Biyernes, Abril 24, 2009

Mabuhay ang mga Titser Cora

MABUHAY ANG MGA TITSER CORA
tula ni Matang Apoy

(ang tulang ito'y tugon sa napakagandang tula ni Iltabenla sa multiply)
http://iltabenla.multiply.com/journal/item/95/TULAMBUHAY_NI_TITSER_CORA

Mabuhay si Titser Cora at tulad niyang guro
Na ang buong buhay ay inilaan sa pagtuturo
Ang pagiging matanda'y di dapat magpahinto
Mga dedikadong tulad niya'y di dapat maglaho.

Di man kita nakadaupang-palad, Titser Cora
Ganap naman kitang nakilala dahil kay Iltabenla
Dahil sa kanyang tulang alay na ang ibinunga
Ay tunay na inspirasyon sa nakararaming masa.

Bakit ba sa Ingles at sa dayuhan tayo ay yuyukod?
Bakit ba sa globalisasyon tayo ay pinaluluhod?
Ang wikang sarili ba'y di na dapat itaguyod?
At sa call center na lang tayo dapat maglingkod?

Sa mga mag-aaral ay talagang isa kang ina
Ang paaralan ay isa mo nang malaking pamilya
Kaya sa pagtuturo'y dapat ngang magpatuloy ka
Saludo kami sa iyo, dakilang guro, Titser Cora.

Maraming salamat sa iyo, kaibigang Iltabenla
Sa iyong magandang tula sa mga Titser Cora
Alam kong marami pang Titser Cora sa kanila
Na dapat lang na sa pagtuturo'y magpatuloy pa.

Biyernes, Abril 10, 2009

Isang Bala Lang Ako

ISANG BALA LANG AKO
ni Matang Apoy
13 pantig

Nagbanta na sa akin ang isang kaaway
Isang bala lang ako, anyang malumanay
Tila ang tinig niya'y nagmula sa hukay
Anya sa mundo'y dapat na akong mawalay.

Tinuran niya'y isa nang matinding banta
Tulad kong aktibista'y dapat daw mawala
Tiyak na may pamilya na namang luluha
Tiyak na may gobyernong tatalon sa tuwa.

Kaya tinanggap ko ang hamon niya't banta
Ito'ng agad kong sinabi sa kanyang mukha
Ang mga kapara niya'y hunyango't linta
May mga ulo'y wala namang lamang diwa.

Nandito lang ako't naaabot ng bala
Ngunit may dalawa akong hiling sa kanya
Patamaan ako'y gitna ng mga mata
At huwag siya sa aking magpapauna.

Swerte niya pag nadale akong totoo
Patunay iyon, isang bala nga lang ako
Ngunit pag nauna ako'y ibabaon ko
Yaong tingga niya sa kanya mismong ulo.

Ibagsak ang mga Gahaman

IBAGSAK ANG MGA GAHAMAN
ni Matang Apoy
8 pantig

Ibagsak nating tuluyan
Kapitalistang gahaman
Sa salapi at puhunan
Kanila ang pakinabang
Sa obrero'y laging kulang.

Sa mga kapitalista
Pawang tubo itong una
Walang pakialam sila
Sa mga obrero nila
Kahit na ito'y magdusa.

Kapitalistang maluho
Sadyang ugali'y mabaho
Lagi na lang nanduduro
Dahil swapang nga sa tubo
Obrero'y pinagkanulo.

Mga ganid ay ibagsak
Na sa tubo'y tambak-tambak
At pagapangin sa lusak
Pagkat tayo'y hinahamak
Sa bangin pa'y tinutulak.

Miyerkules, Abril 8, 2009

Mata sa Mata, sa kanyang isip

MATA SA MATA, SA KANYANG ISIP
tugon sa isang tula sa isang multiply account

hanggang sa titig lamang
nang ikaw ay natalupan

hanggang sa mata lamang
nang ikaw ay mahubdan

ngunit ang mga matang iyon
ang siyang tumitig sa puson

ng kahubdang kaysarap angkinin
ngunit di magawa pagkat di pa akin

Sabado, Abril 4, 2009

Arriba Letran

ARRIBA LETRAN!
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

Mabuhay ang ating paaralan
Tagapaglikha ng kasaysayan
Tagahubog ng paninindigan
Moog ng mga kabayanihan
Ng buhay na inalay sa bayan
Mabuhay, Deus, Patria, Letran!

(tula para sa Letran High School Batch 1985)

Huwebes, Abril 2, 2009

Isa lang akong maralita

ISA LANG AKONG MARALITA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig


Isa lang akong maralita
nakatira sa barung-barong
ako’y mahirap pa sa daga
laging kumakain ng tutong

Turing sa aki’y hampaslupa
ng mga mayamang ulupong
akala sila ang bathala
gayong sila ang mandarambong

Ang nais ko’y maging malaya
ayokong laging nakakulong
sa paghihirap, dusa’t luha
kahit ulam lagi’y bagoong

Isa man akong maralita
nais ko pa ring makatulong
pangarap ko sa bawat dukha
isama sa bawat pagsulong

Labanan ang Demolisyon

LABANAN ANG DEMOLISYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig

ang bahay ng maralita'y dinedemolis
ng mga taong sadyang walang kasingbangis
maralita'y lagi na lang pinaaalis
sila'y dinudurog na akala mo'y ipis

hindi ba't pabahay ay isang karapatan
ng lahat ng tao, ng bawat mamamayan
ngunit bakit tinatanggalan ng tahanan
dinadala sa lalo't lalong kahirapan

ano bang klaseng gobyerno mayroon tayo
pinababayaang mawasak ang bahay mo
winasak pati buhay, pamilya't trabaho
demolisyon nga'y parang pagpugot ng ulo

ang sigaw nami'y hustisya sa maralita
may karapatan kami kahit mga dukha