Huwebes, Mayo 31, 2012

Di tayo naging tao upang maging alipin


DI TAYO NAGING TAO UPANG MAGING ALIPIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

kasuklam-suklam sa uring mapagsamantala
ang anumang diwang magpapalaya sa masa
ayaw nila sa diwang nagbibigay pag-asa
at baka masa'y mag-alsa laban sa kanila

ngunit wasto nga ba't dapat may inaalipin
na kayod ng kayod upang iba'y makakain
ang magsasaka'y walang sariling lupang angkin
ang manggagawa sa pabrika'y alipin na rin

di ka ba nagtatakang yaong kayod ng kayod
ay kawawa't sila pang sa hirap lumuluhod
kaysisipag magtanim, mag-araro't magsuyod
ang iba'y kaybaba ng natatanggap na sahod

pag-aralan ang lipunan, sadya bang ganito
yaong masisipag ang naghihirap ng todo
kay-aagang magsibangon upang mag-araro
binabarat ang lakas-paggawa ng obrero

merkado na ba ang nagpapatakbo sa bayan
sila na bang umuugit sa pamahalaan
kung ganito ang unawa natin sa lipunan
di tayo lalaya kung tatanggapin ang ganyan

pilit sinubo sa atin ng kapitalismo
na balewala ang karapatan sa negosyo
di raw tayo bubuhayin ng pulos serbisyo
nagtatakda ng buhay natin ay ang merkado

ganito'y sadyang mali kung pakakaisipin
ituwid natin ang baluktot nilang pagtingin
di tayo naging tao upang maging alipin
mga kaapihang ito'y dapat nang tapusin

sa ating isipan ang simula ng labanan
unawain natin ang takbo ng kasaysayan
halina't ating pag-aralan itong lipunan
at kumilos tungong paglaya ng sambayanan

Miyerkules, Mayo 30, 2012

Nasaan ka, babaeng makata?

NASAAN KA, BABAENG MAKATA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

nasaan ka kaya, O, babaeng makata
nais kong masilayan ang ganda mo't laya
aalayan kita ng malambing kong tula
ikaw'y matagal ko nang sa puso'y kinapa

maari bang sa araw-araw maging musa kita
dahil gabi-gabi na lang nasa panaginip ka
pareho kitang lumilikha ng tula sa masa
tila ba tayo'y magkapareho't magkapareha

nais kitang makasama sa hirap at ginhawa
ngunit nasaan ka't sino ka, babaeng makata
lagi mo na lang nililigalig ang aking diwa
naroon ka kaya sa gitna ng ligaya't luha

naroroon ka kaya sa mata ng bawat masa
o sa nanlilipak na kamay nitong magsasaka
nasa dibdib ng pinagsamantalahang dalaga
o nasa tuhod ng hinahabol na manininda

hinahanap-hanap kita sa panahong payapa
anino mo'y hinahanap ko sa parang ng digma
marahil nasa bisig ka ng bawat manggagawa
o nasa bituka ng ginutom na maralita

ano't pasasaan din, magkikita kita
marahil ilang beses na tayong nagkita
bagamat di nakilala ang isa't isa
sa puso'y matagal na tayong magkasama

Martes, Mayo 29, 2012

Ang Hapon at ang Pulubing Pilipino

ANG HAPON AT ANG PULUBING PILIPINO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

(mula sa komento at kwento ng isang Hapon na tinulungan ng isang pulubi nang maholdap ito, sa balitang "Filipinos urged to observe Philippine Flag Day on May 28" sa yahoo.com, mula sa kawing na http://ph.news.yahoo.com/filipinos-urged-observe-philippine-flag-day-may-28-035615124.html)

minsan sa yahoo ay nagkomento ang isang Hapon
na naninirahan na sa bansa ng sampung taon

dalawang Pinoy umano ang nangholdap sa kanya
bugbog-sarado siya't nilimas pa ang pitaka

tanging naiwan sa kanya'y ang kanyang kasuotan
humingi ng saklolo ngunit walang masulingan

nagpapahatid sa ospital sa tsuper ng taksi
singil ay dalawang libong piso, siya'y tumanggi

dahil wala nang maibigay na ganoong pera
kaya siya'y iniwan nito't bahala na siya

nadismaya ang Hapon na siya pa'y naparito
nang may lumapit na pulubing nais sumaklolo

marungis ang pulubi't sira-sira yaong suot
nakayapak, tila taong grasa't siya'y natakot

lumayo ang Hapon, akala'y muling nanakawan
sinundan siya ng pulubi't siya'y tinulungan

nagtungo sila sa ospital, pati sa pulisya
ngunit pangalan ng pulubi'y di niya nakuha

nang makapahinga ng dalawang araw ang Hapon
kasama'y igan at hinanap ang pulubing iyon

upang pasalamatan at bigyan ng gantimpala
ngunit ito'y tinanggihan ng pulubing kawawa

"paumanhin sa ginawa ng aking kababayan
subalit hindi po lahat ng Pilipino'y ganyan"

"tanging hiling ko lamang, sana'y iyong maikwento
na dukha man, may mabuting puso ang Pilipino"

matapos ito'y lumisan ang pulubing kawawa
hinabol ng Hapon, giniit niya ang pabuya

ngunit muling tumanggi ang pulubing kababayan
umalis na ang Hapon, bumalik ito sa Japan

isang buwan lang, balik-Pilipinas yaong Hapon
pulubi'y hanap, bibigyan daw ng trabaho iyon

ngunit nanlumo ang Hapon sa balitang natanggap
patay na't sinalpok ng bus yaong pulubing hanap

di nalilimutan ng Hapon ang magandang gawa
ng pulubing Pilipino na buhay ay kawawa

kaya ang tanging kahilingan ng pulubing ito
ay kanyang tinupad sa kanyang puso't pagkatao

at sa buong mundo'y kanyang ipinagmamalaki
na sa Pilipinas, kayraming pusong mabubuti



Lunes, Mayo 28, 2012

Sinong Nagmamay-ari ng Ginto?


SINONG NAG-AARI NG GINTO?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sino bang lumusong sa ilalim ng lupa
upang ginto'y hanapin, kanilang kinapa
hindi ba't sila'y yaong mga manggagawa
di mga kapitalistang nakatunganga

minero'y nagsitungo sa kailaliman
upang mahagilap ang ginto sa putikan
kanila ngang nilusong ang kapanganiban
na maaring humantong sa kapahamakan

bawat ginto'y may kumikilatis ng uri
na tiyak na kakampi niyong naghahari
minero ang nagmina, iba ang nag-ari
minerong binabarat sa dapat na salapi

mga may-ari ng ginto'y di nagmimina
proseso mula sa lupa hanggang makina
paggiling, pagkiskis, pagkono at iba pa
tanging manggagawa ang gumawang talaga

ngunit ang pinagtatakhan ng mga tao
nagmamay-ari ng ginto'y di ang minero
walang karapatan ang sinumang obrero
pagkat may-ari'y ang elitistang barbaro

iba ang nagmina, iba ang nagmay-ari
sa sistemang ganito'y obrero ang lugi
manggagawa'y dapat mag-alsa bilang uri
sa pinagpagura'y sila'ng dapat maghati

Ang Silent Spring ni Rachel Carson

ANG SILENT SPRING NI RACHEL CARSON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

tahimik ang tagsibol, pestisidyo'y laganap
sinisira ang pananim at nagpapahirap
si Rachel Carson sa kanyang aklat ay nangusap
sa Silent Spring, dulot ng pestisidyo'y saklap

mula noon, agad namulat ang sambayanan
na dapat pangalagaan ang kapaligiran
umpisa na ng kilusang makakalikasan
sa Amerika'y nagsikilos ang taumbayan

natamaang kaytindi ang mga korporasyon
ng industriyang kemikal sa kanilang hamon
inspirasyon ng taumbayan si Rachel Carson
sa usaping kalikasan ay nagrebolusyon

at malawak na kilusan nag-umpisa rito
hanggang lumaganap sa kamalayan ng tao
na dapat kalikasan ay alagaan ninyo
para sa bukas at buhay ng kayraming tao

27 Mayo 2012, kasabay ng ika-105 kaarawan ni Rachel Carson

Linggo, Mayo 27, 2012

Ang buhay nga ba'y isang tula?



ANG BUHAY NGA BA'Y ISANG TULA?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

may nagsabing ang buhay daw ay isang tula
at ako naman ay di agad naniwala
nais kong suriin kung buhay nga ba'y katha
sa ating buhay ba'y tadhana ang lumikha?

paano ba naging tula ang isang buhay?
saknong at taludtod ba'y sino ang naglagay?
sinong kumatha ng kaygagandang tayutay?
sa mga likhang tula'y sino ang nagsikhay?

may isang bathala bang sa tula'y nagsulat?
sa bilang ng pantig, tadhana ba'y nagsukat?
nanaisin ng tutulang mayaman lahat
kung buhay ay tula, bakit may nagsasalat?

ang mismong maykatawan ba yaong kumatha
ng kanilang buhay na isang talinghaga?
di nga nila masulat ang wakas ng tula
iyon pa kayang buhay, kanilang malikha?

depende kung sinong sa buhay ay titingin
kung masalimuot, buhay ay matulain
kung isang hampaslupa, may  tula bang angkin?
at kung mayaman, may tula bang aanihin?

may nabuhay sa mundong siya'y sinusumpa
may bayaning ang buhay ay dinadakila
sadyang ang buhay sa mundo'y matalinghaga
kaya tiyak may buhay na maitutula

Biyernes, Mayo 25, 2012

Ayuno ng mga Pultaym

AYUNO NG MGA PULTAYM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ayuno kahit di Mahal na Araw o Ramadan
at kakain na lang tuwing gabi, walang agahan
dahil walang alawans, wala na ring tanghalian
kumakain ng altanghap, kahit konti'y hapunan

ang masang maralitang aming inoorganisa
ay hindi namin talaga hinihingan ng pera
lalo na't kulang pa iyon sa panghapunan nila
dapat pa nga'y kami ang magbigay sa dukhang masa

ganito ang nangyayari sa tulad naming pultaym
na ayaw gumawa ng anumang katiwalian
nang dahil sa prinsipyo'y ayaw naming magpayaman
pagkat anumang anumalya'y kami ang kalaban

tanong ng ilan, lider nyo ba'y di nireresolba
at di inaalam ang anumang inyong problema
wala kaming itugon, marahil pabaya sila
walang paki sa kalagayan ng mga kasama

sabi nga ng iba, di makakain ang prinsipyo
ngunit mas mahirap kumain kung wala ka nito
kaya patuloy kaming kumikilos para rito
kahit madalas na itong aming pag-aayuno

di ba't kilusang gutom ay pilit naming niyakap
para sa mga pagbabagong ating pinangarap
kaya di kami kakalas gaano man kahirap
mga problema'y maaayos din sa hinaharap

kung may palpak na lider, mapapalitan din sila
ng totoong may pakialam sa mga kasama
pag nangyari ito'y paiiralin ang hustisya
walang lamangan, mababa man o mataas siya

bagamat nag-aayuno ngayon ang mga pultaym
patuloy kaming kikilos sa rali sa lansangan
didiskarte kaming ligal para makakilos lang
at sa aming kapwa'y di pa rin kami manlalamang

Mga Trapo'y Nakakahiya

MGA TRAPO'Y NAKAKAHIYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sa bansa'y mga trapo ang namamayagpag
na sariling interes ang inaatupag
gagawa ng batas, silang unang lalabag
kaya pagdating ng krisis, bayan ay hungkag
pagkat mga pinuno'y walang kasing sipag

kaya mga trapong ito'y nakakahiya
kaysisipag na tiwali'y nasisikmura
binubulsa pa nila ang pondo ng bansa
pondong mula dugo't pawis ng manggagawa
ang kapakanan ng bayan ay balewala

kaya dapat lang ibagsak ang mga trapo
at baguhin ang sistema ng bansang ito
ilagay sa pedestal ang dukha't obrero
sweldo'y pantayin sa obrero't pulitiko
hanggang bagong sistema'y tanggapin ng mundo

Martes, Mayo 22, 2012

Thief Justice o Cheap Justice?

THIEF JUSTICE O CHEAP JUSTICE?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

talagang kawawa ang hustisyang pambayan
kung yaong dapat maggawad ng katarungan

ang siya pang unang dito'y magbabaluktot
pag matinding tinamaan, nagpapalusot

siya yaong punong naroon sa mataas
kabisadong paikot-ikutin ang batas

ngunit nagbigay siya ng maling halimbawa
nang umalis bigla matapos magsalita

marangal daw ngunit nagdadangal-dangalan
pilit lulusot kung merong malulusutan

harapin niyang dapat ang nasa ng masa
kung di'y alis na bilang puno ng hustisya

Parabula ng Negosyante

PARABULA NG NEGOSYANTE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

minsan ay nagplano ang isang negosyante
sa dami ng kanyang salapi'y mabibili
ang anumang ibigin, anumang sinabi
paluluhurin ang mabait at salbahe

maganda raw ang naiisip niyang ito
dahil lilikha siya ng mga trabaho
mabubuhay muli ang bisig ng obrero
ang bayan na'y magiging pugad ng negosyo

magbebenta ng anuman, tingi at buo
kinakalakal ang inyong nais at luho
tanging adhika ng negosyante'y tumubo
at mga karibal sa negosyo'y maglaho

kaya nagbuhos na ng maraming kapital
sa plinano niyang negosyo at kalakal
nagtayo ng pabrika, negosyo'y inaral
manggagawa'y inupahan, bulsa'y kumapal

subalit mali yata ang patakbo niya
pasahod niya sa obrero'y kaybaba na
di pa marunong mamahagi ng biyaya
gayong lumalago naman yaong pabrika

mga kapwa negosyante sa kanya'y lugod
lalo't globalisasyon kanyang sinusunod
habang di binabayaran ng tamang sahod
ang mga obrerong kalabaw kung kumayod

negosyanteng ito'y nais magbuhay-hari
nais pang kamkamin lahat ng pag-aari
nais ding mangibabaw sa lahat ng uri
at sagpangin kahit mga babaeng kiri

tumubo ng tumubo ang negosyo nito
ngunit di nagtagal ang negosyanteng ito
pagkat pinagwelgahan ng mga obrero
kaya biglang bumagsak ang kanyang negosyo

Lunes, Mayo 21, 2012

Eleksyon, Mayo 2013

ELEKSYON, MAYO 2013
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

sa susunod na taon ay eleksyon na naman
at pipiling muli ng mang-aapi sa bayan
taumbayan nama'y walang mapagpipilian
sa mga kandidatong elitista't mayaman
na gastos pag nanalo'y babawiin sa bayan

sa bawat eleksyon, anong ating napapala
kung di nakikita ang pagbabagong adhika
kung kandidato'y walang puso sa maralita
kung tumatakbo'y walang awa sa manggagawa
kung trapo'y kampi sa kapitalistang kuhila

naging ama sa iskwater kapag kampanyahan
ang pinandidirihang dukha'y pinupuntahan
ngunit pag nanalo'y naging walang pakialam
di na kilala ang kanilang pinangakuan
kaya dukhang bumoto'y nagiging mukhang ewan

yaong mga trapong may kakayahang magpondo
ng kampanyahan ang kadalasang kandidato
wala ka basta't ikaw'y dukhang nais tumakbo
sa eleksyong susunod trapo'y huwag iboto
kundi totoong lingkod ang dapat maipwesto

Linggo, Mayo 20, 2012

Tulungan natin ang ating kilusan

TULUNGAN NATIN ANG ATING KILUSAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

I
halos dalawang dekada sa kilusang masa
nang walang alawans sa huling apat na taon
ngunit dahil sa prinsipyo'y nagpapatuloy pa
para itaguyod ang adhika ng kilusan
upang ang uring manggagawa'y magrebolusyon
at bulok na sistema'y tuluyang mapalitan

II
di natin basta iiwan ang kilusang ito
kung maaari nga'y dito na tayo mamatay
lalo't nasa panahon ng kagipitan tayo
may kalutasan lahat ng ating suliranin
kaya di sagot ang basta ka lang humiwalay
kundi ang bawat problema'y pag-usapan natin

III
kahit tayong mga aktibista'y laging kapos
ang kilusang ito'y pagsikapang itaguyod
dahil atin ito, tulungan na nating lubos
lider nati't kasapi'y magkaisang totoo
bawat problema'y lutasin natin ng malugod
at sino pa bang tutulong dito kundi tayo

Huwebes, Mayo 17, 2012

Ang Dukhang Manunulat

ANG DUKHANG MANUNULAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
soneto, 13 pantig bawat taludtod

Dakilang manunulat sa mata ng madla
Ngunit sa sarili'y di ramdam dahil dukha
Kayraming likhang kwento, sanaysay at tula
Ngunit di makabuhay ang mga inakda
Kapitalista'y ayaw itong ilathala
Pagkat madalas na ito'y mga patama
Sa kanilang palakad at pamamahala
Kapitalismo'y kaysama sa mga katha
Pagkat iyon yaong totoo sa may-akda
Nakikita niya iyon sa manggagawa
At sa lumalaking hukbo ng maralita
Di ba't tama lang iyong ikwento't itula?
Gayunpaman patuloy siya sa pagkatha
Katumbas man iyon ng lalong pagkadukha.

Miyerkules, Mayo 16, 2012

Ang Pagkana sa Gubat ng Lungsod

ANG PAGKANA SA GUBAT NG LUNGSOD
pagpupugay kay Ginoong Edgardo M. Reyes (20 Setyembre 1936-15 Mayo 2012), 
manunulat at nobelista
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

siya pala yaong sumulat ng Boy Pana
ng kabataan ko'y pelikula ng siga
ang sabi nga, Indyan pana, kakana-kana
napakahusay ng kwento niyang inakda

tulad namin, may kuko nga ba ang liwanag
sa aming Maynilang buhay ng dukha'y hungkag
babae para mabuhay ay nalalaspag
patibayan sa lungsod, handa kang pumalag

kasama siya sa pag-agos sa disyerto
ng bagong kamalayan, estilo at kwento
Abueg, Mirasol, mga barkada nito
at sina Sikat, Ordoñez, mga idolo

nahan ang bangkeng papel sa dagat ng apoy
ang sabi, sinagip daw ng mga palaboy
manggagawa'y di palupig, hawak ang kahoy
at prinsipyong pinaningas, di maluluoy

dama ko'y di na kagubatan itong lungsod
pag baha sa España, apaw ang alulod
pagtakas sa hirap, kalabaw kung kumayod
bawal sa Maynila ang mahina ang tuhod

Edgardo M. Reyes, batikang manunulat
buhay nitong masa ang mga kwento't ulat
mula sa simpleng piyon, araw ay sumikat
ang masang sumubaybay, ngayon ay namulat

kung sakali mang tayo'y maglaro sa baga
mag-ingat baka apoy ay lumaking bigla
bida sa kanyang mga kwento'y manggagawa
di ang mga mapagsamantalang kuhila

mula Balic-Balic, isang tagay at pugay
sa dakilang panulat ng Maynilang taglay
pamana ni Manong Edgar sa masa'y tunay
salamat sa mga akdang may saya't lumbay

Martes, Mayo 15, 2012

Ang Banlik ng Panatag

ANG BANLIK NG PANATAG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

SHOAL - (showl) n.- banlik, buhanginan; bahura; lugar na mababaw ang tubig; hapila, rompeyolas; v.- bumabaw; pumunta sa mababaw, magkumpol-kumpol, magkawan; n.- pulutong, grupo; kawan (ng isda); kulumpon

pilit inaagaw ng oso sa kalabaw
ang pinangalanang Panatag na kaybabaw
kaya kababayan ngayon ay sumisigaw
ang Panatag ay atin, di sa osong bangaw

bakit inaagaw ang Panatag sa bansa
ng katabing bansang nag-aastang kuhila
dahil ba bayan nila'y lubhang dambuhala
at tayo'y dilis lamang, kayliit na isda

ngunit nais pa natin ng tamang usapan
bago pa ito maging madugong digmaan
dapat maging mahinahon, O, kababayan,
tulad ng Panatag na ating pinangalan

negosasyon ang pangunahing mahalaga
hindi sa digmaan agad ang ating punta
tingnan natin ang sinasabi nilang mapa
baka pag-aari nila'y ang buong Asya

mga bansang sa kanila'y nakapaligid
tulad ng Burma, Laos, Thailand, at Japan
Vietnam, India, Taiwan, Afghanistan
sa lumang mapa'y nakamapa nga ba  iyan?

baka buong Asya'y pag-aari ng Tsina
ngunit noon iyon sa luma nilang mapa
ang Banlik ng Panatag ba'y sadyang kanila
aba'y lumang mapa'y dapat lang ibasura

higit isang siglo na ang nakalilipas
pinatalsik ang mananakop na marahas
naghimagsik itong bayan at nagbalangkas
na maitatag itong bansang Pilipinas

sa nakaraang siglo'y kayraming lumaya
at itinatag ang kani-kanilang bansa
kaya mga lumang mapa'y wala na't wala
mga bagong mapa'y mapa ng paglaya

kaya nang Pilipinas ay maitatag na
sakop ng bansa'y may dalawang daang milya
mula sa pampang ng dagat at mga isla
Banlik ng Panatag ay kasama sa mapa

Tsina'y malaki, sa digma'y dehado tayo
Panatag nga'y pinaulanan na ng barko
maliit mang bansa, tayo ba'y patatalo
huwag, bayan ng bayani ang bansang ito

* Banlik ng Panatag - tinatawag ding Bajo de Masinloc, at sa internasyunal ay Scarborough shoal




Linggo, Mayo 13, 2012

Pagbati sa lahat ng ina: Happy Mothers' Day

PAGBATI SA LAHAT NG INA: HAPPY MOTHERS' DAY!
ni Gregorio V. Bituin Jr.

siyam na buwang singkad nila tayong dinala
sa kanilang sinapupunan
ipinanganak tayo't inalagaan nila
at hindi pinababayaan
sa buhay na ito'y unang guro natin sila
tayo'y kanilang tinuruan
sa pagtayo, sa paglakad, at sa abakada
pinatuntong sa paaralan
hanggang paglaki natin ay nariyan si Ina
guro, martir, at superwoman
silang minsan yaong ulo'y pinasasakit pa
dahil sa ating kalokohan
binibigyan natin sila ng mga problema
at tayo'y nakakagalitan
ngunit yao'y dahil tayo'y minamahal nila
kaya't tayo'y pangangaralan
magtapos ng pag-aaral, huwag bumarkada
at mga leksyon ang tutukan
hanggang sa magsipag-asawa't magkapamilya
ang mga ina'y naririyan
nagbibigay ng payo sa mga anak nila
kahit iba na ang tahanan
sa pagsapit ng katandaan ng ating ina
huwag nating kalilimutan
kandiliin at arugain din natin sila
na tayo rin ay naririyan
tayo namang anak ang gagabay sa kanila
sila'y ating pasalamatan
kaya ngayong Mothers' Day, batiin natin sila
at atin silang parangalan
mahal na mahal po namin kayo, aming ina
mabuhay po kayo, O, inang!

Mayo 13, 2012, araw ng Linggo
Sampaloc, Maynila

Si Voltes V at ang Martial Law ni Marcos

This is in support of Human Rights Online's campaign "Never Again to Martial Law! We remember, we inform, we inspire our youth with the truth and lessons of Martial Law." This is a six-months campaign leading to the 40th anniversary of martial law.

http://hronlineph.com/2012/05/11/never-again-to-martial-law-we-remember-we-inform-we-inspire-our-youth-with-the-truth-and-lessons-of-martial-law-rememberml40/

SI VOLTES V AT ANG MARTIAL LAW NI MARCOS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

wala pa akong malay noon sa martial law
di ko nga ito narinig sa aking lolo
marahil dahil noon nga'y bata pa ako
at iba yaong mundo ng kabataan ko

di ko pa alam ang nagaganap sa bansa
palaro-laro lang kami ng tex at sipa
kain, laro, nood, at eskwela lang yata
Voltes V ang paborito ng mga bata

inaabangan namin ito pag Myerkules
Mekanda Robot yata sa araw ng Martes
at Daimos yaong palabas tuwing Huwebes
habang Mazinger Z naman kada Biyernes

Voltes V ang pinakasikat sa kanila
theme song nito'y saulo nami't kinakanta
Tito, Vic at Joey'y ginawang pelikula
mga robot na Voltes V pa'y binebenta

ilang buwan lang nawala sila sa ere
idinamay lahat, Daimos at Mazinger Z
tinanggal daw ito ni Marcos yaong sabi
kaming mga bata nama’y nanggalaiti

mga cartoons na ito'y dahas daw ang dala
Let's revolt daw kasi ang Let's Volt in, sabi pa
na tanda sa Voltes V ng pagkakaisa
natakot ba si Marcos na bata'y mag-alsa?

doon ko nalaman kung ano ang martial law
na sa batang tulad ko'y walang nagkukwento
sumunod ka kung anong gusto ng pangulo
dapat ang buong bayan ay disiplinado

dumaan ang panahon, kami'y naglakihan
yaong parteng iyon ng aming kabataan
na nawala ay di namin nakalimutan
at doon sa Edsa'y nagsisamang tuluyan

sa Edsa nga'y saksi kaming magkababata
Marcos pinatatalsik ng bayang kawawa
hanggang diktador na ito'y nangibang bansa
ang bayan ay nagalak sa natamong laya

marami ang naganap ng taon ding iyon
palasyo'y nilusob, pumalit si Corazon
Voltes V agad binalik sa telebisyon
salamat, salamat sa Edsa Revolution

Biyernes, Mayo 11, 2012

Pultaym na Kapos

PULTAYM NA KAPOS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

wala kasing alawans ang aktibistang palimos
kaya natutulala lagi sa mga pagkilos
walang bitamina't di makapag-isip ng lubos
at nadidiskartehan pa'y mga kasamang kapos

noong may alawans pa ako'y may napupuhunan
sa paggawa ng aklat na binebenta ko naman
ngunit ang proyekto kong ito'y nawalang tuluyan
pagkat gastusin dito'y wala nang napagkukunan

paano'y wala nang alawans kaming mga pultaym
kumikilos man kami'y sakbibi ng kagutuman
parang ang mga lider nami'y walang pakialam
di man lang matanong kung kami pa ba'y may alawans

ngunit basta may kompyuter, patuloy pa rin ako
sa pagsusulat ng mga sanaysay, tula't kwento
at pamamahagi ng mga nagawang polyeto
kahit tulala't gutom, patuloy ang pagkilos ko

pagkat kung ako'y magmamaktol, may mangyayari ba
wala, pagkat sa prinsipyo lang kami sama-sama
sa pang-araw-araw na diskarte nga'y kanya-kanya
buti't may mga kasamang nakakaunawa pa

kaya tama lang gumawa ng sariling diskarte
upang may panggastos at mapakain ang sarili
magka-alawans na sana nang di manggalaiti
at di naman maisip na prinsipyado kang api

kahit ang kilusang ito'y laging hirap at kapos
di maisip kung paano pultaym ay makaraos
mamatay man sa gutom, patuloy kaming kikilos
laban sa sistemang dahilan ng pagkabusabos

pagkat nagdesisyon tayong tanggapin ang kilusan
niyakap ang adhikain nito't prinsipyong tangan
tanggaping maluwag anupaman ang kalagayan
kahit magdulo pa ito sa ating kamatayan

Huwebes, Mayo 10, 2012

Sistema o Kamatayan?

SISTEMA O KAMATAYAN?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

I
wala kang kaibigan pag wala kang pera
katotohanan itong di maitatatwa
o di ka kakausapin dahil wala ka na
sa iyo'y ano nang pakinabang pa nila?

mahalaga laging may pera ka sa bulsa
at nang di ka magmistulang kaaba-aba
kahit papaano nasa isip ng iba
munti man bakasakaling makatulong ka

II
may kasama ngang nagpalamon sa sistema
ngayon, busog na busog ang kanyang pamilya
mga dating kasama'y iniwanan niya
gayong mga ito'y kanyang tagasuporta

sa kanya, ang mga kasama'y sukang-suka
naging malapit lang siya sa may kusina
di na nasiyahan sa kalderong nakuha
aba'y buong litson ang nais lapain pa

III
sadya ngang kaylupit ng bulok na sistema
marahang pinapatay ang mga pamilya
pati mga aktibista'y inaasinta
ng mga pasistang alagad ng burgesya

pinipilit tayong tanggapin ang sistema
"sistema o kamatayan" yaong tanong pa
bakit papipiliin ako sa dalawa
gayong nais ko'y kamatayan ng sistema

Miyerkules, Mayo 9, 2012

Gaano man kami kasipag

GAANO MAN KAMI KASIPAG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

pareho kaming nangarap ng bagong sistema
inalay ang buhay sa marangal na layunin
ngunit bakit ngayon kami'y pulos pagdurusa
gumagalaw pa ngunit buhay ay patawirin

gaano man kami kasipag sa pagrarali
nabugbog na ng ilang beses, di pa titigil
sa bawat isyu'y di kami nag-aatubili
kahit kami'y kakarampot, di kami mapigil

gaano man kami kasipag sa pagdidyaryo
at wala ritong nahihitang alawans man lang
patuloy ang katapatan namin sa prinsipyo
kahit yaong iba'y tila walang pakialam

gaano man kami kasipag sa pagpopropaganda
at kahit mumo lang ay masayang tinatanggap
darating ang panahon ng pag-aanalisa
anong nangyari't bakit ganito ang nalasap

saan, paano't ano na ang patutunguhan
ng tulad naming pinipilit pa ang sarili
at ayaw lisanin ang kinagisnang kilusan
na prinsipyo ang tanging maipagmamalaki

di kami titigil hangga't di pa nagwawagi
sa aming mithiing pagkapantay sa lipunan
ngunit kung narito na ang huli kong sandali
maluwag ko nang tatanggapin ang kamatayan

Biyernes, Mayo 4, 2012

Kahit Bente Pesos na Load, Di Na Makabili

KAHIT BENTE PESOS NA LOAD, 
DI NA MAKABILI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

minsan kayhirap magpultaym, para akong pipi
di makausap ang masa't pinipintakasi
kahit bente pesos na load, di na makabili
dahil walang alawans, wala ring pamasahe
ngunit ito'y di rason upang ako'y magsisi

doon sa opisina'y para akong napiit
tila ba may ketong, parang biglang nagkasakit
para bang sa libingan, ako na'y ibinulid
sitwasyong ganito'y gutom at nakamamanhid
buti't matino pa naman dahil may internet

pultaym na walang alawans, pultaym hanggang ngayon
sa kalagayang ito'y saan na paroroon
ah, gagampanan pa ring husay ang aming misyon
pagkat sinumpaan namin ito mula noon
wala mang pera'y tuloy ang pagrerebolusyon

Pultaym at Pagdiga

PULTAYM AT PAGDIGA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

kami ni Jen ay matagal nang magkakilala
pultaym ako't may trabaho siya sa pabrika
pultaym akong ang pinapangarap lang ay siya
ngunit pultaym na walang alawans, walang pera

kaya paano ko siya mahahatid-sundo
ang kalagayan ko ngayon ay sadyang kaylabo
sa nangyayaring ito, puso ko'y nagdurugo
gayunman, ako'y taong di marunong sumuko

nasa isip ko'y laging paano didiskarte
saan kaya ako kukuha ng pamasahe
bente pesos nga na load ay di ko pa mabili
ngunit nais kong magtagumpay at maging kami

ayokong gamiting tulay ang mga kasama
gusto ko'y diskarte ko lang ang diga sa kanya
tumulong na lang sila paano magkapera
ang tulad kong pultaym upang mapuntahan siya

sa panliligaw, kailangan din ng salapi
di pulos pag-ibig ang sa labi'y mamutawi
dapat tustusan kung nais magtanim ng binhi
mahirap ang walang bigas, di ka mapipili

minsan, nag-aplay ako ng part-taym na trabaho
tagalikha ng krosword sa isang bagong dyaryo
singkwenta pesos nga lamang ngunit tinanggap ko
basta't magkapera lamang at merong panggasto

ngunit umayaw din ang editor bandang huli
nang malaman niyang ako'y laging nasa rali
bigo na naman ako't di muling mapakali
maghahanap muli ng panibagong diskarte

sa mga pultaym, isa ako sa nagsisipag
ngunit buhay ng pultaym ay talaga ngang hungkag
sa pang-araw-araw tila ba walang kalasag
kaya pagdating ng krisis ay pupusag-pusag

Huwebes, Mayo 3, 2012

Sa Bulaklak ng Blumentritt

SA BULAKLAK NG BLUMENTRITT
mula sa makata ng Balic-Balic
14 pantig bawat taludtod

(pasintabi kay Rizal na kumatha ng tulang 
Sa Mga Bulaklak ng Heidelberg)

akong paruparong lungsod ngayo'y nanunuyo
sa isang bulaklak na tinitibok ng puso
matinik man ang bulaklak na pinipintuho
paruparo akong matiyaga’t di susuko

di man ako kasinggaling ng tusong bubuwit
di man ako kasimbilis ng matuling pipit
di ko man kasinghusay ang ibong mandaragit
aalagaan ko ang Bulaklak ng Blumentritt

nais kong makasama yaring pita ng puso
makaniig sa buhay na sa ligaya'y puno
bagamat sa sinta’y di ko maipangangako
na paraiso’y maibigay, sampu mang luho

ang tangi kong panata'y sipag at pagsisikap
upang dalawa naming abutin ang pangarap
nawa'y di pagkabigo yaring aking malasap
pagkat kamatayan itong higit pa sa hirap

Martes, Mayo 1, 2012

Puso ang dapat lumaki, hindi ulo

PUSO ANG DAPAT LUMAKI, HINDI ULOni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

sa ating mga kampyon, pagpupugay sa inyo
dala nyo'y karangalan sa bansa nating ito
umaasa kaming sa inyong naging panalo
puso yaong lumaki, hindi ang inyong ulo

ipagpatuloy ninyo ang pagbibigay-dangal
sa bayan nating itong kayraming mga hangal
nasa pamahalaan, mataas na pedestal
ngunit pawang kurakot, di maganda ang asal

sa amin ay bayani kayong itinuturing
sa anumang pasiya, puso lagi'y gamitin
at huwag ipagyabang ang anumang narating
maging mapagkumbaba, kayo nga'y kampyon namin

bawat kampyon ay dangal ng bansang nasiphayo
dahil sa kahirapang sadyang nakadudungo
ang bansa'y inangat nyo, maganda ang tinungo
pagkat kayo sa bayan ay talagang may puso