Linggo, Oktubre 31, 2010

Pabrika't Asyenda'y Kunin na ng Masa

PABRIKA'T ASYENDA'Y KUNIN NA NG MASA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

ang lahat ng masa'y dapat magkaisa
para maagaw ang asyenda't pabrika
pribadong pag-aari yaong dahilan
ng dusa't hirap ng mga mamamayan
hangga't inaari yaong kagamitan
sa produksyon maraming mahihirapan
pagkat magpapasasa lang ay iilan
sa lakas-paggawa nitong sambayanan
kaya masa'y nararapat magkaisa
upang agawin ang asyenda't pabrika
mula sa kamay ng mga elitista
lalo na't asendero'y kapitalista
pag ang pribadong pag-aari'y nawala
mga mahihirap ay di na luluha

Sabado, Oktubre 30, 2010

Ang Paglaya ng Iba'y Paglaya Mo

ANG PAGLAYA NG IBA'Y PAGLAYA MO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

You can only protect your liberties in this world by protecting the other man's freedom. You can only be free if I am free. ~ Clarence Darrow

paanong sarili'y poprotektahan
kung ang kapwa mo'y walang kalayaan
magiging ganap na malaya ka lang
kung iba'y may ganap na kalayaan

kaya halina't tayo'y makibaka
durugin yaong mapagsamantala
pawiin yaong bulok na sistema
kalayaa'y dapat kamtin ng masa

ang paglaya ng iba'y paglaya mo
paglayang dapat nating matrabaho
sa mundong itong sadyang gulong-gulo
sa karapatang di nirerespeto

nasa kamay natin ang kalayaan
kaya halina't tayo'y magtulungan

Biyernes, Oktubre 29, 2010

Ako man ay nasa malayo

AKO MAN AY NASA MALAYO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

ako man ay nasa malayo,
malapit din naman ang puso,
kahit sa malayo'y nasisiphayo
kahit puso ma'y nagdurugo,
kahit dugo ko ma'y mabubo,
magapi man ako't matuliro,
di pa rin ako sumusuko,
kahit tanghalin pa akong bungo.

Diwata kang sa buhay ko'y tunay na inspirasyon

Diwata kang sa buhay ko'y tunay na inspirasyon
Iniibig kita saksi ang kahapon at ngayon
Tigib sa pagkilos upang kamtin ang aspirasyon
At gagawin ang lahat nang di mabigo sa layon
Sinasamba kita't sa larawan mo'y nakatitig
Rinig mo ba ang pagsamo ng pusong umiibig?
Espesyal ka sa akin at lagi kang bukambibig
Pupupugin ka ng halik, ikukulong sa bisig
Upang kitang dalawa'y tuluyan nang maging isa
Yamang ikaw ang nasa ng puso kong nagdurusa
Ako't ikaw sana'y habambuhay na magkasama
Nang ating mabuo ang isang malaking pamilya
- gregbituinjr.

Huwebes, Oktubre 28, 2010

Pinupog kita ng halik sa aking panaginip

Pinupog kita ng halik sa aking panaginip
Isa kang diwatang sa dibdib ko'y humalukipkip
At mutyang sa anumang panganib ay sinasagip
Mistulang ang iwi mong ganda'y laging nasa isip
Oo, sinta, sa kabila ng aking kakulangan
Nagagawa ko pa rin ang ibigin kang tuluyan
Tunay kitang kasama sa lahat ng aking hakbang
At lagi kang kaniig sa bawat kong panagimpan
Laging sa sarili, iwing puso ko'y nangangako
Buong pagsintang alay ko'y huwag sanang mabigo
Ang samo ko lang, tanggapin mo ang aking pagsuyo
Nang madama ng puso ko'y ligaya, di siphayo
- gregbituinjr.

Pinagpipitagan ang tulad mong isang diyosa

Pinagpipitagan ang tulad mong isang diyosa
Iniibig kita, O, minumutya kong dalaga
Ako'y narito, tanggapin mo ang aking pagsinta
Maging sino ka man, O dilag, sinasamba kita
Oo, isa lamang akong lupa, ikaw ay langit
Ngayon nga, larawan mo sa puso ko'y nakaukit
Tatanggapin ko ang pasiya mo kahit masakit
Ang pag-ayaw mo man sa aki'y malaking hagupit
Labis kitang iniibig, oo, kita'y inibig
Bawat kong pagdulog sa iyo'y di sana malupig
Ang pinapangarap ko'y kulungin kita sa bisig
Nang mahagkan ka't aking mayapos ng buong igting.
- gregbituinjr.

Miyerkules, Oktubre 27, 2010

Ang Pasko'y Isang Anestisya

ANG PASKO'Y ISANG ANESTISYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

1
isang araw ng kapaskuhan
buong taon ng kahirapan
mapait na katotohanan
pampamanhid sa mamamayan
2
kaya anong silbi ng pasko
ito lang ba'y pakitang tao
nasaan na ang pagbabago
na pangarap ng masa dito
3
nasaan na ang karapatan
sa sapat na paninirahan
iskwater na ba'y may tahanan
pag sumapit ang kapaskuhan
4
titigil ba ang demolisyon
pati na kontraktwalisasyon
ngunit sa susunod na taon
magpapatuloy pa rin yaon
5
masasabatas bang tuluyan
ang dapat sa kababaihan
reproduktibong karapatan
ba'y tuluyan nang igagalang
6
serbisyo ba'y di na negosyo
ang dala ng Pasko sa tao
magmamahalan bang totoo
ang tao, trapo at gobyerno
7
isang araw ng kapaskuhan
buong taon ng kahirapan
mapait na katotohanan
pampamanhid sa mamamayan
8
di ba't sa susunod na taon
ganito pa rin naman iyon
tulad ng nakaraang taon
Pasko'y pampamanhid din ngayon
9
itong Pasko pag nakalipas
hirap muli ang madaranas
ang trapo'y muling balasubas
gobyerno muli'y mandarahas
10
ang Pasko'y isang anestisya
ang tao'y nagkakaamnesya
ang Pasko'y pampamanhid pala
sa hapding dulot ng sistema

Lunes, Oktubre 25, 2010

Saanman

SAANMAN
ni Greg Bituin Jr.

saanmang gubat, may ahas
saanmang lungga, may daga
saanmang bahay, may bantay
saanmang baryo, may dayo
saanmang bansa, may bata

saanmang gusali, may tiwali
saanmang pusali, may tabingi
saanmang kubeta, may bara
saanmang gobyerno, may trapo
saanmang impyerno, may gago

Linggo, Oktubre 24, 2010

Isa Kang Bugtong

ISA KANG BUGTONG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

isa kang bugtong, magandang dilag
na sa puso ko'y nagpapapitlag
naglalaho ang bawat bagabag
pag-ibig nga ba'y totoong bulag

dilag, isa ka bang talinghaga
sa aking puso'y nagtanikala
pinipitas mo'y puso ko't diwa
ikaw sa aki'y nagbigay tuwa

ano ang tugon sa iyong bugtong
ating bituka ba'y magdudugtong
sama ka kaya kapag lumusong
baha'y abot na sa aming silong

di mo na ako masisisi pa
sa katunayang iniibig ka
huwag mo sanang biguin, sinta
ang iwing pusong nag-aalala

Sabado, Oktubre 23, 2010

Wala sa anumang bagay ang kasiyahan

WALA SA ANUMANG BAGAY ANG KASIYAHAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Joy is not in things; it is in us. ~ Richard Wagner

wala sa anumang bagay ang kasiyahan
kundi nasa puso iyang kaligayahan
aanhin mo pa ang maraming kayamanan
kung wala kang pagmamahal at kaibigan

ang kasiyahan ay nagmumula sa puso
kung may pag-ibig tayo'y di matutuliro
kasakiman mo'y palitan ng pagsuyo
anumang kagaspangan ay dapat maglaho

Paghikayat at Pagkilos

PAGHIKAYAT AT PAGKILOS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

In the end, we will remember not the words of our enemies, but the silence of our friends. ~ Martin Luther King Jr.

hinihikayat natin ang masang kumilos
upang mabago ang buhay nilang hikahos
pagtatrabaho para sa pamilya'y kapos
sadyang dapat pigilin ang pambubusabos

ng sistemang kasalukuyang umiiral
na sa manggagawa'y sadyang nakasasakal
"magsikilos tayo" ang lagi nating usal
"durugin natin ang sibasib ng kapital"

anang kapitalista, tayong mga obrero raw
ay walang magagawa pag sila'y humataw
"kami'y makapangyarihan" ang laging hiyaw
ang tinatanggap pa ng obrero'y tungayaw

ngunit basta tanggap lang ng tanggap ang iba
kahit alam nang sila'y nasasamantala
nanahimik habang tayo'y nakikibaka
kahit inaapi na ng kapitalista

malilimutan natin ang kapitalista
anuman ang pang-aapi't pasaring nila
ngunit yaong nang-iwan sa mga kasama
ay di malilimot ng mga nakibaka

kikilos ba tayo pag tapos na ang laban
habang may labanan ay pinababayaan
yaong kapamilya, kasama't kaibigan
mahirap ngang makasama ang nang-iiwan

Huwebes, Oktubre 21, 2010

Pribadong Pag-aari'y Dapat Nang Maglaho

PRIBADONG PAG-AARI'Y DAPAT NANG MAGLAHO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

pribadong pag-aari'y dapat nang maglaho
ito ang sanhi kung bakit dugo'y nabubo
kung bakit maraming naging sakim sa tubo
kung bakit may ilang nabubuhay sa luho

pribadong pag-aari'y dapat nang mapalis
kung bakit bahay ng dukha'y dinedemolis
kung bakit api ang nagpatulo ng pawis
kung bakit masa'y pinipisang parang ipis

pribadong pag-aari ang siyang dahilan
kung bakit maraming ganid sa mamamayan
kung bakit sinakop ng dayuhan ang bayan
kung bakit laganap pa rin ang kahirapan

pag inari ang kagamitan sa produksyon
kontrolado nila ang kahit anong nasyon
lalo ngayong laganap ang globalisasyon
liberalisasyon at kontraktwalisasyon

dapat durugin ang pribadong pag-aari
at ang bulok na sistema'y dapat mapawi
kasamang durugin ang mga hari't pari
sa mundo sila'y di na dapat manatili

Miyerkules, Oktubre 20, 2010

P300, 3 Taong Walang Serbisyo

TATLONG DAANG PISO,
TATLONG TAONG WALANG SERBISYO

ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

tatlong daang piso ang bayad sa bawat boboto
ng mga mayayaman at gahamang pulitiko
tatlong daang pisong kapalit ng pagkapanalo
ng trapong wala namang serbisyo sa mga tao

napipilitan itong tanggapin ng mga dukha
nang may maipanlaman sa tiyan nilang kawawa
baryang kapalit ng buhay na pulos dusa't luha
ibinentang karampot ang puri ng maralita

di namalayang kapalit ng tatlong daang piso
ay pagsang-ayon sa tatlong taong walang serbisyo
dahil babawiin ito ng mga pulitiko
sa pangungurakot sa kanilang pagugubyerno

kawawa tayo sa mga pulitikong kuhila
sa ganitong sistema ba'y wala tayong magawa?

Linggo, Oktubre 17, 2010

Pagdaluyong ng Inhustisya

PAGDALUYONG NG INHUSTISYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

"When injustice becomes law, resistance becomes duty." - islogan ng grupong Resistance

kung sakaling di maapuhap ang hustisya
na pinapangarap ng inaaping masa
magiging tungkulin na nating magkaisa
upang labanan ang anumang inhustisya

pag kawalang katarungan ang naging batas
sa sistemang pinamumugaran ng ahas
tungkulin nating labanan ang mga pangahas
at tuluyang durugin silang talipandas

dumadaluyong ang anumang inhustisya
dahil may mga taong nais makaisa
inhustisyang dulot ng bulok na sistema
ang pagragasa ng kagahamanan nila

magkaisa laban sa mga mararahas
hustisya ang dapat upang tayo'y maligtas

Sabado, Oktubre 16, 2010

Ang Pagpawi

ANG PAGPAWI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

"Darkness cannot drive out darkness; only light can do that.
Hate cannot drive out hate; only love can do that."
~ Dr. Martin Luther King Jr.


di mapapawi ng dilim ang dilim
pagkat dalawang ito'y pareho lang
ang tanging makapapawi sa dilim
ay ang tinatawag nating liwanag

di mapapawi ng galit ang galit
pagkat dalawang ito'y pareho din
ang tanging makapapawi sa galit
ay ang tinatawag nating pag-ibig

unawain nating mabuti ito
na kung nais natin ng pagbabago
ay mabuting magsuri muna tayo
upang tayo'y di naman magkagulo

Subok sa Serbisyo o Subok sa Serbesa?

SUBOK SA SERBISYO
o SUBOK SA SERBESA?

Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sa Barangay Tagay, maraming kandidato
nag-iikot, kumakaway sa mga tao
sila'y umaasang sila'y maiboboto
nais maglingkod, kahit daw sila'y lasenggo

kabarangay nila'y duda pa sa kanila
pag nanalo'y tiyak masusubukan sila
subok sa serbisyo o subok sa serbesa
ito'y katanungan ng kapitbahay nila

kung sa Barangay Tagay sila'y mananalo
ano kayang magagawa nila sa pwesto
mga permit, tataasan nila ng presyo
para may pantagay, kotong doon at dito

bilang lingkod-bayan, sila nga ba'y handa na
na totoong maglingkod sa Barangay nila
di pa maalis-alis ang duda ng masa
kung katapata'y sa serbisyo o serbesa

Biyernes, Oktubre 15, 2010

Mabuting naririyan ka sa aking tabi

MABUTING NARIRIYAN KA SA AKING TABI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Mabuting naririyan ka sa aking tabi
Ikaw ang aalayan ko ng pagsisilbi
Kapag nakikita ka sa araw at gabi
Ang iwing puso'y kumakabog ng kaytindi

Espesyal ka sa buhay ko, natatangi ka
Lalo't kita'y kasama sa pakikibaka
Ang samahan nati'y pinagtiyap na sanga
Gigisingin ang bayan, lalo na ang masa

Ako't ikaw ay aktibistang tumitindig
Na prinsipyo'y uring manggagawa'y makabig
Dadalhin sa sosyalistang landas at panig
At babaguhin ang lipunan, kapitbisig.

Huwebes, Oktubre 14, 2010

Relokasyon na namin, inaagaw nyo pa

RELOKASYON NA NAMIN, INAAGAW NYO PA
(para sa mga dinemolis sa New Manila at North Triangle)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

relokasyon na namin, inaagaw nyo pa
pilit pinalalayas kaming nakatira
inangkin ng kung sinong may titulong dala
titulong sa Recto'y pinagawa ba nila

sa aming nakatira, dapat daw ebiksyon
pag ayaw lumayas, agad na'y demolisyon
ngunit tirahang ito'y isang relokasyon
kaya bakit tatanggalin ng mga maton

bahay na kinalakhan, habang minamalas
puso nami't damdamin, parang binubutas
relokasyon na namin ito, mga hudas
hindi tamang kami'y inyong pinalalayas

silang magnanakaw ay walang karapatan
na angkinin ang lupang kinatitirikan
ng tahanang sinilangan at kinalakhan
ng pamilya namin kaya ipaglalaban

bakit aagawin ang relokasyong ito
ipagduduldulan sa amin ang titulo
na tila ipinagawa nila sa Recto
upang mapalayas ang mga tao dito

bagamat ayaw naming dito'y mapahamak
ngunit sa kanila'y di kami pasisindak
may dala ng titulong kapara ng uwak
ay dapat durugin, pagapangin sa lusak

Ang Mapagpalayas

ANG MAPAGPALAYAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sa lupa'y pilit kaming pinalayas nila
silang biglang lumitaw, may titulong dala
gayong ninuno namin, kaytagal tumira
sa lupang itong pinagyaman at sinaka
nilinang ng mapagpalang kamay nila

payapang namumuhay, kami'y pinalayas
sa aming lupa ng kung sinong mapangahas
dibdib nag-aapoy sa mga talipandas
pilit kaming nagtanggol laban sa hudas
ngunit iba'y nasa rehas, iba'y nautas

ang nangyaring ito'y di sukat akalain
ninuno ang naglinang, iba ang umangkin
nawala ang pinagkukunan ng pagkain
korporasyon na ang may-ari ng lupain
kaylulupit nilang nagpalayas sa amin

sa pagtatanggol dito'y buhay ang binubo
ang pakikibaka sa sakripisyo'y puno
mapagpalayas ay sadyang mga hunyango
lupa'y bawiin, dugo't pawis ma'y tumulo
laban na ng sabayan at huwag susuko

Martes, Oktubre 12, 2010

Istambay sa Kanto

ISTAMBAY SA KANTO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

noon, istambay lang ako sa kanto
alak at yosi ang kabarkada ko
nag-istambay dahil walang trabaho
laging nagbibilang ng poste rito
tanghaling gumising ang pobreng ito

ngayon, mukhang istambay pa rin ako
minsan, patunga-tunganga sa kanto
ang laging hanap ay maikukwento
at kinakatha ay kung anu-ano
para mailagay sa aming dyaryo

itong tambay na nga ba'y umasenso
mula sa kanto'y napunta ng dyaryo
noon, poste ang binibilang nito
ngayon, binibilang ay artikulo
katha'y pwede na bang maisalibro

masarap pa ring tumambay sa kanto
di na nagbibilang ng poste rito
kundi naghahabi ng tula't kwento
basta sa kanto'y wala lang peligro
payapa ang buhay at walang gulo

Lunes, Oktubre 11, 2010

Huwag Kamuhian ang Kalaban

HUWAG KAMUHIAN ANG KALABAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

"Never hate your enemies. It affects your judgment." - by Michael Corleone to Vincent - from the movie Godfather III (1990)

hindi nga ba dapat kamuhian ang kalaban
paano kung hanap nito'y iyong kamatayan
tulad ba niya'y basta mo lang pababayaan
sa mga ginawa niya sa'yong kasalanan

kung kalaban ay nais mong tuluyang matalo
di damdamin o puso ang paiiralin mo
kundi pagsusuring malalim gamit ang ulo
at taktikang lapat sa sitwasyong kaharap mo

maraming kaaway ang sadyang kamuhi-muhi
sa ilalim ng sistemang dapat lang mapawi
ngunit di ang pagkamuhi kundi pagsusuri
upang mga kaaway ay tuluyang magapi

kaya, kaibigan, huwag magpadalus-dalos
taktika't estratehiya'y pag-isipang lubos

Linyang Asembliya


LINYANG ASEMBLIYA 
(ang assembly line sa pabrika)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ang produkto'y di gawa ng isang obrero
pagkat nagdaan ito sa maraming kamay
palipat-lipat at papalit-palit ito
mga produkto'y likha ng obrerong tunay

mula sa labas sa pabrika ay dadalhin
yaong inorder na materyales na hilaw
tulad ng koyl sa may departamento namin
ipapasok sa makinang may molde't ilaw

una't bubutas-butasin ang koyl na iyon
o hahatiin ayon sa molde at sukat
ikalawang proseso sa plano ay ayon
at sa ibang obrero ito ililipat

sunod ikatlo, ikaapat, ikalima
iba't ibang molde, iba't ibang obrero
hanggang matapos ang produkto sa makina
pagsasamahin ang natapos na produkto

ng mga magkakatabing obrero doon
may manggagawang maglalagay ng piyesa
ipapasa sa katabi't may idudugtong
ipapasa muli'y may dagdag na piyesa

ang bawat manggagawa'y may prosesong gamay
anupa't araw-araw nilang ginagawa
kayraming obrerong pinagdaanang tunay
ang bawat produktong kanilang nalilikha

ganyan ang trabaho sa linyang asembliya
may proseso ang produksyon, molde't produkto
pinabilis nito ang obrero't makina
pinabilis pati kalakalan sa mundo

Linggo, Oktubre 10, 2010

Hirap, Dusa't Luha

HIRAP, DUSA'T LUHA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

bakit iilan ang pinagpala
sa lipunang kayraming kawawa
bakit api yaong manggagawa
sa sistemang nakakabalisa
bakit kayrami ng mga dukha
pawang isang kahig, isang tuka
bakit turing ay hampaslupa
sa naghihirap na maralita
hanggang kailan, tanong ng madla
ang kanilang hirap, dusa't luha
may pag-asa pa kayang mawala
ang kanilang hirap, dusa't luha

Sabado, Oktubre 9, 2010

Dinig mo ba ang aking pusong tumitibok-tibok

Dinig mo ba ang aking pusong tumitibok-tibok
Ikaw ang hanap sa patag, laot, langit at bundok
Tila ba nais kong sa iyo'y payuka-yukayok
At magkaroon ng kasama sa buhay kong lugmok
Sinisigaw ng puso ko'y ikaw na minumutya
Ramdam kong sa iyo'y lagi akong natutulala
E, bata pa tayo'y patay na patay akong sadya
Panay titig ko sa iyo, sa ganda'y hangang-hanga
Unawain mo, naging bahagi ka ng buhay ko
Yaon man ay noon, pinangarap kitang totoo
Ako sana'y patawarin mo sa sinabing ito
Noon pa sana'y niligawan na kita ng todo.
- gregbituinjr.

Biyernes, Oktubre 8, 2010

Sa Mga Walang Paki

SA MGA WALANG PAKI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

bakit ka nagsasawalangkibo
sa mga nangyayari sa mundo?
bakit kahirapa'y di maglaho
ang puso mo ba'y di nagdurugo?

bakit ka nagwawalang-bahala
sa dusa't kahirapan ng madla?
di mo ba kapatid yaong dukha
kaya sila sa'yo'y balewala?

bakit kaya walang pakialam
ang mga tulad mong mapang-uyam?
ikaw nga ba'y walang pakialam
at pagbabago'y di inaasam?

sa lipunan kaya'y anong silbi
ng mga tulad mong walang paki?
iisipin mo lang ba'y sarili?
dignidad mo nga ba'y nabibili?

mga nangyayari sa lipunan
ay kailan mo mararamdaman?
pagkawalang-paki mo sa bayan
mananatiling hanggang kailan?

Huwebes, Oktubre 7, 2010

Mga Agiw sa Kisame

MGA AGIW SA KISAME
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

marami pang agiw sa kisame ng malakanyang
tandang yaong namumuno'y walang pakialam
di na malinisan kahit sariling tanggapan
ito ba'y dahil sa problema ng sambayanan

kung inaagiw pa itong mismong malakanyang
paano lilinisin iyang katiwalian
agiw sa kisame'y pamana ng nakaraang
administrasyong prinoblema ng taumbayan

inagiw mismong kaluluwa ng pamunuan
na tanda ng sistemang puno ng kabulukan
inagiw pati puso't diwa ng sambayanan
na tanda nitong lipunang pulos kabulukan

agiw sa kisame'y maaalis nang tuluyan
kung ang buong kisame'y atin nang papalitan
matatanggal iyang kabulukan ng lipunan
kung ang buong sistema'y atin nang papalitan

Miyerkules, Oktubre 6, 2010

Baku-bako pa ang "Tuwid" na Landas

BAKU-BAKO PA ANG "TUWID" NA LANDAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

tuwid na landas, pangako ni P-Noy
sa masa upang di maging palaboy
tuwid na landas ba'y ating natukoy
kung saang banda nang di maitaboy

ang tuwid na landas ba'y sementado
di ba baku-bako ang daang ito
o baka naman ito'y aspaltado
mag-ingat at baka madapa tayo

pulos graba lang yata ang tinabon
tapos pinadaanan lang sa pison
ano na kayang mangyayari doon
tuwid na landas kaya'y masusunson

ang mga maralita'y dinemolis
mga tirahan nila'y winawalis
nagdedemolis ay pawang mabangis
winasak na bahay ay labis-labis

public-private partnership daw ang dapat
sa ganito'y sila lang ang aangat
buti kung kasama ang masang salat
at di pulos kapitalistang bundat

patuloy pa ang iskemang kontraktwal
na sa manggagawa'y nakasasakal
sa tuwid na landas nga ba daratal
o baka tungo nito'y sa imburnal

pagsulong ng karapatang pantao
siyang dapat unahin ng pangulo
di pulos negosyante'y nasa ulo
at paano kumita ang gobyerno

baku-bako pa ang "tuwid" na landas
sa ulang tikatik ay nabubutas
sa gobyerno'y ito ang nababakas
tuwid na landas ba'y isang palabas

paano na ang bayan kung ganito
nilalandas ay di pa sementado
palpak ang mga programa't proyekto
ng ating inaasahang gobyerno

kababayan, dapat nating mabatid
aspaltado pa ang landas na tuwid
ingat baka tayo'y biglang mapatid
ng umusling kung ano sa paligid

Manggagawa sa Transportasyon, Magkaisa

MANGGAGAWA SA TRANSPORTASYON, MAGKAISA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

organisahin ang manggagawa sa transportasyon
sa matuwid na landas, tayo nang pumaroon
sistemang kapitalismo'y dapat nang magkombulsyon
tuloy ang pakikibaka hanggang magrebolusyon

tayo'y magkaisa, manggagawa sa transportasyon
atin nang ibasura itong oil deregulation
atin nang ipaglaban ang kontrol at regulasyon
ng industriya ng langis para sa masa ngayon

Martes, Oktubre 5, 2010

Bakit nyo kami inuubos?

BAKIT NYO KAMI INUUBOS?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

P-Noy, kung kami ang iyong BOSS
Bakit nyo kami inuubos?
Bakit kami binubusabos
Bakit lagi nang binabastos
Ang karapatang di malubos
Ginegera pa'y yaong kapos!

Bakit ginegera ang dukha
Gayong sa yaman na nga'y wala
Para bang kami'y isinumpa
Pinandirihang hampaslupa
At kayo lang ang pinagpala
Sa mundong kayraming kuhila

Iskwater sa sariling bayan
Ang turing ng mga gahaman
Kaya aming ipaglalaban
Ang aming mga karapatan
Nang mabalik ang karangalang
Kaytagal nyo nang niyurakan

Lunes, Oktubre 4, 2010

Ginto ang Tao

GINTO ANG TAO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

ginto ang mina, minina ng minero
ginto ang tao, minina ang obrero
lakas-paggawa'y binarat ng totoo
ng mga kapitalistang walang modo
na iniisip lang ay tumubong todo
hindi binabayarang tama ang sweldo
na pinaghirapan ng mga obrero
naisahan ng kapitalistang tuso

Linggo, Oktubre 3, 2010

Para sa mga Kasapi ng Kamalayan

PARA SA MGA KASAPI NG KAMALAYAN
(Kalipunan ng Malayang Kabataan)
ni Greg Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

Kapag pumula ang araw sa silangan
tandang nakikibaka ang Kamalayan
laban sa mapagsamantala't gahaman
at nagpapatuloy pa ang tunggalian
sa pagitan ng mahirap at mayaman
para sa pagbabago ng kalagayan
tungo sa isang sosyalistang lipunan.

* ang istorya ng Kamalayan ay makikita sa:
http://writingredblueandgreen.blogspot.com/2009/01/kamalayan-history-insiders-account.html

Sabado, Oktubre 2, 2010

Isinilang na Pluma'y Tangan


ISINILANG NA PLUMA'Y TANGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

isinilang daw akong may hawak na pluma
minsa'y biro sa akin ng ina ko't ama
tanong ko lamang, may kasama bang pambura
na siyang tatama sa mali kong pagtipa

sa pagtipa sa makinilya nagsimula
upang ako'y gumawa ng maraming akda
ngayon sa kompyuter tinitipa ang tula
matapos sulatin sa papel ang kinatha

maraming salamat kina Inay at Itay
at sa mga kapatid kong nariyang tunay
sa bawat pagtula'y inspirasyon at gabay
patuloy na kakatha ng tulang mahusay

isinilang man akong may hawak na pluma
ito'y alay sa magulang, kapatid, sinta
sa kapwa manggagawa, dukha’t magsasaka
bawat akda’y layon kong magsilbi sa masa

Biyernes, Oktubre 1, 2010

Carlos Celdran at Padre Damaso

CARLOS CELDRAN AT PADRE DAMASO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

nagpapatuloy pa ang mga Damaso
makabagong prayle sa panahong ito
laban sa ating karapatang pantao
gayong hiwalay ang Simbahan, Gobyerno

maraming salamat sa'yo, Carlos Celdran
magpatuloy ka sa pakikipaglaban
naghihirap man, ikaw'y susuportahan
labanan natin ang mga prayleng iyan

barilin ka kaya nila sa Luneta
dahil ginawa mo'y laban sa kanila
di ba't si Rizal ipinapatay nila
kay Jose Rizal ba ikaw'y igagaya

durugin iyang mga Padre Damaso
na nangwawasak ng laya't pagkatao
ibagsak na itong kleriko-pasismo
asta'y makalangit, ang gawa'y impyerno