Huwebes, Hulyo 31, 2014

Kwentong DAP

KWENTONG DAP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Disbursement Acceleration Program daw ito
Distributing Aquino's Pork? tanong ng tao
sa kanya'y biglang Dumagsa Ang Pulitiko
nang mabiyayaan sila't Dalhin Ang Pondo

ang Korte Suprema'y nagsabing mali ito
at sa nangyari'y Dumepensa Ang Palasyo
Dahil Abad Pinutakti rin ng kritiko
Dinuhagi Ang Pinoy, napansin ng tao

kahulugan ba ng DAP, Dupang Ang Pangulo?
at nag-Defend Aquino's Presidency ito?
sa Senado ba'y si Drilon Ay Pare nito?
tayo'y mag-isip, anong tama't mali dito?

ngunit sa mali nga ba ginamit ang pondo?
tingin ba ng masa'y Dorobo Ang Palasyo?
kung DAP ay unconstitutional, deklarado
ng Korte Suprema, anong gagawin ninyo?

paano dapat hawakan, Dalhin Ang Pondo?
may DAP, Dukha Ang Pinoy, nakatulong ito?
kuryente, bigas, nagtataasan ang presyo
kilo nga ng bawang ay nagmahal nang todo

Dinemolis Ang Paninirahan ng tao
kontraktwalisasyon, salot pa sa obrero
mga ospital, nais pang isapribado
Dahil Ang Pribatisasyon, batas na ito?

sa masa'y ano pang matitirang serbisyo?
serbisyo nga ba'y ginagawa nang negosyo?
aba'y di pwedeng aanDAP-anDAP lang tayo
aba'y di pwedeng basta Dakmain Ang Pondo

Dinggin Ang Pinoy, mga karaniwang tao
sino mang may sala sa nangyayaring ito
ay dapat managot sa masang Pilipino
Dakpin Ang Pusakal, iba'y sigaw ngang todo

Dapat Aquino Patalsikin, anang tao
dapat matapos na ang kontrobersyang ito
upang bansa'y umarangkada nang totoo
upang di na maging Dukha Ang Pilipino

Miyerkules, Hulyo 30, 2014

Mga makabayang mapang-alipin

MGA MAKABAYANG MAPANG-ALIPIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

di lang sa kaalipinan tayo dapat lumaya
kundi sa ating nararanasang pagdaralita
di dapat makulong habambuhay sa pagkadukha
buong pagkatao't buhay ang dapat guminhawa

nais nating lumaya, mapalayas ang dayuhan
ngunit di lang sila ang dahilan ng karukhaan
kundi mismong naghahari-hariang kababayan
na turing sa sarili'y ilustradong makabayan

makabayang nag-aari ng sanlaksang pabrika
di maitaas ang sahod ng manggagawa nila
sa ari nilang lupa, dukha'y pinalalayas pa
ngunit sa kauring trapo'y kaytinding sumuporta

silang laging binubuwisan ang pamahalaan
habang ang kauri nila'y mga trapong kawatan
batas nila'y maging masunurin kang mamamayan
binawal magtayo ng unyon kahit karapatan

kaya di ang dayuhan ang kalaban kundi uri
na kahit lupa't buhay mo'y nais nilang maari
kaya di sagot maging makabayan man ang hari
pag usapin na'y kanilang pribadong pag-aari

makabayan silang ang sarili ang uunahin
kababayan man, kung dukha'y di nila papansinin
katotohanang alam na ng marami sa atin
sila'y mga makabayang burgis, mapang-alipin

Martes, Hulyo 29, 2014

Komrad

KOMRAD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

mga kasama, sa inyo'y hangarin kong maglahad
pagkat dito ang bawat isa sa atin ay komrad
na nagnanais na sa lipunang ito'y umunlad
bagamat buhay sa daigdig na ito'y baligtad

mga prinsipyo't paniniwala'y ating niyapos
upang ang sunod na salinlahi'y di mabusabos
upang pagkaisahin ang obrerong laging kapos
upang palitan ang sistemang bulok na at laos

ilang panahon pa't ilan sa atin ang papanaw
nawa sa buhay na ito tagumpay ay matanaw
paghandaan natin ang pagsikat ng bagong araw
ngunit tiyaking sa prinsipyo'y di tayo maligaw

bilin nina Marx, Lenin, Ka Popoy, ay isapuso't
isadiwa hanggang kamtin ang lipunang pangako

Linggo, Hulyo 27, 2014

Si Lyca Gairanod, Kampyon sa The Voice Kids

SI LYCA GAIRANOD, KAMPYON SA THE VOICE KIDS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

anong magandang kanta
ipaawit kay Lyca
na kahali-halina
ang tinig na kayganda

nanggaling man sa hirap
ngunit siya'y nagsikap
positibo ang sagap
nakamtan ang pangarap

basura'y kinalakal
sa hirap napapagal
ngunit ikararangal
sa positibong asal

si Lyca'y isang paslit
na kaygaling umawit
kaya ngayon lumapit
kapalarang kayrikit

sa The Voice Kids nagkampyon
humanga'y buong nasyon
tadhana'y nakatuon
sa palad niya ngayon

salamat, munting tinig
gawin ang iyong hilig
awit ay iparinig
sa bayang nakikinig

- 27 Hulyo 2014

Huwebes, Hulyo 24, 2014

TULA, katha ni Karl Marx

TULA
ni Karl Marx, circa 1837
Malayang salin ni Greg Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Apoy yaong mula kay Bathala’y minsang sumalin
Na sa akin ay dumaloy mula sa iyong dibdib
Naglalaban habang lumilipad sa papawirin
At akin silang inalagaan sa aking dibdib
Anyo mo’y pinakitang ala-Aeolus ang lahid
Inawat yaong liyab ng may pakpak na Pag-ibig.

May nakita akong kinang at narinig na tunog
Tinangay ng malayo pasulong ang mga langit
Bumulusok sa taas at sa ibaba’y lumubog
Lumulubog upang mas mataas itong sumirit
At, nang panloob na tunggali’y tuluyang madurog
Namalas ko ang dalamhati’t ligaya sa awit.

Namugad ng mahigpit sa mga anyong malumay
Ang diwa’y tinindig ng itinanikalang gaway
Mula sa akin ang mga larawan ay naglayag
Pataas dahil sa iyong pagsintang nagliliyab
Paa ng Pagsinta’y minsang pinalaya ng diwa
Na kuminang muli sa kalooban ng Naglalang.


Poetry
A poem by Karl Marx

Flames Creator-like once poured
Streaming to me from your breast,
Clashing up on high they soared,
And I nursed them in my breast.
Shone your form like Aeolus-strains above,
Shielded soft the fire with wings of Love.

I saw glow and I heard sound,
Heavens onward sweeping far,
Rising up and sinking down,
Sinking but to soar the higher.
Then, when inner strife at last was quelled,
Grief and Joy made music I beheld.

Nestling close to forms so soft
      Stands the Soul, by spells enchained,
From me images sailed aloft
By your very Love inflamed.
Limbs of Love, by Spirit once released,
Shine again within their Maker's breast.

MabubunDAP ka sa sarap!

MABUBUNDAP KA SA SARAP!
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

malalapit sa kusina ang nakinabang sa DAP
nakakabunDAP ang DAP, mabubunDAP ka sa sarap!
ngunit ang kawawa'y ang mamamayang nangangarap
na buwis na ibinigay nila'y makalilingap
sa bayan at taumbayang dumaranas ng hirap

tagaktak pa ang pawis, kaysasayang lumalamon
tagaktak din ang laway sa nagsasarapang hamón
malalapit sa kusina'y panay papak ng litson
habang manggagawa sa hirap ay di makaahon
ang mga dukha naman sa dusa'y di makabangon

DAP na ito'y nakakabundat, O, kabayong bundat!
habang mamamayan ay mistulang sundalong patpat
malalapit sa kusina'y mga payasong barat
na lagi nang pasipul-sipol at pakindat-kindat
mumo lamang ang ibinibigay sa pobreng payat

malalapit sa kusina'y di kayâ nahihirin?
di ba nasasamid sa sinagpang nilang pagkain?
nabunDAP sila sa sarap, ngunit sila pa'y bitin
habang hinang-hina ang dukhang di pa kumakain
kaldero't kawali'y said, wala nang sisimutin

Miyerkules, Hulyo 23, 2014

Ang pangarap na sinta

ANG PANGARAP NA SINTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

ang dalaga'y pinapangarap ko sa tuwina
bawat isa'y may pangarap, pangarap na sinta
pangarap lang ngunit puso'y lundag na sa saya
baka ako nga'y pinapangarap din ng iba

pangarap ko ang dilag, pangarap niya'y iba
pangarap niya'y may ibang pangarap na pala
nangangarap ang tao at laging umaasa
na pinapangarap niya'y kanyang makasama

kadalasa'y puso, di isip, ang nangungusap
upang pinapangarap ay matupad nang ganap
sakaling mabigo man, danasin niya'y saklap
ganyan ang buhay, minsan ang puso'y naghihirap

mabuti nang may pangarap kaysa wala nito
kabiguan man ay maranasan nating todo
iwing puso'y nasasaktan, pagkat tayo'y tao
hayaan mo't matutupad din ang pangarap mo

kung buhay ka, bakit mawawalan ng pag-asa?
patuloy kang mangarap, pangarapin mo siya
umasa ka't bakasakaling magtagumpay ka
pag nakasama siyang tunay, O, anong saya!

Martes, Hulyo 22, 2014

Paghanga

PAGHANGA

kaybait ni Alice
may pusong malinis
at di ko matiis
ang paghangang labis

kayganda ni Alice
may ngiting kaytamis
sasambahing labis
dulot man ay hapis

- greg, 072214


Lunes, Hulyo 21, 2014

Kung tuwid na daan ay patungong impyerno

KUNG TUWID NA DAAN AY PATUNGONG IMPYERNO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kung tuwid na daan ay patungong impyerno
ingat sa pinunong tinatangay ka rito
pagkat ito'y tungo sa kapahamakan mo
sa disgrasyang mapangwasak sa pagkatao

sa pagkalunod sa kaybagsik na delubyo
sa kamatayang sadyang nakapanlulumo
wala kang aasahan sa lipunang ito
dapat lang palitan ang namumuno rito

kung sa tuwid na daan, tayo'y magluluksa
mabuti pang daan ay baku-bako't sira
basta't ang tatahaki'y daang nasa tama
tamang direksyon ang tinatahak ng madla

direksyong makatarungan at mapayapa
landas na ang tao'y patungo sa ginhawa
walang inaapi, walang kinakawawa
lipunang ang tao'y di na nagdaralita

Linggo, Hulyo 20, 2014

Pagsintang taimtim

PAGSINTANG TAIMTIM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sinasamba ba kita dahil diwata ka?
o diwata ka dahil sinasamba kita?
ikaw ang pag-ibig ng pusong dumirinig
dinirinig ka ng puso kong umiibig

iniibig ba kita dahil maganda ka?
o maganda ka dahil iniibig kita?
ang iwi mong kariktan ay nakasasabik
sabik akong rikit mo'y gawaran ng halik

isa kang diwata pag ako'y nahihimbing
sa panaginip ko'y diwata kang kapiling
ako'y nagigising sa iyong paglalambing
ang lambing mo ang sa puso ko'y gumigising

ang bawat iyong ngiti'y tunay ngang kaytamis
sadyang lunas sa aking pusong tumatangis
kaysarap mong mahalin nang buong taimtim
kaya taimtim kitang pakamamahalin

Sabado, Hulyo 19, 2014

Pag-iisa

PAG-IISA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

mag-isa, mag-isa, lagi na lang mag-isa
at sa pag-iisa'y walang nakikiisa
tila walang dahilan upang magkaisa
para sa isang taong laging nag-iisa
buti na lang, wala sa kanyang nang-iisa

ngunit maiging lagi siyang may kasama
dalawa silang tatagal ang pagsasama
mabuti ang dalawang ulong pinagsama
problema'y malulutas nilang magkasama
di masamang may pinagsamahan, kasama

mag-isa, mag-isa, lagi na lang mag-isa
sa mundong ito'y di ka dapat nag-iisa
dapat sa ating kapwa tayo'y makiisa
hanapin natin kung paano magkaisa
upang walang nang-iisa sa bawat isa

Huwebes, Hulyo 17, 2014

Polyeto

POLYETO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

saksi ako sa pinaglamayan mong akda
upang imulat sa nangyayari sa bansa
ang madla, lalo na ang uring manggagawa
isiniwalat mo ang tiwali't masama

masakit sa loob ang iyong mga ulat
makabagbag-damdamin ang iyong sinulat
dukha'y nagugutom, mga anak na'y payat
habang namumuno'y sagana't laging bundat

saksi ako sa pinaglamayan mong tindig
upang ang taumbayan ay magkapitbisig
pagkat namumuno'y di marunong makinig
hinaing ng dukha'y di nito dinirinig

hiyaw mo: "bulok na sistema’y palitan na!"
"dapat nang wakasan ang pagsasamantala!"
isinigaw mo: "manggagawa, magkaisa!"
na pag naunawa’y kikilos ang bumasa

Miyerkules, Hulyo 16, 2014

Tinig man sa ilang

TINIG MAN SA ILANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

hustisya sosyal, katarungang panlipunan
sino sa ating aayaw na kamtin iyan?
mabuhay ng may dangal, ito'y salalayan
pati na ang asam nating kapayapaan

pinuno'y aking nais tawagan ng pansin
ang maging makatao ba'y nakahihirin?
bakit laging hirap ang mamamayan natin?
bakit lipunang ito'y di ka man lang dinggin?

nais kong manawagan sa lahat ng uri
sa kapitalista't haring mapang-aglahi
sa magsasaka't manggagawang magkabati
sa tunggalian ninyo'y sinong magwawagi

ang magwawagi'y kung sinong makatarungan
at magbabahagi ng yaman ng lipunan
sino ang makataong pinuno ng bayan
at magdadala ng ginhawa't kaunlaran

dapat mapawi ang pribadong pag-aari
ng gamit sa produksyon, walang naghahari
dapat proletaryo ang mamumunong uri
upang sosyalistang sistema'y ipagwagi

tinig man sa ilang ang panawagang ito
sinasabi lang namin ang aming prinsipyo
anumang mangyari, mga kababayan ko
alam n'yo bakit kami nagsasakripisyo

Linggo, Hulyo 13, 2014

Ang ahas at ang mga kawatan

ANG AHAS AT ANG MGA KAWATAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

anang ahas, nataboy ang tao
naiwan siya sa paraiso
tulad din ng mga pulitiko
na namamayagpag sa gobyerno
dukha'y itinaboy nilang todo
pagkat sa lunsod daw ay perwisyo

aba'y ahas pa'y nagmamayabang
Eden ang kanyang naging tahanan
nang tinaboy sina Eba't Adan
tulad din ng ilang lingkod-bayan
na nagpasasa sa kabang-yaman
gobyerno'y Eden nilang kawatan

Sabado, Hulyo 12, 2014

Mga trapo sa santo

MGA TRAPO SA SANTO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

ikinulong na ang mga trapo
na kabangbayan ang dinispalko
tinawag nila lahat ng santo
tutulungan kaya sila nito?

Huwag magpalusot ang mga kurakot

HUWAG MAGPALUSOT ANG MGA KURAKOT
ni greg bituin jr.
6 na pantig bawat taludtod

huwag magpalusot
ang mga kurakot
sa pork barrel sangkot
ang bayan na'y yamot
di makalilimot
sa gawang baluktot
dapat nang managot
ang lahat ng buktot

Huwebes, Hulyo 10, 2014

Pilat nila'y labi ng pakikibaka

PILAT NILA'Y LABI NG PAKIKIBAKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

naroon sa pilat na iyon ng bawat kasama
ay mamamasdan mo ang labi ng pakikibaka
silang kaagapay sa laban ng uri't ng masa
batikan sa digma upang baguhin ang sistema

lipunang bago'y pamumunuan ng manggagawa
iwawaksi bawat dahilan ng pagdaralita
prinsipyong makatao'y nasa puso nila’t diwa
na siyang tinanganan sa kinaharap na digma

marami silang sa pakikibaka'y nagkapilat
di lang sa balat, maging diwa't puso'y nagkasugat
may kasamang hinuli, tinortyur, nawalang sukat
digma'y nag-iwan ng danas at gunitang kaybigat

napuno ang salop, sistemang bulok na'y kinalos
nagkasugat sa labanan upang di mabusabos
ang lahi't ang uring sa karukhaan na'y nilubos
sugat na nagpilat, sa kaibuturan ay tagos

hinarap ng taas-noo ang bagsik ng kahapon
at hinawan ang landas ng pakikibaka ngayon
di nila ikinahiya bawat pilat na iyon
pagkat yao’y tandang tapat sila sa nasa't layon

Lunes, Hulyo 7, 2014

Sa iyo nakatitig ang mga mata ng langit

SA IYO NAKATITIG ANG MGA MATA NG LANGIT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

sa iyo nakatitig ang mga mata ng langit
tila binabantayan ka, di ko alam kung bakit
may maganda kayang tadhanang sa iyo’y sasapit
kaya ginawa mo ang dapat at nagpakasakit

yabag mo'y lumalangitngit sa gubat ng kawalan
ano't minamata ka pa rin ng mga gahaman
iyang kalderong walang laman ay dapat mong punan
pamilya mo’y ayaw manatili sa karukhaan

ano bang salang nagawa mo't kaytalim ng titig
ng langit sa iyo’t wala kang marinig na tinig
tanging sa puso'y may indayog ang lambing ng himig
tila ba nais kang makita't kulungin sa bisig

naglalakbay sa kawalan ang pusong nalulumbay
nasaan yaring langit, bakit ka napahiwalay
kung ang mata ng langit sa iyo nakasubaybay
marahil hinahamon kang manatili sa buhay

Sabado, Hulyo 5, 2014

Ang unyon ay dapat kapara ng leyon

ANG UNYON AY DAPAT KAPARA NG LEYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

pag tulad ng leyon ang isang matatag na unyon
mangingilag din ang buwitreng matakaw lumamon
kung kapitalista'y hari, manggagawa'y di piyon
unyon nila'y binuo sa nagkakaisang layon

katatatag pa lang, bubuwagin na ng kalaban
ang unyong animo'y isang leyong handang managpang
layon lang nilang karapatan ay ipagsanggalang
laban sa buwaya't buwitreng may bitukang halang

sa kontraktwalisasyong salot, karapata'y wala
benepisyong dapat sa kanila'y binalewala
tila kapitalismo'y nakakatakot na sumpa
at karima-rimarim sa buhay ng manggagawa

unyunista'y di tupa, manggagawa'y di kordero
na tango lang ng tango, sunud-sunuran sa amo
manggagawa'y may dignidad, marangal ang obrero
kapara'y leyong kantiin mo'y lalabang totoo

unyon ay dapat sintatag at simbangis ng leyon
mapanuri, at sa sistema'y di nagpapalamon
di lang hanggang pabrika, bayan din ay tinutunton
hanggang mag-organisa rin sa iba't ibang nasyon

unyunista'y di dapat hanggang unyon manatili
baka leyon ay maging tupa sa hawla ng hari
dapat angkinin ng unyunista'y laban ng uri
tulad ng leyong sa maraming laban ay nagwagi

Biyernes, Hulyo 4, 2014

Iwaksi ang kamalayang palaasa

IWAKSI ANG KAMALAYANG PALAASA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

bayan tayong may sariling talento, di busabos
pagkat di tayo pulubing umaasa sa limos
bayan ng mga mandirigmang sa dangal ay puspos
na diwa ng kalayaan sa puso'y tumatagos

dumating ang dayo, nakipagkaibigan sila
magaling daw sila't abante sa teknolohiya
pinangakuan tayong pauunlarin daw nila
ngunit tinuro pala'y kamalayang palaasa

kasalukuyan nga’y mahirap pa rin tayong bansa
mayorya ng populasyon ay pawang mga dukha
sariling atin nga'y kabayan pa ang kumawawa
sa dayo'y magagaling, ang atin ay balewala

bakit tiwala sa ating sarili'y wala tayo?
dahil ba kayraming tiwali sa ating gobyerno?
dahil ba sumisira sa atin ay tayo mismo?
dahil di tayo magaling at magaling ang dayo?

kamalayang palaasa ang tinuro sa atin
ng mga dayo habang mga likas-yaman natin
ay ninanakaw nila sa bayan at inaangkin
upang sa bansa nila'y paunlarin at gamitin

bayan tayong nagsisikap at may talentong ganap
bakit tayo umaasa sa dayong mapagpanggap?
magtiwala sa sarili, tayo'y muling mangarap
na tayo'y uunlad din sa sariling pagsisikap