Lunes, Setyembre 30, 2013

Katapatan sa bawat kasama

KATAPATAN SA BAWAT KASAMA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

mahalaga ang katapatan sa bawat kasama
sa hirap man at ginhawa, sa pagdurusa't saya
hindi tatalikod sa prinsipyo't pagkakaisa
hanggang kamatayan, patuloy sa pakikibaka

ang bawat kasama'y kaisa sa diwa't prinsipyo
tangan yaong diwa ng pakikipagkapwa-tao
pawang magkasama sa adhikaing sosyalismo
magkatuwang sa mga pagkilos, rali't trabaho

katapatan sa prinsipyo, tapat din sa kasama
tapat din sa partidong kinabibilangan niya
iginagalang ang pagkatao ng bawat isa
higit pa sa magkakapatid ang turingan nila

walang lamangan, walang iwanan sa bawat laban
ang mali'y bakahin, ang wasto'y yakaping tuluyan
bawat isa'y ipagtanggol laban sa kasamaan
isapuso yaring prinsipyo't talagang Katwiran

mabuhay kayo, mga kasama't aming kapatid
di namin papayagang sa dilim kayo'y mabulid
magkasama tayo buhay man natin ay mapatid
sa pakikibaka, pagkat prinsipyo'y ating batid

Sabado, Setyembre 28, 2013

Pag-ingatan ang puri

PANG-INGATAN ANG PURI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

Madaling manghiram ng tapang sa alak
Lalo na kung sila'y may masamang balak
Kung isa kang dilag na rosas o lilak
Mag-ingat ka't baka puri'y mapahamak.

Linggo, Setyembre 15, 2013

BMP - Dalawang Dekada na

BMP - DALAWANG DEKADA NA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Mapagpalayang pagbati ang paabot ko
sa Bukluran ng Manggagawang Pilipino
Pagpupugay sa inyo nang taas-kamao
sa ikadalawampu nyong anibersaryo

Dalawang dekadang sadyang makasaysayan
na punong-puno ng aral at karanasan

Dumatal ang dalawampung anibersaryo
na patuloy na hinahamon ang obrero:
Uri'y organisahin, magkaisa tayo!
Halina't makibaka tungong sosyalismo!

Mabuhay! Mabuhay ang uring manggagawa!
Mabuhay kayo! O, hukbong mapagpalaya!

(Ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) ay nagdiwang ng kanyang ika-20 anibersaryo nitong Setyembre 14, 2013 sa ikalawang palapag ng Marikina Sports Park sa Lungsod ng Marikina.)

Sabado, Setyembre 7, 2013

Sa Kaarawan ni Ina

SA KAARAWAN NI INA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

salamat, inay, sa iyong mga pagsisikap
na maabot naming anak ang aming pangarap
maraming salamat sa taos-pusong paglingap
at tunay na pagmamahal na aming nalasap

maligayang kaarawan po, ina kong mahal
ikaw na nagbigay ng magagandang pangaral
lalo't payo mong dapat kaming maging marangal
sa bawat naming ginagawa, prinsipyo't asal

sa pagdatal niring iyong kaarawan, ina
tandaang bawat anak mo'y mahal na mahal ka
napakatatag mo sa pagsubok at problema
sa mundong ito, tunay ka pong THE BEST na ina

nawa'y lagi kang nasa mabuting kalagayan
nawa'y nasa maayos ang iyong kalusugan
nawa'y laging matatag ang iyong kalooban
sa muli po, ina, maligayang kaarawan

6 Setyembre 2013