Miyerkules, Enero 28, 2009

Sa Mansyon at sa Barung-Barong

SA MANSYON AT SA BARUNG-BARONG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig

Sa paggagala sa lansangan
Ay minasdan ko ang paligid
May mahirap at may mayaman
Lagay nila'y di nalilingid.

Ibang bayan pa't lalawigan
Yaong mga nararating ko
Doo'y akin ding napagmasdan
Lagay nila'y pare-pareho.

Sa mansyon at sa barung-barong
Nakatira ang mga Pinoy
Mayaman yaong nasa mansyon
Sa barung-barong ang palaboy.

Kasalanan bang maging dukha
At 'sang kahig, 'sang tuka sila?
Ang mayaman ba'y pinagpala
Dahil marami silang pera?

Dukha'y nagsisiksikan doon
Sa bahay nilang gawang kahoy
Habang doon naman sa mansyon
Ang nakatira'y nananaghoy.

Masasaya ang mga dukha
Kaunti man yaong biyaya.
Ang nasa mansyon ay may luha
Kahit marami namang kwarta.

Dukha'y masayang lumalamon
Sa barung-barong nilang mansyon.
Kaylungkot naman ng naroon
Sa mansyon niyang barung-barong.

Mabuti kahit ikaw'y dukha
Pagkat ang kapwa'y nililingap
Kaysa kung mukhang pinagpala
Kung sila nama'y mapagpanggap.

Mabuti pa yaong palaboy
Sa barung-barong nilang kahoy
Kaysa mansyong paliguy-ligoy
Na makakausap mo'y unggoy.

Mabuti pa sa bahay kubo
Pagkat nakatira'y kapwa mo
Kaysa naman bahay nga'y bato
Na nakatira nama'y tsonggo.

Huwebes, Enero 22, 2009

Ako'y Internasyunalista

AKO'Y INTERNASYUNALISTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Ako'y internasyunalista
Ipinaglalaban ang masa
Anumang bansa't lahi sila
Pag inapi't sinamantala.
Pagkat sila'y atin ding kapwa
Kaya't sigaw ko sa iba pa:
Maging internasyunalista!

Pagsulat ng Kasaysayan

PAGSULAT NG KASAYSAYAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Ang pagsulat ng kasaysayan
Ay dapat gawin ng dibdiban
At ng may buong katapatan
Iulat ay katotohanan.
Saysay nito'y kinabukasan
Ng bayan at sandaigdigan
Pagkat ito ay kasaysayan.

Problema'y Kaharapin

PROBLEMA'Y KAHARAPIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Paano natin haharapin
Kung panganib ang susuungin
Kung may labang kakabakahin
Kung wala na tayong makain.
Kung ito'y mangyari sa atin
Nararapat lang nating gawin
Bawat problema'y kaharapin.

Halina't Mag-sudoku

HALINA'T MAG-SUDOKU
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Ang paglalaro ng Sudoku
Ay sadyang kinagiliwan ko
Lahat ng siyam na numero
Ilalagay sa tamang pwesto.
Dito'y tatalas ang isip mo
Sadyang masayang laro ito
Kaya't halinang mag-Sudoku.

Numero'y Mahalaga

NUMERO'Y MAHALAGA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Mga numero'y mahalaga
Huwag matakot sa aldyebra
Dyometriya't estadistika
At iba pang matematika.
Magsukat, magbilang, kalkula
Sa buhay natin nga'y gamit pa
Kaya't numero'y mahalaga.

Kapwa'y Huwag Ibenta

KAPWA'Y HUWAG IBENTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Ang kapwa mo'y huwag ibenta
Para lang ikaw'y magkapera
Dahil tiyak masasaktan ka
Pag ikaw din nama'y ibenta.
Kaya kung nais mong sumaya
Kahit ikaw'y naghihirap pa
Huwag mong ibenta ang kapwa.

Bulok sa Loob

BULOK SA LOOB
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

May nitso pag iyong minasdan
Minsa'y maganda't kumikinang
Tila dakila'y nakalaman
O kaya'y pawang mayayaman.
Ngunit kung ating pag-isipan
Gaano man ito kakinang
Laman ng nitso'y kabulukan.

Lunes, Enero 19, 2009

Pahimakas kay Edgar Allan Poe, Idolo



PAHIMAKAS KAY EDGAR ALLAN POE, IDOLO
(sa kanyang ika-200 kaarawan)
9 pantig bawat taludtod

Edgar Allan Poe ((Enero 19, 1809 - Oktubre 7, 1849)

mabuhay ka, Edgar Allan Poe
pati mga tula mo't kwento
isa ka sa aking idolo
mga akda mo'y binasa ko
at inipon ang iyong libro

The Raven, The City in the Sea
The Haunted Palace, Annabel Lee
A Dream Within a Dream, Ulalume
El Dorado, The Bells, Lenore
mga tulang kinabubunyi

The Purloined Letter, The Tell-Tale Heart
The Masque of the Red Death, The Black Cat
The Murders in the Rue Morgue,Hop-Frog
Berenice, Ligeia, The Gold-Bug
ilang kwento'y nakabagabag

ang katha mong "The Philosophy
of Composition" ay nagsilbi
sa tulad ko at sa marami
isang sanaysay ng theory
upang epekto'y may "unity"

dumadagta na itong tinta
sa mga akdang may ligaya
may lungkot, may hikbi, may dusa
salamat sa iyong pamana
lalo sa tulang kakaiba

nasa gunita ka ng mundo
lalo na sa mga tulad ko
nagbunga ang pinamana mo
taas-noo kaming saludo
kaya tengkyu, Edgar Allan Poe

Sabado, Enero 17, 2009

Labis-labis kitang iniibig

LABIS-LABIS KITANG INIIBIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Labis-labis kitang iniibig, aking diwata
Ako ang Prince Charming mong nariritong lumuluha
Nawa'y tanggapin mo ang pagsinta ko, aking mutya
Iniibig kita, saksi ko ang langit at lupa
Mahal ko, sa aking piling, ikaw ay giginhawa!
Ako ang iyong Prince Charming, naritong taas-noo
Tuhod ko'y matatag, kung sumipa'y parang kabayo
Isipan ko'y maparaan, dumatal man ang bagyo
Ramdam ng puso kong ako'y magiging iyung-iyo
At makakasama ka hanggang sa dulo ng mundo.

- circa 1984-85, sampaga, balayan, bats.

Sinusulyap-sulyapan kita noon

SINUSULYAP-SULYAPAN KITA NOON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Sinusulyap-sulyapan kita noon, ang ganda mo!
Ikaw ang nais kong makasama, iniibig ko!
Labi mo'y kaysarap hagkan, mga mata'y kay-amo
Akin kitang yayapusin, kukulungin sa braso...
Naririnig ba ng iyong puso ang aking hibik?
Iwing puso ko sa iyong pagsinta'y nasasabik!
Mahal kita, di na ako magpapatumpik-tumpik
Ako sa iyo'y susuyo, landas man ay matinik.
Tunay ang aking pag-ibig, nawa'y iyong tanggapin
Ikaw, kitang dalawa, ang pamilyang bubuuin
Alay ko sa iyo ang araw, buwan, at bituin!

- circa 1984-85, sampaga, balayan, bats.

Miyerkules, Enero 7, 2009

Balik-Balik

BALIK-BALIK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ilang ulit na akong umalis sa Balik-Balik
ngunit paano iiwan ang lupang tinubuan
doon na nagkaisip, nakisama, humagikgik
karamay ang mga kababata ko't kaibigan

at pinababalik ako kahit nasa malayo
tila baga ako'y parati nitong sinusuyo
kayraming karanasan at masasayang tagpo
kayraming nakaaway at pinadugo ang nguso

saksi ang pook na iyon sa aking pagkasawi
sa pag-ibig na hanggang ngayon dama ko ang hapdi
pagkamulat sa lipunan doon din nagkabinhi
natuto ring makibagay kahit iba ang lipi

lumayo ako upang sa iba pa'y maglagalag
sumali sa iba't ibang samahang naitatag
sa diwa ng aktibismo'y agad ding nagpabinyag
nang iyang bulok na sistema'y di na mamayagpag

ilang ulit mang lumayo'y pilit na bumabalik
doon na yata tatanda hanggang mata'y tumirik
di ko alam kung tadhana'y anong inihahasik
upang di ko na muling iwan pa ang Balik-Balik

Linggo, Enero 4, 2009

Bagong Petsa, Lumang Sistema

BAGONG PETSA, LUMANG SISTEMA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Alam nating araw-araw, nagbabago ang petsa.
Pero may pagbabago ba sa kalagayan ng masa?

Ang paglipas ng isang araw ay karaniwan na lang
Nang lumipas ang isang linggo, gayon din lamang
Ang paglipas ng isang buwan ay karaniwan din lang
Ngunit nang magbago na ang taon, saka tayo nag-ilusyon.
May resolusyon para sa buong taon
Sa sarili'y maraming pinapangako
Ngunit kadalasan namang napapako

Ang pagbabago ng taon ay pagbabago lang ng petsa
Na tao rin lamang yaong nagtakda
Ngayon nga gamit nati'y Gregorian calendar na
Na nagmula sa Julian calendar na sinauna

Anong pagbabago sa ating buhay
Nitong bagong taon ng 2009
Di ba't nagbago lamang ang petsa
Pero di nagbago ang buhay ng masa
Hirap pa rin ang kalagayan nila
Karapatan nila'y niyuyurakan pa
Kaya nga kaming aktibista
Sa pagdatal ng bagong taon
Ay patuloy ang pakikibaka.

Ang Pasko ay panahon ng komersyalismo
Gayon din ang Bagong Taon na ito
Kaya ano ang sinasabing pagbabago
Sa pagsalubong ng taon na ito
Marami pa rin ang kurakot sa gobyerno
Nang dahil ba sa pagbago ng petsa
Mayroon na ring pagbabago
O dapat talagang kumilos tayo
Anumang petsa ang dumatal dito
Bagong taon ay petsa lang at numero
Na wala naman talagang kaugnayan
Sa pagbabago ng buhay ng mamamayan

Parang lumang patis sa bagong botelya
Bagong taon na nga, luma pa rin ang sistema
Dahil nga ang nagpalit ay petsa lamang
At hindi naman sistema ng lipunan.

- sa harap ng computer, Enero 3, 2009