Martes, Marso 25, 2025

Ang berdugo'y di magiging bayani

ANG BERDUGO'Y DI MAGIGING BAYANI

tila nais palabasin ng kanyang anak
na kung uuwi'y baka mamatay sa tarmak
baka mapagaya kay Ninoy sa paglapag
ng eroplano, baka siya'y mapahamak

iyan ang laman ng mga ulat sa dyaryo
naging dilawan na ba ang bise pangulo?
idinamay si Ninoy, baka magkagulo?
magiging bayani ba ang isang berdugo?

gayong may atas paslangin ang libong Pinoy
ngayon, ikinukumpara siya kay Ninoy
baka mga napaslang, sa hukay managhoy:
"hoy! si Ninoy nga'y huwag ninyong binababoy!"

dating Pangulo'y kay Ninoy ikinumpara
ano? hay, nakakaumay, maling panlasa
dahil sa kaso'y nagbabalimbingan sila
parang niyakap nila ang diwa ng Edsa

sa tindi ng kaso, crime against humanity
di makababalik, iyan ang mangyayari
umiyak man ng dugo, kahit pa magsisi
di siya isang Ninoy, di siya bayani

- gregoriovbituinjr.
03.25.2025

* mula sa ulat ngayong araw sa Pilipino Star Ngayon, Bulgar at Abante

Makasaysayang panalo ni Alex Eala

MAKASAYSAYANG PANALO NI ALEX EALA

sa larangan ng isports, sakalam talaga
ang ating kababayang si Alex Eala
Kanang si Madison Keys pinataob niya 
kaya bansa'y ipinagmamalaki siya!

unang pinataob ay pawang may number five
si Katie Volynets, world's number seventy five
Jelena Ostapenko, world's number twenty five
at ngayon ay si Madison Keys, world's number five

labingsiyam na anyos pa lang nang magwagi
ang kanyang mga panalo'y kapuri-puri
maging world champion sa tennis ang kanyang mithi
sana kalusugan niya'y mapanatili

kami rito, Alex, sa iyo'y nagpupugay
pinakita mo sa mundo ang iyong husay
pinakita sa iba ang lakas ng Pinay
kaya hiyaw namin, mabuhay ka, mabuhay!

- gregoriovbituinjr.
03.25.2025

* ulat ng Marso 25, 2025, mula sa pahayagang Abante, Pilipino Star Ngayon, at Pang-Masa

Careless ba kaya niya iniwan?

CARELESS BA KAYA NIYA INIWAN?

sa pamagat pa lang, alam mong iiwan mo
"Liza Soberano explains why she left Careless,
reveals new management", sa Caremore kaya ito?
iwan mo kung careless, bakit ka magtitiis?

bakit ba Careless imbes Careful ang pangalan
ng talent agency na pinasukan dati
pumokus na raw sa musika o awitan
imbes doon sa pagiging talent agency

subalit di ako interesado roon
kundi bakit pangalan ay Careless talaga
negosyo't pagkita ng pera lang ang layon?
o careless ang danas sa nasabing ahensya?

nakapokus daw ang Careless sa Pilipinas
habang nais ni Liza'y magpuntang Hollywood
iyan ang sinasabi sa ulat ng pantas
si Liza'y nais sa Hollywood mapanood

- gregoriovbituinjr.
03.25.2025

* litrato mula sa Philippine Star fb page

Lunes, Marso 24, 2025

Ang pito kong aklat ni Ligaya G. Tiamzon Rubin

ANG PITO KONG AKLAT NI LIGAYA G. TIAMZON RUBIN
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nakabili ako ng pitong aklat ng manunulat na si Ligaya Tiamzon-Rubin sa Philippine Book Festival 2025. Ang nakatutuwa rito, tigsisingkwenta pesos ang bawat isa. Kaya P350 lahat ito (P50.00 x 7 = P350.00).

Ikalawa, nakakatuwa dahil anim sa pitong aklat ang tungkol sa Angono, Rizal. Dahil minsan na rin akong tumira at nagbahay sa isang lugar sa Angono, sa Mahabang Parang, nang halos anim na taon.

Baguhang staff pa lang ako ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) nang tumira ako roon, dahil isa sa mga lider ng KPML, si Ka Joel na nasa kalapit na barangay na sakop ng Teresa, Rizal, ay kinupkop ako, at doon na rin nagsimulang mag-organisa ng maralita. Bandang taon 2002 hanggang 2007 ako naroon.

Nawala lang ako sa Angono dahil sa paghihiwalay ng grupong Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) at ng grupong Partido Manggagawa (PM). Ang KPML, kung saan ako staff, ay pumanig sa BMP, habang ang lider ng KPML na si Ka Joel, ay napunta sa PM.

Kilala ko na noon pa si Ligaya Tiamzon Rubin dahil nagsusulat siya sa magasing Liwayway na hilig kong bilhin dahil sa mga nobela, komiks, maikling kwento at tulang nalalathala rito. Kumbaga, ito lang ang magasing pampanitikan na nalalathala sa wikang Tagalog.

Kaya nang makita ko ang mga aklat ni Rubin sa booth ng UST Publishing House ay binili ko muna ang apat na aklat, at sa ikaapat na araw ang tatlong aklat. Una kong nabili ang Dangal ng Angono Book 1, ang Angono, Rizal Book 4 - Sa Mata ng mga Iskolar ng Bayan, ang Angono, Rizal Book 6 - Pagtatala ng Gunita, at ang Angono, Rizal Book 7 - Doon Po sa Amin. Sa huling araw ng festival ay nabili ko naman ang Angono, Rizal Book 8 - Lahat ay Bida, ang Angono, Rizal Book 19 - Itanghal ang Bayan, at Paano Nagsusulat ang Isang Ina.

Ang bawat aklat ay may sukat na 6" x 9" na may kapal na kalahating dali, at naglalaro sa humigit kumulang 250 pahina bawat libro. Bawat aklat na Angono, Rizal ay katipunan ng akda ng iba't ibang manunulat, na tinipon ni Ligaya Tiamzon-Rubin, kasama ang kanyang mga sinulat.

Habang ang aklat na Paano Nagsusulat ang Isang Ina ay katipunan ng mga sanaysay ni Gng. Rubin. At ang sanaysay na Paano Nagsusulat ang Isang Ina ay nagkamit ng ikalawang gantimpala sa sanaysay sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature noong 1981. Naroon din sa aklat na iyon ang isa niyang sanaysay sa Ingles na may pamagat na Turning Back and Moving Forward na nanalo naman ng Third Prize sa Essay sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature noong 1980.

Nais kong basahin ang mga sulatin hinggil sa Angono dahil minsan na rin akong naging anak nito.

LIGAYA TIAMZON RUBIN

minsan na rin akong nanahan sa Angono, Rizal
bilang istap ng isang samahan ng maralita
doon ay halos anim na taon akong tumagal
na dahil sa problemang pangsamahan ay nawala

kaya nang sa Philippine Book Festival makita ko
ang mga librong hinggil sa Angono'y binili na
di na ako nagdalawang isip na bilhin ito
lalo't napakamura, limampung piso ang isa

maraming salamat, Ligaya G. Tiamzon Rubin
sa mga sulatin mong pamana sa sambayanan
nang isinaaklat mo ang iba't ibang sulatin
sinulat mo ang tungkol sa lupa mong tinubuan

tunay na inspirasyon ka't mga akda'y kayhusay
tangi kong masasabi'y taospusong pagpupugay!

03.24.2025

Pagsusumikap

PAGSUSUMIKAP

kailangan ko ba ng inspirasyon
upang makamit ko ang nilalayon?
o dapat ko lamang pagsumikapan
ang pinapangarap ko kung anuman?

pampasigla nga ba ang inspirasyon?
paano kung wala? paano iyon?
marahil, mas kailangan ay pokus
upang kamtin ang pangarap mong lubos

sino bang inspirasyon ng makata?
upang samutsaring tula'y makatha
marahil nga'y may musa ng panitik
na ibinulong ay isasatitik

oo, nagsusumikap pa rin ako
bakasakaling magawa ko'y libro
ng tula, maikling kwento't sanaysay
o baka nobela'y makathang tunay

- gregoriovbituinjr.
03.24.2025

Thomas Edison: "Success is 10% inspiration and 90% perspiration."

Albert Einstein: "Genius is 1% inspiration and 99% perspiration."

Linggo, Marso 23, 2025

Pansamantalang paglaya ni Du30, haharangin ng EJK victim families

PANSAMANTALANG PAGLAYA NI DU30, HAHARANGIN NG EJK VICTIM FAMILIES

tiyak na tututulan ng mga pamilya
ng mga biktima ng EJK o yaong
extrajudicial killings kung pansamantala
mang makalaya si dating pangulong Digong

anang ulat, sakaling may interim release
dahil maimpluwensya ang dating pangulo
tiyak na marami ang aaktong mabilis
upang harangin sakaling mangyari ito

may due process si Digong, di yaong winalan
ng buhay, pinaslang, kaya sadyang masahol
pag pinagbigyan ang mismong may kasalanan
tiyak na human rights defenders ay tututol

kaya sana'y di ito gawin ng ICC
upang inaasam na hustisya'y makamit
ng mga biktimang ang buhay ay winaksi
ng berdugong ang atas ay napakalupit

- gregoriovbituinjr.
03.23.2025

* ICC - International Criminal Court
* ulat mula sa pahayagang Pang-Masa, Marso 23, 2025, pahina 1 at 2

Mura na ang apat na diksyunaryo

MURA NA ANG APAT NA DIKSYUNARYO

binili ko'y apat na diksyunaryo
na English-Tagalog ni Leo English
sa mga pamangkin ay panregalo
unang libro'y nabili ng Biyernes

at tatlo pa nito noong Sabado
National Book Store, Quezon Avenue lang
dating presyo'y animnaraang piso
siyamnapu't siyam na piso na lang

huling araw na ngayon, kaibigan
baka makahabol ka't makabili
pulos dayuhang libro karamihan
panitikang Pinoy bihira dini

diksyunaryong nabili'y mahalaga
malaking tulong sa mga pamangkin
magagamit sa pag-aaral nila
kahit di Pasko, may regalo na rin

- gregoriovbituinjr.
03.23.2025

Pagkatha

PAGKATHA

madaling araw pa lang ay tutula
tanghali hanggang gabi ay Taliba
ganyan na iniskedyul ng makata
ang araw at gabi niyang pagkatha

napanaginipan niyang salita
ang siyang bumubuo ng talata
sa sanaysay o sa kwentong nalikha
o saknong at taludtod na nagawa

mga napapanaginipang paksa
ay mula sa binulong ng diwata
musa ng panitik na laging handa
sa pag-alalay sa abang makata

kaya madalas akong naluluha
sa salaysay ng buhay ng kawawa
kaya yaring pluma'y di maibaba
upang ipagtanggol ang api't dukha

- gregoriovbituinjr.
03.23.2025

Nars ako ni misis

NARS AKO NI MISIS

di naman ako nagtapos ng nursing
subalit naging nars ako ni misis
lalo't sa sakit ay umaaringking
dapat bigay kong gamot ay kaybilis

pag sa opisina siya'y pumasok
iyon ang panahon ko sa kalsada
pag gabi na't sa bahay matutulog
nars na ako at di na raliyista

mula Lunes hanggang Biyernes ganoon
nars naman sa gabi, Sabado't Linggo
mga reseta'y aking tinitipon
na aking gabay sa pagiging nars ko

dahil na rin sa karanasang tunay
kwarenta'y nwebe araw sa ospital
natuto't nakinig sa pagbabantay
kay misis, isang buwan ding kaytagal

nakakalabas lang paminsan-minsan
halimbawa'y pupunta sa palengke
bibili sa karinderya ng ulam
o bibili ng gamot sa Mercury

oo, naging nars ang tulad kong tibak
upang si misis ay gumaling lamang
sa isip ko man ito'y tambak-tambak
buong suporta ko'y naririyan lang

- gregoriovbituinjr.
03.23.2025

Sabado, Marso 22, 2025

Hindi pa raw isusuko ang 'Bataan"

HINDI PA RAW ISUSUKO ANG 'BATAAN'

grabeng metapora kapag iyong tiningnan
tila ba sexist remark sa kababaihan
sa pagbabalita sa isang pahayagan
idagdag pa ang nagi-ispayk sa larawan

pamagat nga'y "Myla hindi pa isusuko
ang 'Bataan'", kahulugan ba'y napagtanto
gayunpaman, katapangan ang mahuhulo
bagamat pamagat ay tila pagbibiro

isa iyong balita sa larong volleyball
na si Myla Pablo ang nagbibigay trobol
sa katunggaling di basta-basta maismol
na matinding pagsasanay ang ginugugol

noong World War Two nang Bataan ay bumagsak
sa kamay nang Hapon, pinagapang sa lusak
ang mga Pilipino't Kanong tambak-tambak
hanggang sa mga kaaway sila'y umupak

hindi pa isusuko ang 'Bataan', sabi
sa ulat, pinatungkulan ang binibini
na animo'y patama sa pagkababae
na pag nalugso, Bataan na'y iwinaksi

- gregoriovbituinjr.
03.22.2025

* ulat mula sa pahayagang Abante Tonite, Marso 22, 2025, pahina 8

Kung palaisipan ang pag-ibig

KUNG PALAISIPAN ANG PAG-IBIG

"First love never die," anong gandang kasabihan
hinggil sa pag-ibig, tulad din ng "Love is blind"
na nag-uusap ay dalawang puso lamang
oo, tanging puso lamang, di ang isipan

kaya isang palaisipan ang pag-ibig
may mayaman at mahirap na nagkaniig
bagamat minsan, luha ang naididilig
dahil sa mga tampuhan nagpapadaig

may pinagsama ring di dahil sa pagsinta
kundi dahil sa pag-aari't yaman nila
aba'y hindi ganyan ang pag-ibig, hindi ba?
dahil sa negosyo? magkakauri sila!

palaisipan ang pag-ibig ni Balagtas
sa kanyang Celia, basahin mo't makakatas
sa Florante at Laura ang pagsintang ningas
sa puso ng ating bunying makatang pantas

nag-aalab din sa pag-irog yaring puso
sa sintang tila kami'y langgam kung sumuyo
ang pag-ibig na ito sana'y di maglaho
at huwag mapalitan ng laksang siphayo

- gregoriovbituinjr.
03.22.2025

* ang sanligan o background ay mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Marso 22, 2025, pahina 10

Magramo, bagong WBC champ; anak ni Pacman, wagi

MAGRAMO, BAGONG WBC CHAMP;
ANAK NI PACQUIAO, WAGI

Congrats po sa dalawa nating boksingero
bagong WBC champ na si Magramo
habang wagi sa lightweight si Eman Bacosa
sa Blow-by-Blow na ginanap pa sa Okada

tinawag na "Hurricane" dahil anong galing
ni Arvin Magramo na sisikat sa boxing
pang-anim na sunod na panalo ni Eman
na sumunod sa yapak ng amang si Pacman

anang ulat, napaluhod ang katunggali
ni Magramo kaya sa hurado'y nagwagi
at si Bacosa naman ay nagpakawala
sa kalaban ng ilang solidong patama

kina Arvin at Eman, mabuhay, mabuhay!
magpatuloy kayo't ipakita ang husay!

- gregoriovbituinjr.
03.22.2025

* WBC - World Boxing Council
* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Marso 22, 2025, p,12

Biyernes, Marso 21, 2025

Si Prof. Vim Nadera at ako

SI PROF. VIM NADERA AT AKO
(Alay sa World Poetry Day)

nakita ko na siya noon nang ako'y nag-LIRA
dalawang dekadang lumipas, ako'y nakasama
sa Palihang Rogelio Sicat, siya ang mentor ko
sa pagtula, sa kanya ako'y talagang saludo

nang maglunsad ng mga bagong aklat ang UP Press
kami'y nagkita, nagkakumustahan ng mabilis
binigyan ko siya ng Taliba ng Maralita
na publikasyon namin sa samahan ng dalita

Taliba'y pinuri niya't ako'y padadaluhin
sa isang aktibidad ng mga may mumunting zine
o maliit na magasin tulad ng pahayagang
Taliba, natuwa ako't sumang-ayon din naman

at sa UP, aklat niya'y inilunsad ding tunay
pamagat: "Tokhang at Iba Pang Nanlabang Sanaysay"
na kasabay ng isinalin kong aklat din doon
ang "Pamumuhay sa Panahon ng Ligalig" iyon

sa pagsasalin ako'y magpatuloy, kanyang payo
na isang tungkuling ginagawa ng taospuso
maraming salamat sa iyong payo, Professor Vim
tagos sa loob ko, matalim, malalim, taimtim

- gregoriovbituinjr.
03.21.2025

* litratong kuha sa Pagmayaw: Paglulunsad ng mga Bagong Aklat ng UP Press 2024 na ginanap sa UP, Marso 20, 2025
* LIRA - Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo

Ang awtor na si Jun Cruz Reyes at ako

ANG AWTOR NA SI JUN CRUZ REYES AT AKO
(Alay sa World Poetry Day)

sa Megamall siya unang nakadaupang palad
nang ilunsad niya roon ang isa niyang aklat
higit isang dekada na pala ang nakalipas 
muli kaming nagkita sa isa pang lunsad-aklat

matapos kong mapresenta doon sa entablado
bilang tagasalin ng isang mahalagang libro
pagbaba'y nginitian niya't kinumusta ako
buti't ako'y natatandaan pa niyang totoo

premyadong awtor ang magaling na si Jun Cruz Reyes
bagong aklat niya ang "Never Again, Never Forget"
habang tangan ko'y librong salin mula wikang ingles
salin ko'y "Pamumuhay sa Panahon ng Ligalig"

di siya nagsulat hinggil sa establisimyento
sabi niya sa akin, nagtuturo pa ba ako?
opo, sagot ko, sa mga maralita't obrero
bilang pultaym na tibak, patuloy ang pagkilos ko

sa kanya, ang mangingisda sa Manila Bay naman
ang mga isyu nila ang kanyang tinututukan
aniko, ispirasyon ko kayo sa kahusayan
ang inyong mga akda'y binabasa kong mataman

- gregoriovbituinjr.
03.21.2025

* litratong kuha sa Pagmayaw: Paglulunsad ng mga Bagong Aklat ng UP Press 2024 na ginanap sa UP, Marso 20, 2025

Si Ariel Tabag ng magasing Bannawag at ako

SI ARIEL TABAG NG MAGASING BANNAWAG AT AKO
(Alay sa World Poetry Day)

kapwa kami may inilunsad na libro ng UP Press
"Pamumuhay sa Panahon ng Ligalig" na salin ko
isa siya sa tatlong nagsalin: "Sa Bagani Ubbog"
na mga kwentong Ilokano ni Reynaldo A. Duque

bungad nga niya, "Ikaw ba ang asawa ni Liberty?"
"Oo", agad kong tugon, nakwento na siya sa akin
ni misis pagkat ang asawa nito'y social worker ding
katulad ni misis, aba, mundo nga'y sadyang kayliit

unang beses iyon na siya'y makadaupang palad
nasa patnugutan si Ariel ng magasing Bannawag
ako'y nasa pahayagang Taliba ng Maralita
binigyan ko rin siya ng kopya ng dyaryong Taliba

sa iyo, Ariel S. Tabag, taasnoong pagpupugay
ikinararangal kong nakasalamuha kang tunay
daghang salamat, nobelista, kasalin, kamakatâ
nawa'y maging matagumpay ka pa sa iyong pag-akdâ

- gregoriovbituinjr.
03.21.2025

* litratong kuha sa Pagmayaw: Paglulunsad ng mga Bagong Aklat ng UP Press 2024 na ginanap sa UP, Marso 20, 2025

Pagngiyaw ni alaga

PAGNGIYAW NI ALAGA
(Alay ngayong World Poetry Day)

aba'y nakatutuwa
tila ba tumutula
ang aming si alaga
sa Araw ng Pagtula

animo'y entablado
ang inapakan nito
adhika niya't gusto
binigkas na totoo

panay ang kanyang ngiyaw
na di nakabulahaw
di naman nagtungayaw
hay, kayganda ng araw

anya, ang tingin ko lang:
"nais ko nang maibsan
ang damang kagutuman
isda ako po'y bigyan"

mamaya, isda'y alay
ngiyaw ay tula't tulay
na nagbibigay kulay
sa aming iwing buhay

- gregoriovbituinjr.
03.21.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://web.facebook.com/share/v/1FL21cEdmD/ 

Laban sa bugok at sistemang bulok

LABAN SA BUGOK AT SISTEMANG BULOK
(Alay sa World Poetry Day 2025)

ang pag-iral ng dinastiya'y kabulukan
ng sistemang sanhi ng laksang kahirapan
pagbalikwas laban dito'y dapat tuunan
ng pansin ng api't pinagsamantalahan

wala sa sinumang trapong bugok at bulok
ang tutubos sa ating bayang inilugmok
ng mga dinastiyang naupo sa tuktok
lalo't sa yaman ng bayan ay pawang hayok

halina't buksan yaring diwa, puso't taynga
at damhin ang sugat ng mga nagdurusa
dinggin ang tinig ng nakararaming masa:
dapat nang wakasan ang bulok na sistema!

ang tibak na Spartan ito'y nalilirip
habang samutsari yaong nasasaisip
masang naghihirap ay tiyaking mahagip
maging mulat sila't sa sistema'y masagip

- gregoriovbituinjr.
03.21.2025

Pagsali, pagsalin, pagsaling

PAGSALI, PAGSALIN, PAGSALING
(Alay sa World Poetry Day 2025)

nais kong sumali sa mga paligsahan
at sa madla'y ipakita ang kahusayan
sa palakasan man, spelling o takbuhan
bakasakaling may premyong mapanalunan

o pagsasalin ng akda'y trinatrabaho
aklat man, artikulo, pabula o kwento
munti mang bayad ay may ginhawang totoo
na makabubuhay naman sa pamilya mo

garapal na dinastiya'y dapat masaling
ng mamamayang bumalikwas na't nagising
mula sa kayhaba nilang pagkagupiling
habang burgesyang bundat ay pagiling-giling

pagsali, pagsalin, pagsaling ng makatâ
habang pinagsisilbi ang mga salitâ
ukol sa kapakanan ng mga dalitâ
nang sistemang bulok ay kanilang magibâ

- gregoriovbituinjr.
03.21.2025

Huwebes, Marso 20, 2025

Sa bisperas ng World Poetry Day

SA BISPERAS NG WORLD POETRY DAY

inaalagata ang mga karanasan
sa pakikibaka ng dukha't manggagawa
simpleng pamumuhay ang pinanghahawakan
ng makatang tibak na yakap ang adhika

at sa bisperas ng World Poetry Day naman
o sa Pandaigdigang Araw ng Pagtula
nais kong mailarawan ang karukhaan
at paglaban ng masang api't maralita

makatang nagsisilbi sa kapwa at bayan
iyon ang temang aking hangad na makatha
lalo na't panulaan ay pandaigdigan
tema ng tula'y magdadala ng paglaya

kaya narito ako, mga kababayan
itutula'y mula sa inang nag-aruga
magbinata, at makibaka sa lansangan
hanggang kamatayan, sa prinsipyo'y sumumpa

- gregoriovbituinjr.
03.20.2025

* ang sanligan o background ay litrato ng makatang si Edgar Allan Poe

Sa sakayan

SA SAKAYAN

alas-singko ng hapon, mahirap sumabay
sa mga nag-aabang na nais sumakay
ng dyip pauwi sa patutunguhang tunay
naglakad na lang ako habang nagninilay

maluwag pa pag alas-tres o alas-kwatro
at marami nang pauwi pag alas-singko
ang nakaupo sa dyip ay dulo sa dulo
kaypalad mo pag nakaupo kang totoo

ah, mabuti pa ngang ako'y maglakad-lakad
hinay-hinay lang at huwag bilisan agad
kahit tulad ng pagong, marahan, makupad
at sa paglubog niring araw ay mabilad

may paparating na dyip, sana'y di pa puno
pagkat lalakarin ko'y talagang malayo
kung walang dyip, maglakad kahit na mahapo
mahalaga'y marating kung saan patungo

- gregoriovbituinjr.
03.20.2025

4-anyos na anak, pinatay sa sakal ng nanay

4-ANYOS NA ANAK, PINATAY SA SAKAL NG NANAY

karumal-dumal ang sinapit ng apat na anyos
na anak pa ng kanyang inang sumakal sa kanya
bakit nangyayari ang ganitong kalunos-lunos?
na pangyayari't paano sasaguting talaga?

tila may mental health problem na ang nasabing nanay
naburyong dahil di raw nagpapakita ang mister
bakit naman anak ang napagdiskitahang tunay?
naku, nagsawa na ba siya sa pagiging martir?

may hinala siyang mister ay may ibang babae
pagkat ilang araw nang ito'y di nakakauwi
nagdilim ang paningin, sinakal niya si Sophie
hay, sa selos o panibugho'y walang nagwawagi

ngayon, siya'y makukulong sa pagpaslang sa anak
sugat kung maging balantukan man ay mag-aantak

- gregoriovbituinjr.
03.20.2025

* ulat ng Marso 20, 2025, sa mga pahayagang Pilipino Star Ngayon, Bulgar, at Pang-Masa

Miyerkules, Marso 19, 2025

Aklat ni at kay Lualhati Bautista

AKLAT NI AT KAY LUALHATI BAUTISTA
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kilala natin si Lualhati Bautista bilang manunulat ng nobela, tulad ng Gapo, Desaparesidos, Bata, Bata, Paano Ka Ginawa, at Dekada '70. Subalit hindi bilang makata. Kaya nang makita ko ang aklat niyang Alitaptap sa Gabing Madilim (Koleksyon ng mga tula) ay hindi na ako nagdalawang isip na bilhin, kahit pa iyon ay singhalaga ng siyam na kilong bigas na P50 kada kilo. Ang mahalaga'y magkaroon ako ng kanyang aklat, dahil baka di ako mapakali pag hindi iyon nabili.

May aklat din ng pagtalakay sa pagiging nobelista ni Lualhati Bautista ang magaling na awtor na si E. San Juan Jr., kung saan tinalakay niya ang 'mapagpalayang sining ng kababaihan sa Pilipinas'.

Nabili ko ang aklat ng mga tula ni Lualhati Bautista sa booth ng Anvil Publishing sa ikalawang araw ng Philippine Book Festival 2025 sa halagang P450.00. At nabili ko naman sa booth ng UST Publishing House sa ikaapat at huling araw ng nasabing festival ang aklat na Lualhati Bautista Nobelista sa halagang P260.00.

Laking kagalakan para sa akin ang magkaroon ng dalawang aklat pagkat bihira ang ganitong aklat sa maraming book store sa Kalakhang Maynila. Kailangan pa talagang sadyain ang mga ito sa tagapaglathala kung alam mong meron nito. Subalit ako'y walang alam na may ganitong aklat, kaya buti't nakapunta sa nasabing Book Festival.

Ang aklat na Alitaptap sa Gabing Madilim (koleksyon ng mga tula) ni Lualhati Bautista ay naglalaman ng labing-apat na katipunan (hindi kabanata) ng mga tula. May sukat itong 5.5" x 7.5", may kapal na 3/4", at binubuo ng 258 pahina (kung saan 18 pahina ang nasa Roman numeral).

Ayon sa Paunang Salita ni Bautista, noong panahon ng lockdown nang naisipan niyang tipunin ang kanyang mga naipong tula. At ang kinalabasan nga ay ang nasabing aklat. Hindi lamang nasa wikang Filipino ang kanyang tula, marami rin siyang tulang sinulat sa wikang Ingles. Oo, marami.

Ang aklat namang Lualhati Bautista Nobelista ay naglalaman ng pitong kabanata, bukod sa Pagkilala at Pasasalamat, Introduksyon at Pangwakas na Pananalita. May sukat itong 6" x 9", may kapal na 5/8", at binubuo ng 276 pahina (kung saan 14 na pahina ang nasa Roman numeral).

Ang pitong kabanata ay ang mga sumusunod.
I. 'Gapo
II. Dekada '70
III. Bata, Bata... Pa'no Ka Ginawa
IV. Desaparesidos
V. Bulaklak sa City Jail
VI. Sixty in the City
VII. In Sisterhood - Lea at Lualhati, at Sonata

Matagal ko ring babasahin ang dalawang aklat, subalit inuna ko munang basahin, na palagi kong ginagawa, ang Paunang Salita o Introduksyon, dahil mananamnam mo roon ang buod ng buong aklat.

Ang pagninilay ko'y idinaan ko sa munting tula:

LUALHATI 

kilalang nobelista si Lualhati Bautista
may libro nga sa kanya sa pagiging nobelista
ngayon ko lang nalaman na siya pala'y makatâ
nang koleksyon ng kanyang mga tula'y nalathalâ

siya nga'y muog na sa panitikang Pilipino
lalo't wikang ginamit niya'y wikang Filipino
kanyang mga nobela'y umugit sa kaisipan
ng mga henerasyong sa diktadura'y lumaban

naging tinig ng mga api, mga walang boses
naging behikulo ng pagtitimpi't pagtitiis
kaloob-looban ng bayan ay kanyang inalog
hanggang masa'y magising sa mahabang pagkatulog

daghang salamat, Lualhati Bautista, babae
taaskamaong pagpupugay, isa kang bayani

03.19.2025

Suhol

SUHOL

talamak na ang katiwalian
dito sa ating pamahalaan
mga nahahalal ba'y kawatan?
aba'y kawawa naman ang bayan!

under the table, tong, lagay, suhol, 
padulas, regalo, tongpats, kuhol
na trapong pera-pera, masahol
na sistemang tila walang tutol

kailan titigil ang tiwali
kailan itatama ang mali
hindi ba't bayan ang dito'y lugi
sa galawang talagang masidhi

bakit ang bayan ay nakakahon
sa mga tagong gawaing iyon
dapat wakasan na ang korapsyon!
paano? sinong may ganyang misyon?

- gregoriovbituinjr.
03.19.2025

* larawan mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Marso 12, 2025, p.5

Martes, Marso 18, 2025

Antok na rin ako tulad ni alaga

ANTOK NA RIN AKO TULAD NI ALAGA

antok na rin ako / tulad ni alaga
gabi na't pikit na / itong iwing diwa
naghihikab kaya / sa katre'y humiga
katawang pagod ko'y / ipahingang sadya

habang si alaga / ay pabiling-biling
sa higaan niya'y / doon na humimbing
ako'y antok ngunit / narito pang gising
nag-aalagata / ng mga pasaring

ako'y bagong kain / mahirap matulog
baka bangungutin, / utak ay maalog
habang nangangarap / pa rin ng kaytayog
buti si alaga't / agad nakatulog

mata ko'y pinikit / upang makaidlip
panay ang hikab ko't / di makapag-isip
marami mang isyu / yaong nalilirip
habang si alaga / ay nananaginip

- gregoriovbituinjr.
03.18.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/1KDw5Y3H4a/ 

Ang librong di ko nabili

ANG LIBRONG DI KO NABILI

may libro rin akong di nabili
doon sa Philippine Book Festival
subalit ako'y interesante
sa environmentalist na Rizal

anong mahal ng nasabing aklat
halaga'y eight hundred fifty pesos
ngunit nais ko iyong mabuklat
dagdag sa buhay niya'y matalos

baka mayroong bagong saliksik
na makakatulong sa kampanya
upang luntiang binhi'y ihasik
at pangalagaan ang planeta

wala raw sa ibang bookstore iyon
sa St. Bernadette Publishing House lang
na siyang tagalathala niyon
librong dapat ko lang pag-ipunan

nagkulang kasi ang aking badyet
upang bilhin ang nasabing libro
aral sa librong iyon ay target
nang makatulong pa sa bayan ko

- gregoriovbituinjr.
03.18.2025

* naganap ang Philippine Book Festival noong Marso 13-16, 2025 sa SM Megamall

Si Nadine Lustre para sa planeta

SI NADINE LUSTRE PARA SA PLANETA

ambassadress pala ang artistang si Nadine 
Lustre ng campaign na Save the Planet, Go Vegan
matibay na dedikasyong dapat purihin
nagpintura pa ng Mother Earth sa katawan

sa isang photoshoot noong Lunes sa Pasig 
na vegan lifestyle campaign ang isinusulong
di lang diet kundi sa produktong tangkilik
sa kampanyang ito'y kaylaki niyang tulong

nagbukas ng vegan restaurant sa Siargao
sapagkat nang minsang sa Palawan mapunta 
ay nasubukang kumain ng pulos gulay
kay Nadine nga ako'y nagpupugay talaga

kampanya niyang ito'y sa tulong ng grupong
People for the Ethical Treatment of Animals
o PETA kaya tayo'y nakakasigurong
gawaing ito'y kampanyang dapat itanghal

- gregoriovbituinjr.
03.18.2025

* tula ay batay sa ulat sa pahayagang Pang-Masa, Marso 18, 2025, p.5

Magsulat ng anuman

MAGSULAT NG ANUMAN

walong ulit na "Write something" ang nakatatak
sa telang bag mula Philippine Book Festival
ay, kayraming paksang naglalaro sa utak
na nais isulat, di man magbigay-aral

samutsaring tula, kwento't pala-palagay
hinggil sa pang-aapi't pagsasamantala
sa madla na kaban ng bayan pala'y pakay
ng bundat na dinastiya't oligarkiya

silang nagtatamasa sa lakas-paggawa
ng manggagawang hirap pa rin hanggang ngayon
silang dahilan ng demolisyon sa dukha
sanhi rin ng salot na kontraktwalisasyon

ay, kayrami kong talagang maisusulat
upang sa masang api ay makapagmulat

- gregoriovbituinjr.
03.18.2025

* naganap ang Philippines Book Festival mula Marso 13-16, 2025

Lunes, Marso 17, 2025

Edad 7 at 10, ginahasa sa magkaibang lalawigan

EDAD 7 AT 10, GINAHASA SA MAGKAIBANG LALAWIGAN

pitong anyos na batang babae yaong hinalay
saka pinagsasaksak pa ng gwardyang desperado
na kinalasan daw ng kinakasama, kaylumbay!
ngunit bakit ang bata ang pinagbalingan nito?

sampung anyos namang batang babae'y ginahasa
ng isang suspek na pumalo sa ulo ng paslit
biktima'y natagpuang walang saplot sa ibaba
may mga sugat pa sa ulo, ay, nakagagalit!

una'y sa Butuan, Agusan del Norte naganap
isa'y sa Lupi, Camarines Sur naman nangyari
winalang halaga ang mga batang may pangarap
iyang mga suspek kaya ngayon ay nagsisisi?

nawa'y makamit ng mga bata ang katarungan!
sana mga suspek ay makalabosong tuluyan!

- gregoriovbituinjr.
03.17.2025

* ulat ng Marso 17, 2025 sa pahayagang Pilipino Star Ngayon at Bulgar

Kaygandang musika sa kampanya

KAYGANDANG MUSIKA SA KAMPANYA

habang sakay ng trak sa kampanya
dinig ko ang kaygandang musika
nag-aalab ang pakikibaka
upang hustisya'y kamtin ng masa

laban sa kuhila't mapang-api
laban sa oligarkiyang imbi
dinggin ang musika't sinasabi
sa Senado'y mayroong kakampi

sina Ka Leody't Attorney Luke
mga lider-manggagawang subok
sa Senado ay ating iluklok
upang palitan ang trapong bugok

Ka Leody at Luke Espiritu
magagaling na lider-obrero
kakampi ng masa sa Senado
kaya sila ay ating iboto

- gregoriovbituinjr.
03.17.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://web.facebook.com/share/v/19PFaTv1s4/ 
#21 Leody de Guzman
#25 Luke Espiritu

Dalawang libreng libro mula National Museum of the Philippines

DALAWANG LIBRENG LIBRO MULA NATIONAL MUSEUM OF THE PHILIPPINES
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa unang araw pa lang ng Philippine Book Festival ay napagawi na ako sa booth ng National Museum of the Philippines. Tiningnan ko ang limang aklat na naroroon. Nakita ko ang hinggil sa Baybayin, na antigong panulat ng ating mga ninuno. Nais ko iyong bilhin.

Subalit sinabi sa akin ng babaeng naroon na libre lang nilang ibibigay ang dalawang aklat na magustuhan ko basta ipakita ko lang na nag-like ako sa facebook page ng National Museum of the Philippines. Ni-like ko naman at ipinakita sa kanila, at naglista ako ng pangalan at tsinekan ang mga nakuha kong libro. Kaya pala libre, nakalimbag sa kanang ibaba ng pabalat ang mga katagang "Not for Sale."

Ang dalawang aklat ay ang Baybayin: Mga Sinauna at Tradisyunal na Panulat sa Pilipinas (Ancient and Traditional Scripts in the Philippines), at ang Breaking Barriers ni Virginia Ty-Navarro. Talagang pinili ko ang Baybayin dahil iyon sana ang aking bibilhin, subalit libre pala. Ang kapartner na Baybayin, ayon sa staff ng museo, ay ang Breaking Barriers, kaya tanggapin na lang, kahit may isa pang aklat na mas gusto ko sanang makuha at mabasa, ang The Basi Revolt. Marahil dahil di pa ako gaanong interesado sa biswal kundi sa mga teksto, tulad ng mga tula, kwento, at sanaysay hinggil sa pulitika at kasaysayan.

Dalawang historical na babasahin sana, ang una'y Baybayin, at ikalawa'y The Basi Revolt. Ang Breaking Barriers naman ay pawang mga painting ni Navarro. Mga pamagat na pulos titik B - Baybayin, Breaking Barriers, at Basi.

Ang aklat na Baybayin ay may sukat na 8" x 11.5" at naglalaman ng 100 pahina (kung saan 8 pahina ang naka-Roman numeral), habang ang Breaking Barriers ay may sukat na  8 1/4" x 7 1/2" at 80 pahina (na 3 pahina ang walang nakalagay na bilang, at nagsimula ang pahina 1 sa kaliwa imbes na sa nakagawiang kanan).

Isa kong proyekto ang pagsusulat ng mga tulang nasa Baybayin, kaya interesado ako sa nasabing aklat.

Nakapaglibot pa ako sa mga sumunod na araw nang magbukas ako ng aking tibuyo o alkansya upang makabili ng mga gusto kong basahing aklat. Ang apat na araw ng Philippine Book Festival ay naganap noong Marso 13-16, 2025 sa Megatrade Hall, SM Megamall sa Lungsod ng Mandaluyong.

SALAMAT SA PAMBANSANG MUSEO

salamat sa dalawang libreng aklat na binigay
sa may booth ng National Museum of the Philippines
mga libro'y may 'Not for Sale' pang istiker na taglay
talagang pinili ko roon ang librong Baybayin

tungkol naman sa painting ang Breaking Barriers na aklat
na kapartner ng Baybayin, ayon sa istaf doon
nais ko sana'y ang The Basi Revolt ang mabuklat
subalit di ako nabigyan ng pagkakataon

maraming salamat pa rin sa Pambansang Museo
buti't natsambahan kong magtungo sa kanilang booth
sa Philippine Book Festival, kaygaganda ng libro
upang mga katanungan sa isip ko'y masagot

sa Pambansang Museo, taos kong pasasalamat
mabuti na lamang, kayo'y nakadaupang palad
asahan n'yo pong suporta ko'y aking isusulat
para sa kasaysayan, sa kapwa, at sa pag-unlad

03.17.2025