Martes, Abril 30, 2013

Wakasan ang dinastiyang pulitikal!


WAKASAN ANG DINASTIYANG PULITIKAL!
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

isang trapo ang kanilang ama
pumalit dito'y kanyang asawa

nang matapos ang panunungkulan
anak ang papalit sa magulang

isang pamilya ang namumuno
sila-sila yaong nakaupo

sa isang bayan sila ang hari
bayang animo'y kanilang ari

laging sila ang nasa pedestal
silang dinastiyang pulitikal

di na ba nagsasawa ang masa
sa mga trapong magkapamilya

masa lang ba'y hanggang sa pagboto
gayong di naglilingkod ang trapo

trapo't dinastiyang pulitikal
ay bakit ating pinatatagal

kailangan ng tunay na lingkod
na tao'y unang tinataguyod

dinastiya ng trapo'y wakasan!
mga trapo'y dapat nang palitan!

Linggo, Abril 28, 2013

Ang Pobreng Alak

ANG POBRENG ALAK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

iyang pobreng alak ang lagi nang sinisisi
pag may hindi magandang nagawa at nangyari
pag lasenggo'y nanyansing, nagalit ang babae
ikakatwiran ng lasenggo, ang alak kasi

sa maraming insidente, sinisisi'y alak
sa mga aksidente, alak ang nanunulak
kaya marami yaong gumagapang sa lusak
dahil sa pobreng alak, maraming napahamak

ang alak ay nariyan lang, walang ginagawâ
ngunit espiritu niya'y babago ng diwâ
may kasabihan nga, anumang sobra'y masamâ
pag lumaklak ng alak, ilagay mo sa tamâ

ang alak ay inilalagay lamang sa tiyan
pag sa ulo inilagay ay kapahamakan

Biyernes, Abril 26, 2013

Doon po sa aming maralitang bayan


DOON PO SA AMING MARALITANG BAYAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

i

doon po sa aming maralitang bayan
mga pulitiko ay nagdadagsaan
mahirap ay muling pinangangakuan
pagagandahin daw ang kinabukasan

ngunit bakit kaya silang pulitiko
nakaupo na ng kung ilang termino
ngunit wala pa rin yaong pagbabago
na ipinangako nang sila'y manalo

at nangangampanya muli sila ngayon
ang muling manalo ang kanilang layon
serbisyo kunwari ang kanilang tuon
gayong nang umupo'y tadtad ng korapsyon

ii

doon po sa aming bayang naghihirap
di matupad-tupad ang aming pangarap
mga pulitiko'y di mo makausap
problema ng masa'y di maharap-harap

kahit alam nilang masa'y nagdurusa
ginagawa'y panay pamumulitika
mga dukha'y walang pagkain sa mesa
walang katiyakan ang trabaho nila

iyang mga trapo'y sadyang mapagpanggap
pag muling nanalo'y di mo mahagilap
serbisyo sa bayan ay aandap-andap
kaya ang ginhawa'y di man lang malasap

iii

doon po sa amin, may halalan muli
ang masa'y di dapat magbakasakali
mga kandidato'y dapat lang masuri
kung sino ang tapat at kapuri-puri

ilan sa kanila'y kilalang balimbing
iba't iba yaong partidong kasiping
naroon kung saan may kumakalansing
at pera ng bayan ang kinukutingting

ating bayan dapat tuluyang mabago
ang mga kurakot, huwag nang iboto
ang mga balimbing, tanggalin sa pwesto
nais nami'y tapat, totoong serbisyo

Martes, Abril 23, 2013

Salamat sa Makakalikasang Kilusan

SALAMAT SA MAKAKALIKASANG KILUSAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
17 pantig bawat taludtod

salita lang ang salamat, ngunit mahalagang salita
na dapat mamutawi sa labi o maisulat kaya
taos-pusong dapat ihandog sa kapwa tao't kilusan
upang matiyak lamang gumanda ang mundo at lipunan
makakalikasan silang inspirado, iminulat ang madla
kayrami rin nilang nagsakripisyo, kayraming nagluksa
salamat ay salita lamang, ngunit napakahalaga
pagkat bukas at buhay ng uri't bayan ang naalala
kilusan sa kalikasan, bayanihang di maikubli
sadyang katangi-tangi kayo't hindi dapat isangtabi
salamat ng marami sa kilusang makakalikasan
sa inyo ang pagpupugay ko't bayani kayo ng bayan

Sabado, Abril 20, 2013

Walang "Chosen Few"

WALANG "CHOSEN FEW"
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

i
masasagip lang ay ilan, sabi ng hula
ligtas lang ang nananampalataya
para bang gumawa ng tao si Bathala
para sa kanya ay sumamba't maniwala

laruan ka lang ba ng kanilang Bathala
upang sa kanya ikaw'y maniwala
upang maligtas ka sa impyernong bunganga
na panakot nila sa bayan at sa madla

tagatala ng mabuti't masama
ganito ba ang papel ng Bathala
gayong ang sabi, ikaw ay nilikha
tanggap niya, mabuti o masama

ii
ang tawag na impyerno'y inimbento
upang ang kapwa'y ating irespeto
isang Bathala'y nilikha ng tao
upang matugunan ang tanong nito

sa kwento'y likha ng Bathala'y tao
habang Bathala'y likha rin ng tao
tulad ng Araw sa patag na mundo
namali ang husga kay Galileo

minamahal ni Bathala ang tao
di man maniwala sa kanya ito
Bathala'y makatarungang totoo
ligtas ka sa inimbentong impyerno

bakit ba meron pang mga "chosen few"
at itsapuwera ang iba pang tao
mapamili ba ang Bathalang ito
iba'y matino, iba'y sa impyerno?

di makatarungan itong "chosen few"
ganito'y makasariling konsepto
anang bayaning Emilio Jacinto:
"Ang lahat, iisa ang pagkatao."

walang "chosen few", lahat mahal kayo
ng Bathalang lumikha nitong mundo
ng Bathalang nilikha nitong tao
wala rin ang panakot na impyerno

Lunes, Abril 15, 2013

Elehiya kay Samantha Jane


PAHIMAKAS SA ISANG ANGHEL
(elehiya kay Samantha Jane)
ni Gregorio V. Bituin Jr.

minsan ka lang naming nakasama
sa pangangampanya ngayong halalan
isa ka sa itinuring na anghel
na nangampanya para ipanalo
ang ating kandidato
bata ka pa
parang anak ka na namin
o parang kapatid naming bunso
may kinabukasan pa sanang
naghihintay sa iyo
ngunit wala ka na
kay-aga mong nawala
sa mura mong gulang
na labimpito
di namin lubos-maisip
bakit kay-aga mong nawala
di ka lang anghel ng kandidato
anghel ka rin sa marami
sa aming bagong kakilala mo
sa mga kaklase't kaibigan mo
na ayon sa kanila
ikaw ay napakabait
kinukuha nga ba ng maaga
ang tulad mong mababait
o ito'y sadyang aksidenteng
idinulot ng tadhana
o sadyang walang ingat
ang  tricycle driver ng sinasakyan mo
marami kayong nakasakay dito
at nakasabit ka sa likod nito
dahil marahil sa kawalang ingat
o marahil ay kawalan
ng pag-aalala sa kanyang pasahero
ikaw ay tumilapon
humampas ang ulo sa semento
na naging dahilan upang
maaga kang mawala
sa ibabaw ng mundo

ang maganda mong kinabukasan
ang mga mithiin mo sa buhay
ang iyong mga pinapangarap
ay di na magkakaroon ng katuparan

minsan ka lang naming nakasama
sa pangangampanya
ngunit ikaw ay anghel
na umukit  na sa aming puso’t diwa

ramdam namin ang sakit
at pait ng maaga mong pagkawala
dahil minsan ka naming nakasama

paalam, aming kaibigan
paalam, Sam

paalam


* Si Samantha Jane Sanorias, 17, ay isang kabataang namatay sa aksidente matapos ang pangangampanya para sa isang kandidato, nang humarurot ang tricycle kung saan siya nakasabit sa likod ay nakabitaw siya sa biglang pagliko ng tricycle at humampas ang kanyang ulo sa semento, na sanhi ng kanyang kamatayan; Abril 7, 2013 nangyari ang aksidente, nadala sa ospital, at namatay kinabukasan; libing niya ay Abril 17, 2013

Biyernes, Abril 12, 2013

Nagbigti sa kulungan

NAGBIGTI SA KULUNGANni Gregorio V. Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

nagbigti ang kawatan
sa loob ng kulungan
budhi'y di nalinisan
sarili'y tinuluyan

Martes, Abril 9, 2013

Hapong-hapo sa kawalan

HAPONG-HAPO SA KAWALAN
ni Gregorio V. BituinJr.
11 pantig bawat taludtod

hapong-hapo na ako sa kawalan
tila may lason ang buong katawan
sa dibdib kaybigat ng nakadagan
apektado pati puso't isipan
nararamdaman ko ba'y kamatayan?

tila panahon ngayon ng ligalig
tila namatay ang bawat pag-ibig
tila ang puso'y tumigil ang pintig
ang bawat kalamnan ko'y nanginginig
prinsipyo't diwa'y tila nilulupig

tila namatay ang buo kong isip
tila mga dugo ko'y sinisipsip
mulat ngunit tila nananaginip
ang napagtanto'y pilit nililirip
ang diwa'y tila sansiglong naidlip

makabangon pa kaya sa kawalan
kung buhay dito'y walang katarungan
nawarat na yaring diwa't kalamnan
ang ngayon ko'y puno ng kapanglawan
bukas ko ba'y patungo sa libingan?

Lunes, Abril 8, 2013

Dalawang dipang langit


DALAWANG DIPANG LANGIT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

dalawang dipa lang ang layo mo sa akin
hanggang titig lang ako't di kita maangkin
paano kita hahandugan ng pagtingin
gayong ako'y bilanggo sa di gawang krimen

ngunit sapat na ang titigan kita, sinta
habang sa panaginip, ikaw ang diyosa
sadyang langit na sa akin ang matanaw ka
paano pa kaya kung makaniig kita

isa kang dilag na labi'y kaysarap hagkan
kapatid ng kapwa bilanggo sa bitayan
mata mo'y nangungusap sa kaibuturan
ng loob kong binahiran ng kasalanan

dalawang dipang langit ng aking haraya
itinitibok ka niring puso, diwata
sa mundo'y iisa lang ang aking adhika
ang makasama kita sakaling lumaya

Linggo, Abril 7, 2013

Kailangan ang diwang malaya

KAILANGAN ANG DIWANG MALAYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10  pantig bawat taludtod

kailangan ang diwang malaya
kasama ang mga manggagawa
mga magsasaka't mangingisda
pagkat ito ang nais ng madla

diwang malaya'y isang hustisya
di napiit ang isip sa dusa
kalayaang mag-isip, magkwenta
magkwento ng naisin ang masa

diwang malaya'y pinaglalaban
inaadhika ng sambayanan
edukasyon o rebolusyon man
ipaglaban ang nasa ng bayan

kailangan ang diwang malaya
upang palaguin ang haraya
sa bawat kathain ng makata
nasa diwa'y paglaya ng madla

Sabado, Abril 6, 2013

Dalit sa Tunggalian ng Uri


DALIT SA TUNGGALIAN NG URI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

i
yumayaman ang mayaman
dukha'y lalong dumudukha
ganito ba ang lipunan
may uring nakakawawa

ii
manggagawa, masipag man
lagi ring nagdaralita
patunay na kasipagan
di agad makaginhawa

iii
babae'y kalakal lamang
sa mga kapitalista
babae'y dapat lumaban
at baguhin ang sistema

iv
edukasyon dapat libre
upang di na mahirapan
itong mga estudyante
kapag oras ng bayaran

v
magsasaka'y dapat bigyan
ng kanilang masasaka
karit nila'y aasahan
sa pagkain bawat mesa

vi
asenderong mangangamkam
ay sakim sa lupa't tubô
labis silang mapang-uyam
dapat lang silang maglahô

vii
obrero'y dapat mag-aklas
laban sa kapitalismo
lipunan ay gawing patas
itindig ang sosyalismo

Biyernes, Abril 5, 2013

Mahirap umurong sa laban


MAHIRAP UMURONG SA LABAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

mahirap umurong sa laban, mahirap
kaysakit ituring na isa kang duwag
maigi'y lumaban, gumapang sa lusak
di baleng duguan, ang nguso'y mabasag
kahit kamatayan yaong makaharap
basta't lumaban ka, lumabang matatag
nariyan ang dangal, puri'y di natinag
laging taas-noo sinumang kaharap

Huwebes, Abril 4, 2013

Banta ng Seksi


BANTA NG SEKSI
ni Gregorio V. Bituin Jr.

binantaan ako ng isang babae
mag-ingat daw ako
naisip ko'y ano siya sinuswerte
kanya ba ang mundo
nagbanta'y kayganda, katawan ay seksi
dalaga pa kaya
kaysarap siilin ng halik ang seksi
kahit amoy-lupa
nais yata niyang tulad ko'y mapikot
ito'ng kanyang nais
tulaan ko siya ng katakut-takot
lambingin ng pares
di bale nang ako'y pikuting tuluyan
ng aking diwata
ang tulaan siya'y di dapat tanggihan
ako'y tula't diwa

Miyerkules, Abril 3, 2013

Bisyo ko ang pagtula


BISYO KO ANG PAGTULA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

sabi nila, wala akong bisyo
di raw ako naninigarilyo
o lalagok ng alak sa baso
at di rin sumusundot ng bato

sa buhay, ano raw ginagawa
wala nang bisyo'y nakatunganga
bakit ba laging natutulala
gayong walang bisyo ang makata

ano ba ang bisyo? ang tanong ko
bisyo'y ang laging ginagawa mo
na maligaya kang gawin ito
sa pang-araw-araw na buhay mo

kung gayon, ang bisyo ko'y pagtula
sapagkat masaya ang pagkatha
iba't ibang diwa'y nalilikha
masayang maglubid ng salita

kung kasiyahan ang pagbibisyo
masaya ang naninigarilyo
pati na iyang mga lasenggo
lalo ang gumagamit ng bato

bisyong pangwasak niyang katawan
bisyong panandaling kasiyahan
na sa problema'y di kasagutan
kundi pansamantalang pag-alwan

ng sitwasyong minsan di malirip
kundi suliraning halukipkip
mabuti pa ang bisyong gahanip
pagtulang pampalusog ng isip

Martes, Abril 2, 2013

Di dapat magmalupit sa kapwa


DI DAPAT MAGMALUPIT SA KAPWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10  pantig bawat taludtod

di dapat magmalupit sa kapwa
di dapat ang dukha'y minamata
di dapat ang mga walang pera
ay dinudusta ng elitista

maging may pera'y di karapatan
upang ang dukha'y pagmalupitan
yaong nanghamak sa kaninuman
dapat magbayad ng kasalanan

di bale nang tayo ang magdusa
kaysa pagmalupitan ang masa
mabuting kaasalan sa kapwa
ang dapat upang mundo'y sumaya