Miyerkules, Hunyo 26, 2013

Wala na dapat tortyur sa piitan

WALA NA DAPAT TORTYUR SA PIITAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

alam mong wala kang ginawang kasalanan
ngunit kailangan ka nilang paaminin
tingin sa iyo'y marami kang nalalaman
mga impormasyon sa iyo'y pipigain

ngunit kung sila sa iyo'y walang mapiga
totortyurin ka, sasaktan ang katawan mo
sa kanila'y kailangan mong magsalita
kundi'y talagang masasaktan kang totoo

sa tortyur, kahit balahibo mo'y titindig
pahihirapang tunay ang isip mo't puso
gagawin nilang kalamnan mo'y mapanginig
habang ramdan ang sakit ng laman at bungo

dapat nang tigilan ang tortyur, tigilan na
sa lahat ng piitan ay mawalang dapat
sa kulungan ay maging makatao sana
huwag nang paglaruan ang presong inalat

epekto sa tao ng tortyur ay kaytindi
katawan at pagkatao'y nayuyurakan
wala na dapat tortyur, sigaw ng marami
wala dapat tortyur sa alinmang piitan

- tuwing Hunyo 26 ay UN International Day in Support of Victims of Torture

Linggo, Hunyo 23, 2013

Sa maliit na mundo ng asong nakatali

SA MALIIT NA MUNDO NG ASONG NAKATALI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

kaibigan siyang tunay ng tao
nagsisilbing tanod sa bahay nito
kinakahulan ang bawat anino
dama'y kaytalas laban sa dorobo

may kadena sa leeg ang animal
handang kagatin ang sinumang hangal

matapang at magaling itong aso
pinapakain, alagang totoo
handugan mo ng paboritong buto
kakampi mo pagdatal ng peligro

mag-ingat sa aso't baka masakmal
kahit sa aso'y igihan ang asal

gwardyang di bayarán, tapat sa amo
may tungkulin siyang bantayan tayo
bilanggo man sa munting teritoryo
sa kanya yao'y isang paraiso

Biyernes, Hunyo 21, 2013

Tulawit sa Kalikasan

TULAWIT SA KALIKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

(nilikha ang tula bilang tugon sa kahilingan ni Ate Marie Marciano, moderator ng Kamayan para sa Kalikasan Forum, upang lapatan ng tono at gawing bagong awit para sa kalikasan; ito'y burador o draft pa lamang)

i
kabayan, hindi ba ninyo napapansin
tambak ang plastik sa karagatan natin
polusyon sa paligid ay kaytindi rin
hawa ang pinagkukunan ng pagkain

ii
umulan, biglang aaraw at aambon
pabagu-bago na ang ating panahon
kalikasan ay parang hilong-talilong
di mawari bakit ito’y urong-sulong

iii
adaptasyon ay kailangan na natin
sa mga pagbabago'y umangkop na rin
ang mitigasyon ay dapat na ring gawin
bawasan din ang usok sa papawirin

KORO:
alagaan ang LAHAT, kilos na tayo
ito ang Lupa, Araw, Hangin, at Tao
iisa lang ang tahanan nating mundo
kaya huwag nating pabayaan ito

Ulitin ang iii
Ulitin ang Koro 2x

Linggo, Hunyo 16, 2013

Ang mga "Men of Steal"


ANG MGA "MEN OF STEAL"
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

palabas sa puting tabing ngayon ang "Man of Steel"
na istorya ni Superman laban sa mapaniil
di na si Christopher Reeve ang di tamaan ng baril
pagkat Superman na ngayon ay isang Henry Cavill

ngunit sa labas ng puting tabing, pulos hilahil
sa bayan ko'y kayraming naglipanang "Men of Steal"
nasa matataas na posisyon, kunwari'y anghel
ngunit kaban ng bayan pala ang dinudukilkil

sila ang mga trapong banal ngunit mapaniil
karapatan nga ng maliliit ay sinusupil
para sa sariling interes, mahilig mangikil
asungot na kayraming tauhang pulos de-baril

pawang tiwali, buong bayan na ang sinisikil
nilang nasa pwestong sa pagseserbisyo'y inutil
dapat lang ibagsak na silang mga "Men of Steal"
silang ang puri't pagkatao'y santambak ng banil

Sabado, Hunyo 15, 2013

Bigyan natin sila ng magandang laban

BIGYAN NATIN SILA NG MAGANDANG LABAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

i

di natin sila dadayain para lang manalo
kaya bibigyan natin sila ng magandang laban
tiyaking matatalo sila dahil tama tayo
sa ating mga pinanghawakang paninindigan

ngunit sa anumang digmaan, sadya ngang may tuso
dapat batid natin ito upang di maisahan
huwag tayong mahirati sa mga gagong trapo
na ang nasa isip lagi'y tubo sa pinuhunan

ii

sakali mang kamtin natin ang asam na panalo
ito'y di pa rin natin ganap na malalasahan
tandaang sa mga naupo'y kaunti lang tayo
pamumuno't pagpasa ng batas ay pahirapan

gayunpaman, mahalaga ang panalong natamo
para sa ating uri, isa itong kasaysayan
ngayong nakaupo tayo sa asam na puwesto
ay bigyan pa rin natin sila ng magandang laban

Huwebes, Hunyo 13, 2013

Tanaga sa Batang Manggagawa

TANAGA SA BATANG MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

(tanaga para sa Hunyo 12, World Day Against Child Labor)

Api na't lumuluha
Ang batang manggagawa...
Nasaan ang kalinga
Sa tulad nilang bata?

Martes, Hunyo 11, 2013

Atat na kami, manggagawa

ATAT NA KAMI, MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

tayo ba'y kaya naging manggagawa
ay para busugin lang ang iilan?
hindi ba't ang ating lakas-paggawa
ang ugat ng pag-unlad ng lipunan?
bakit tayong gumagawa ang dukha?
bakit iilan ang nakikinabang?

bakit tayong mayoryang nagpapawis
na siyang bumubuhay sa daigdig
yaong binubusabos, nagtitiis
tayong gumamit ng utak at bisig
nang umunlad ang lipunan ay tikis
manggagawa'y saan dapat sumandig?

ang mga minorya'y tatawa-tawa
tayo raw, walang karapatan dito
sila raw ang may-ari ng pabrika
may kontrol ng kalakal at gobyerno
tayo ba'y wala nang magagawa pa
upang baguhin ang sistemang ito?

tunggalian ng uri'y tumitindi
nakadudurog ng puso't isipan
at ngayon, atat na atat na kami
upang gapiin ang ating kalaban
ngayon pa lang ay atin nang iwaksi
itong kapitalismo ng iilan

Sa paglayas ni Misis

SA PAGLAYAS NI MISIS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

pag nilayasan ni Misis, kayhirap
puso't diwa'y tunay na naghihirap
            dapat bang hanapin ko siyang muli
            upang suyuin ng puso kong sawi
pagsinta'y nais ko muling malasap
hangad kong kami'y muling magkausap
            kasama ng pagkatao ko't puri
            ang babaeng iniibig kong sidhi

pagbabalik niya'y hihintayin ko
at muli sa kanya'y magsusumamo
alang-alang sa anak naming ito

Lunes, Hunyo 10, 2013

Sa problema'y asal-bumbero

SA PROBLEMA'Y ASAL-BUMBERO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

pag may sunog, darating ang bumbero
apoy ay papatayin niyang todo
            munti mang apoy, di pababayaan
            pagkat panganib pa rin sa tahanan
tulad ng problema ng ilang tao
kumikilos lang tulad ng bumbero
            kikilos lang pag problema'y nariyan
            walang plano, problema'y dumating man

alam na ngang sila'y idedemolis
di naghanda't nag-ayos ng papeles
huli na, sila na'y pinapaalis

Kanlungan ang tahanan

KANLUNGAN ANG TAHANAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

"itaboy natin ang nagdedemolis
magkaisa tayo bago matiris!"
            dukha'y marubdob sa usaping bahay
            ipaglalaban nila itong tunay
"sa tahanang ito tubo't nagtiis
di tayo dito dapat mapaalis!"
            sa dukha, usaping bahay ay buhay
            naukit dito'y saya nila't lumbay

bawat bahay ay ating pananggalang
laban sa bagyo, init, sakim, halang
sa demolisyon, di dapat pasagpang

Linggo, Hunyo 9, 2013

Yosi o tibi?

YOSI O TIBI?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

"kaibigan ko, kaysarap magyosi"
habang tangan ang isang basong basi
            ang tinuran niya'y nakalulungkot
            at ginantihan ko siya ng sagot:
"iyan din ang lagi kong sinasabi
bago ako magkasakit ng tibi"
            natameme siya't tila nayamot
            tunganga lang, musika ma'y maharot

sa pagbuga'y binibilog ang usok
kaysaya pa sa nakasusulasok
ngunit di maitaboy yaong lamok

Maghinaw bago kumain

MAGHINAW BAGO KUMAIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

kung nais mong magsakol sa pagkain
maghinaw muna't sasarap ang kain
            kayhirap yaong kayrumi ng kamay
            sakol ang kaning isusubong tunay
may isang basong tubig kung mahirin
sa ulam na kamatis, tuyo't asin
            pag nabusog, ikaw'y mapapadighay
            tumayo, maglakad, huwag hihimlay

maiging maghinaw bago magsakol
upang sa mikrobyo'y di maulaol
hirap magkasakit, kahol ng kahol

Sabado, Hunyo 8, 2013

Masama ang labis

MASAMA ANG LABIS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

may kasabihang "labis ay masama"
kunin lang kung anong sapat at tama
            huwag tularan ang trapong gahaman
            na ninong ng mga katiwalian
sa gobyerno'y kayraming kuhila
sa dugo ng madla'y nagpapasasa
            mga trapo'y di man lang mahirinan
            sagpang ng sagpang, walang kabusugan

ang lalamunang puno'y nakapinid
masibang halos maputol ang litid
nakahihinga pa ba silang manhid

Sa pabrika'y sakal

SA PABRIKA'Y SAKAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

"magtrabaho kayo ng magtrabaho
at tataasan ko ang inyong sweldo
            pabrikang ito'y paunlarin natin
            hahatian kayo sa tutubuin"
maganda ang panukala ng amo
dahil doon, nagpakasipag ako
            ngunit may kasunod ang kanyang bilin
            pagsapi sa unyon ay huwag gawin

patuloy ang obrerong nagpapagal
pag nasa loob ng pabrika'y sakal
kalabaw kang di dapat umatungal

Biyernes, Hunyo 7, 2013

Himagsik ng hukluban

HIMAGSIK NG HUKLUBAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

nais ng matatandang maghimagsik
sa panghihina ng katawang siksik
            "Puntanyo ng Kabataan" ang hanap
            baka sa pagkabata'y makasagap
nais nilang sariwa'y makatalik
sa pagkabasal ay namumutiktik
            ngunit sagi lang iyan sa hinagap
            gayong sa tunay, puso'y nasa hirap

di na magbabalik ang kabataan
ito'y diyalektika ng katawan
na dapat tanggapin ng kalooban

Huwebes, Hunyo 6, 2013

Pesteng trapik

PESTENG TRAPIK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

dapat bang luwangan ang mga daan?
o sadyang kayrami lang ng sasakyan?
            sa isang lugar lang ba nakonsentra
            ang mga nais puntahan ng masa?
lagi nang trapik sa mga lansangan
ulo'y baka mag-init nang tuluyan
            pag lumubha ang trapik sa kalsada
            konting lamig lang, pare, magpasensya

trapik ay kaytagal nang suliranin
paglutas ay dapat pakaisipin
bago may mamatay muli't barilin

Pila balde

PILA BALDE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

sa basketbol, sinumang matatalo
suot sa bukang hita ng nanalo
            usapan kasi nila'y pila balde
            desisyong ito'y usapang lalaki
kaya laro'y dapat pagbutihin mo
kung ayaw mong mangamoy-bayag dito
            sa laro'y paghusayan ang diskarte
            dapat magplano kayong magkakampi

may "teamwork" dapat ang bawat koponan
dahil pag kanya-kanyang diskartehan
tiyak pila balde silang talunan

Miyerkules, Hunyo 5, 2013

Bilin ni ermat

BILIN NI ERMAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

"mag-aral kang mabuti, aking anak
upang buhay mo'y di maging bulagsak"
            ngunit paano kay inay aamin
            na lagpak ako sa isang aralin
"ayoko kasing ikaw'y mapahamak
di ko kayang gumapang ka sa lusak"
            tiyak sa singit ako'y kukurutin
            pag paglagpak ko'y aking uulitin

magaling na nanay ang aking inay
sa pangaral, binusog akong tunay
dapat lang, magsunog ako ng kilay

Madawag man ang lungsod

MADAWAG MAN ANG LUNGSOD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

Isa akong taal na Manilenyo
Sampaloc ang tinubuang lupa ko
            Kasangga mo sa anumang larangan
            Kahit sa bote't maboteng usapan
Aking minamahal ang lupang ito
Karangalan kong maging Pilipino
            Kahit itanong mo sa barkadahan
            Habang tumutungga't namumulutan

Pabalik-balik man sa Balic-Balic
Matinong buhay, sa isip sumiksik
Ang lungsod man sa dawag ay matinik

Martes, Hunyo 4, 2013

Binilog ng numero

BINILOG NG NUMERO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

ekonomya raw ng bansa'y umangat
ibig bang sabihin, dukha'y bubundat?
            o ito'y isa na namang mahika
            sa numerong hindi ramdam ng masa
sa pagkain, aralin, dama'y salat
lima nga'y hati pa sa isang aklat
            karne'y mahal, isda, gulay, delata
            wala nang mabiling ulam na mura

tumaas ma't bumaba ang numero
pag-angat ay dapat ramdam ng tao
kung hindi, binibilog lang ang ulo

Lunes, Hunyo 3, 2013

Bakit pula ang bandila

BAKIT PULA ANG BANDILA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

"bakit bandila ninyo'y kulay pula
iyan ba'y watawat ng komunista?"
            kulay pula'y tanda ng kagitingan
            sa harap ng maraming kaapihan
"komunismo ba'y yakap-yakap nyo na
kaya bandila'y nais nyong mapula?"
            kung iba'y kulay ng kaalipinan
            dito na kami sa pulang palaban

iba't iba yaong tingin sa kulay
ang mahalaga'y pagtingin sa buhay
nais mo ba'y api o layang tunay?

Sabado, Hunyo 1, 2013

Ang maging makata

ANG MAGING MAKATA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

"To be a poet is more than a hobby, more than a profession -- it's a divine calling." - Maria Criselda Santos

ang maging makata'y di gawain lamang
o isang trabahong kinagigiliwan
walang sahod ito't pulos katitikan
pagyakap sa wika nitong buong bayan
ang pagmamakata'y di pangkaraniwan

ang maging makata'y banal na gawain
ang salita'y yakap, diwa'y umaangkin
puso'y nagmamahal, nagtitiis man din
magmakata'y dukha, palad kung palarin
sa mga salita, ikaw'y aaliwin

iba't ibang buhay ang aring itula
kagaya ng dusa ng maraming dukha
isasalaysay din itong manggagawa
habang binibisto ang mga kuhila
sa kanilang ganid na kilos sa madla

tulad ni Balagtas, o Corazon de Jesus
ang pagmamakata'y pagyakap mong lubos
sa tinig ng bayan, sa dukhang busabos
habang ang malupit iyong kinakalos
sa mga tula mong nais mong matapos

Panibagong Banta sa Banlik ng Panatag

PANIBAGONG BANTA SA BANLIK NG PANATAG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

bahagi ng bansa pag muling sasakupin
ano ang dapat nating isipin at gawin
dugo ng bayan ba'y muling padadanakin
nang itong dayuha'y tuluyang paalisin
http://www.philstar.com/headlines/2013/05/31/948591/chinese-general-reveals-strategy-panatag-takeover

* banlik - shoal
* Banlik ng Panatag - Panatag Shoal (Scarborough Shoal)