Miyerkules, Setyembre 23, 2020

Paglisan upang magpatuloy sa laban

nais ko mang umalis sa lugar na anong lungkot
narito't hungkag ang buhay, di dapat makalimot
na isang tibak na may tungkuling masalimuot
na dapat gampanan anuman ang pasikot-sikot

asawa ko'y di ko naman basta na lang iiwan
nang di kami nag-uusap, nang walang kumbinsihan
sa kilusan, may katapat iyong kaparusahan
pag nang-iwan ng asawa'y maiimbestigahan

may disiplinary action o D. A. sa akto ko
ilalapat pag napatunayang may sala ako
di ako makakatakas sa kuko ko't anino
lalo't tibak akong may adhikain at prinsipyo

kahit sa Katipunan, myembro'y di dapat mang-api
ng kapwa, lalo't asawa, o sinumang babae
na kung aalis ako, siya'y aking makumbinsi
lumuha man siya'y may pinag-usapan na kami

ako'y aktibistang di pansarili lang ang isip
kundi ang hustisya't karapatang pantao'y hagip
pagbabago ng sistema sa puso'y halukipkip
kaya pag nang-api ng kapwa'y di lubos malirip

ako'y aktibistang ayaw sa pagsasamantala
kaya dapat kong gawin ang wastong pagpapasiya
ito man ay danas, prinsipyo, ideyolohiya
habang tinataguyod ang panlipunang hustisya

minsan, upang magpatuloy, kailangang umalis 
upang maisakatuparan ang adhika't nais
upang kaaway ng uri'y tuluyan nang magahis
tupdin ang misyon ko, yaring buhay man ay ibuwis

pag naayos ang lahat, isasama ko sa lakbay
ang aking asawang tanging sinisinta sa buhay
habang nasa puso ang prinsipyo't adhikang taglay
sa lipunang itong dapat lamang baguhing tunay

- gregoriovbituinjr.

Walang komento: