

Lunes, Enero 23, 2017

Malago na naman ang aking mga kuko

MALAGO NA NAMAN ANG AKING MGA KUKO

malago na naman ang aking mga kuko
nawawala ang nailcutter, hanap-hanap ko
dapat nang putulin, habang-haba na ako
baka kuko'y maging singhaba ng martilyo!

sa nawawalang nailcutter ay nahahapis
nahan na? ako'y tuliro't naghihinagpis
putulin na't nag-aalala akong labis
at baka kuko'y maging singhaba ng lapis!

saan napalagay ang nailcutter at wala
ang nanghiram kaya'y manggagawa o dukha?
pagkawala ba nito'y isa kayang sumpa?
sapagkat may-ari ng kuko'y hampaslupa?

nagdaramdam na ang aking mga daliri
di ko raw pansin ang kanilang mga hikbi
kukong mahaba'y ayaw nilang manatili
"putulin ito" ang sa labi'y namutawi

"Inay, Inay, ang nailcutter ba'y nasaan?
Sapagkat aking kuko po'y naghahabaan."
"Naku, anak, tiis muna't nasa hiraman
Bukas pa raw ibabalik ng iyong pinsan!"

ang agam-agam ko'y nilunod sa lambanog
nang mata'y napagod agad na nakatulog
pinanaginipan ang adhikang kaytayog
bumalikwas nang may nailcutter na nahulog

- gregbituinjr.

Linggo, Enero 22, 2017

Nilay sa paglalakbay

NILAY SA PAGLALAKBAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

sa pangingibang-bansa'y sumakay ng salipawpaw
sa unang sakay aking ligaya'y di magkamayaw
sabik sa kalangitan, ulap ay katabi't tanaw
ang tulin ng sasakyan ay di ramdam ang paghataw

sa bansa ng sakang ay nakaanim akong buwan
upang doon ay magdalubaral ng dagisikan
nangibang-bansa muli dalawang siglong nagdaan
para daluhan ang kumperensya sa dating Siam

bumalik roon tatlong taon pa ang nakalipas
dalawang linggo sa Mae Sot, sa Burma'y isang oras
apat kaming doon sa salipawpaw nagsiangkas
at nakipag-ugnayan sa ang nasa'y bansang patas

tatlong taong nakalipas, muli akong lumipad
dumalo sa Roma hanggang Paris na paglalakad
mula Lyon sumama, doon prinsipyo'y tumingkad
nangyari sa Yolanda, sa Paris ay inilahad

di ko alam kung makapangingibang-bansa muli
subalit gawain ay pinag-iigihang sidhi
nagsisikap at tigib ng pagbabakasakali
nang makasama sa proyektong may mabuting sanhi

* salipawpaw - Tagalog sa Kinastilang eroplano

* dalubaral - Tagalog sa Ingles na scholarship
* dagisikan - Tagalog sa Kinastilang elektronika

Biyernes, Enero 20, 2017

Tula

TULA

kay Balagtas ang "Florante at Laura"
kay Amado V. Hernandez ang "Masa"
"Ako ang Daigdig" kay Abadilla
"modernismo" naman kay Rio Alma
kay Bituin naman ay "sosyalista"

- gregbituinjr.

Linggo, Enero 15, 2017

Sa magsisipagtapos sa Speakers Training Workshop

SA MAGSISIPAGTAPOS SA SPEAKERS TRAINING WORKSHOP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Pagpupugay sa magsisipagtapos sa palihan
Hinggil sa pagtatalumpati sa harap ng bayan
Hinggil sa pagbabahagi ng inyong kaisipan
At magtalumpati hinggil sa isyung panlipunan

Maraming salamat din po sa inyong naging guro
Na nagbigay-kaalaman, mabisang pagtuturo
Nadama man sa talumpati'y saya o siphayo
Sa harap ng madla'y di na nanginginig o dungo

Galit man, malinaw na nakikipagtalastasan
Masaya't malungkot man, nakatindig ng mataman
Di naliligaw, nakapokus sa tema't usapan
Tiyak magiging orador sa buong sambayanan

Ang diwa ng uring manggagawa'y bigyan ng diin
Sa pagtatalumpati'y anong paksang sasabihin
Pagtatanggol sa manggagawa'y unang isisipin
Habang nasa diwa, obrero'y pagkakaisahin

Mabuhay kayong sa palihang ito'y magtatapos
Busog na sa kaalaman, di kayo kinakapos
Tandaan lamang na huwag kalimutang pumokus
Nang talumpati nyo sa puso ng madla'y tumagos.

- binigkas sa pagtatapos ng tatlong araw na Speakers Training Workshop para sa mga lider-manggagawa at kasapi ng unyon, Enero 15, 2017

Sabado, Enero 14, 2017

Nang pumutok ang tingga

nang pumutok ang tingga
tinamaan ang bata
na agad bumulagta
ang ina'y lumuluha
sa puso'y kinakapa
may hustisya pa kaya

- gregbituinjr.

Martes, Enero 10, 2017

Isang tula hinggil sa bagong kalendaryo

sa lumang kalendaryo'y nakatunganga
bagong taon, bagong kalendaryo'y wala
hanggang sa aking maisipang lumikha
ng isang kalendaryong pangmanggagawa
kaya disenyong ito'y agad ginawa
- gregbituinjr.

Sabado, Enero 7, 2017

Ang aso sa Oro

nagprotesta sila pagkat pinaslang daw ay aso
kaya ipinagbawal na ang pelikulang "Oro"
nagprotesta kaya sila nang pinaslang na'y tao?
kaya ipagbawal din ang nag-utos na pangulo?

pelikulang Oro'y di raw magandang halimbawa
pagkat pumatay ng isang asong kaawa-awa
ang panonokhang ba'y isang mabuting halimbawa
gayong pinapaslang na'y ang mga dukhang kawawa

asong pinaslang sa pelikula'y anong kaibhan
sa taong pinaslang, itinapon kung saan-saan
totoo namang aso'y may karapatan din naman
lalo na ang bawat taong sadyang may karapatan

nang aso'y pinaslang, pelikulang Oro'y sinara!
nang tao'y pinaslang, Malakanyang ba'y napasara?

- gregbituinjr.

Huwebes, Enero 5, 2017

Tinokbang na ang kawawa

itinuloy na ang banta
tinokbang na ang kawawa
umalingawngaw ang tingga
toktok, bang!bang! bumulagta

saksi maging mga pusa
sa pagtimbuwang sa lupa
ng mga biktimang dukha
lupang tigang ay nabasa

dukha na'y inupasala
dangal pa'y binalewala
buhay pa nila'y winala
sa prosesong di na tugma

ang mga ina’y lumuha
at kayraming natulala
kaya ang tanong ng madla
hustisya'y kamtin pa kaya

- gregbituinjr.

Linggo, Enero 1, 2017

Natapos din ang putukan sa Bagong Taon

nag-Bagong Taon na't natapos na rin ang putukan
habang putukan ay lipana ng anim na buwan
nakaraang tigib ng dahas, lungkot at patayan
tila pumapaslang lang ng daga sa talahiban

ilan kaya’y nagsikatha ng bagong resolusyon
na karapatang pantao'y igagalang din ngayon
na kikilos lang ayon sa mabuting puso’t layon
at tiyak tatangging masagpang ng pangil ng leyon

tulad ng langay-langayan doon sa himpapawid
na di papayag na madagit ng agilang ganid
malayang lumilipad sa amihan habang batid
na may kalutasan bawat sulirani’t balakid

irespeto ang karapatang mabuhay ng tao
kung may pagkakasala ay idaan sa proseso
huwag mamimihasang paslang doon, paslang dito
di tayo mga barbaro kundi sibilisado

sumapit ang Bagong Taon, ang dala'y bagong bukas
nawa'y taon ito na lahat ay pumaparehas
subalit kung kinakailangang tayo'y mag-aklas
gawin natin kung sa lahat ito'y magiging patas

- gregbituinjr.