Sabado, Enero 31, 2015

Agos ng mga luha

AGOS NG MGA LUHA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

tinatangay ako ng agos
ng mga luha, nauubos
ang angking lakas, inuulos
ang damdaming nabubusabos
payapa bang makararaos
yaring buhay na tinutuos

nilulunod ng mga luha
ang pusong nilandas ng sigwa
nagsaya ang mga kuhila
habang lugmok ang manggagawa
habang ang madla'y nagluluksa
bayan pa ba'y mapapayapa

Linggo, Enero 25, 2015

Harana

ako'y narahuyo
sa sintang sinuyo
nawa'y di malabo
ang tugon sa puso

dungawin mo, sinta
ang aking harana
dinggin ang pagtipa
sa aking gitara

tinig ko ma'y paos
ngunit puso'y taos
pag-ibig na lubos
sa iyo'y yayapos

nawa puso'y dinggin
at ako'y ibigin

- gregbituinjr.

Lunes, Enero 19, 2015

Ang nasasaisip pag nagkakape

ANG NASASAISIP PAG NAGKAKAPE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

ang nasasaisip pag nagkakape
mga trapo'y talagang walang silbi
mga dukha'y parami ng parami
habang trapo'y para lang sa sarili

kapitalismo ang sanhi ng dusa
at kahirapang nagsadlak sa masa
dapat nang kumilos habang maaga
kung di kikilos ngayon, kailan pa

kape'y masarap ngunit di ang buhay
sistema'y inaamag na tinapay
dukha'y kayhaba pa ng paglalakbay
upang kamtin ang asam na tagumpay

di dapat magsulong-urong sa laban
lalo't nasang baguhin ang lipunan

Sabado, Enero 17, 2015

Trapong kuhila at ang Santo Papa

TRAPONG KUHILA AT ANG SANTO PAPA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

nang humalik ang buwaya
sa kamay ng Santo Papa
animo'y maamong tupa
pag sila'y iyong nakita

tila maskara ang mukha
nawala ang mga gatla
naging tupa ang kuhila
animo'y kaawa-awa

sana maskara'y matanggal
nang di na sila magtagal
malantad ang trapong hangal
sa harap ng Papang banal

* ang litrato ay editorial cartoon ng Manila Times, Enero 15, 2015; hinggil ito ng pagdalaw ni Pope Francis sa bansa

http://www.manilatimes.net/trapos/155732/

Miyerkules, Enero 14, 2015

Ang Bilin ng Santo Papa

ANG BILIN NG SANTO PAPA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

matalas, malalim ang bagong Santo Papa
si Francisco'y nananawagan ng hustisya
katarungan sa dukha, sa inaping masa
hustisyang panlipunan, hustisyang pangklima

mabunying lider ng Simbahang Katoliko
malumanay magsalita, kapara'y santo
ngunit nakahihiwa pag iyong natanto
payak na kataga kung mauunawa mo

ang tao'y tao, ang tao'y hindi kalakal
ngunit ngayon, ginamit sila ng kapital
na upang mabuhay, kakapit ka sa punyal
sa sistemang bulok ay nagpapakahangal

pati pakikipagkapwa-tao'y nawala
di na kinilala ang mga manggagawa
lalong dumarami yaong nagdaralita
pati kalikasan na'y nasisirang lubha

anang Papa, huwag sambahin ang puhunan
bayaran ang mga utang sa kalikasan
igalang ang dangal, lahat ng karapatan
ang bilin ng Santo Papa'y ating tandaan

- kinatha noong Enero 14, 2015, sa Bantayog ng mga Bayani
binasa sa aktibidad na Fossil-Free Vatican na inorganisa ng 350.org at dinaluhan ng iba't ibang samahan


Martes, Enero 13, 2015

Hiling ng mga dating napiit


HILING NG MGA DATING NAPIIT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

hiling sa Santo Papa ng mga dating napiit
kalayaan ng bilanggong pulitikal ang giit
panawagan nila'y maaring dinggin kahit saglit
upang bigyang pag-asa ang tinig ng maliliit
pati na pamilya nila't mga anak na paslit

hiling sa Santo Papa ng mga dating bilanggo
makatulong siyang ang nakakulong pa'y mahango
mula sa piitang deka-dekadang sumiphayo
sa mga bilanggong pulitikal na nagdurugo
yaong puso sa paglayang nais nilang matungo

ang mga bilanggong pulitikal ay aktibista
ikinulong dahil ipinagtatanggol ang masa
ikinulong dahil sa prinsipyo't pakikibaka
ikinulong dahil lumaban para sa hustisya
ikinulong dahil nais baguhin ang sistema

ang pangulo ba'y maaari niyang habilinan?
bilanggong pulitikal na'y palayaing tuluyan!
di ba't siya'y Santo Papang para sa katarungan?
di ba't siya'y para rin sa hustisyang panlipunan?
at kaya iyong gawin, siya'y may kapangyarihan

kailangan lang, panawagang ito'y makarating
sa Santo Papa upang ito'y agad niyang dinggin
upang makakain, kailangan tayong magsaing
upang may matamo, pagsikapan ang bawat kusing
upang magwagi, sa pansitan dapat laging gising

* Isinagawa ang pag-aayuno para sa pagpapalaya ng mga bilanggong pulitikal noong Enero 13, 2015, araw ng Martes, mula sa Morayta, nagmartsa patungong Mendiola at nagprograma doon, at nagmartsa muli patungo naman sa UST sa España, at doon ipinagpatuloy ang ayuno; pinangunahan ang pagkilos na iyon ng grupong XDI (Ex-Political Detainee Initiative) at UATC (United Against Torture Coalition)

Ayuno para mapalaya ang mga bilanggong pulitikal


AYUNO PARA MAPALAYA ANG MGA BILANGGONG PULITIKAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kayrami nilang bilanggong senior citizen
nakapiit silang deka-dekada na rin
marami nga sa kanila'y naging sakitin
mga tulad nila'y dapat nang palayain

kayrami ring bilanggong biktima ng tortyur
na pag nabatid mo'y masasabing "que horor!"
nawawala yaong tinatawag na balor
pagkatao nila'y tinanggalan ng onor

palayain silang bilanggong pulitikal
sila'y aktibista, hindi mga kriminal
lumaban sa kapangyarihan ng kapital
nilabanan ang mga trapong pusakal

hindi sila kriminal, sila'y aktibista
ikinulong dahil sila'y nakikibaka
naghahangad ng pagbabago ng sistema
at maging pantay ang kalagayan ng masa

kami'y nag-ayuno, isa ang panawagan
preso silang dapat palayaing tuluyan
bilanggong pulitikal na nakipaglaban
may adhika't prinsipyong laban sa gahaman

* Isinagawa ang pag-aayuno para sa pagpapalaya ng mga bilanggong pulitikal noong Enero 13, 2015, araw ng Martes, mula sa Morayta, nagmartsa patungong Mendiola at nagprograma doon, at nagmartsa muli patungo naman sa UST sa España, at doon ipinagpatuloy ang ayuno; pinangunahan ang pagkilos na iyon ng grupong XDI (Ex-Political Detainee Initiative) at UATC (United Against Torture Coalition)


Sabado, Enero 3, 2015

Ilang likhang kasabihan 2

ILANG LIKHANG KASABIHAN 2
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

naliligaw ang di marunong
magtanong ng simpleng direksyon

ang nais na magandang barong
bumabango pag sinasabon

anong tigas man ng balatong
napapalambot din paglaon

sakaling ikaw ay magutom
aba'y kasalanan mo iyon

pag pikolo ang pasalubong
may disgrasya sa Bagong Taon

Ilang likhang kasabihan 1

ILANG LIKHANG KASABIHAN 1
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

pag malibag ang suot
di marunong magkusot

kayganda ng pakipot
natapat sa kuripot

pag daw nakasimangot
lagi raw nauutot

yaong kamot ng kamot
galis ang kinukutkot

nakatitig sa laot
may binaon sa limot

tumatamis ang pulot
pag pagsinta'y malapot

pag sa ulo'y kumamot
may gawaing nalimot

suliraning nasambot
dapat agad masagot

pag dama'y tila kurot
baka kagat ng surot

sa bayan na'y managot
ang sinumang kurakot

Huwebes, Enero 1, 2015

Pagkakaisa sa Bagong Taon ay mahalaga

Pagkakaisa sa Bagong Taon ay mahalaga
Ito ang susi sa asam nating kapayapaan
Ang hinahangad na ginhawa nawa'y matamo na
Maliit man ito'y isang tagumpay pag nakamtan
Oo, di yaman ng mundo, dami ng kotseng angkin
Nakapagpapasaya sa puso'y angking pag-ibig
Tanging sa pagsinta madarama ng puso natin
Ang pangarap na mahigpit na pagkakapitbisig
Lingunin natin ang nakaraan at maninilay
Buhay natin pag nagkakaisa nga'y mabubuo
Ating pagsikapang protektahan ang bawat buhay
Nang kapwa natin dukha sa luha't dusa'y mahango

- gregbituinjr.