Sabado, Hulyo 30, 2011

Panaghoy ng Punungkahoy


PANAGHOY NG PUNUNGKAHOY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

minsang kaylakas ng ihip ng hangin
habang mag-isa akong naninimdim
ang langit ay sinapol ko ng tingin
ang tanghaling tapat biglang nagdilim

hanggang marinig ko'y isang panaghoy
na tulad ng isang batang palaboy
pinakinggan ko yaong nginunguyngoy
nanaghoy pala'y isang punungkahoy

di na sumisilong ang mga ibon
pagkat lagas ang kanyang mga dahon
pinagpuputol pa ng mga maton
ang kanyang sanga't ginawang panggatong

panaghoy niya'y aking pinakinggan:
"mga bunga ko kahit bubot pa lang
pinipitas na't pinagtutubuan
imbes ito'y pahinuging tuluyan"

"kapatid na puno'y pinagsisibak
kita mong balat nila'y nagnanaknak
kalbo ng kagubatan ay kaylawak
sadya bang tao'y ganito ang balak"

"kaming puno'y marunong ding manimdim
galit namin sa tao'y kinikimkim
ni hindi man lamang sila magtanim
ng bagong punong ang handog ay lilim"

"kami'y inyong proteksyon sa pagbaha
na sumisipsip ng tubig sa lupa
kakampi nyo sa tag-araw at sigwa
kaya simulan nyo na ang magpunla"

"paghandaan ang anumang delubyo
mga puno'y agad itanim ninyo
nang may pananggalang kayo sa bagyo
sana, pakinggan nyo ang aking samo"

Biyernes, Hulyo 29, 2011

Kapareho, kapareha

KAPAREHO, KAPAREHA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

dapat bang kapareho mo ang iyong kapareha?
dapat ba kung anong gusto mo'y gustuhin din niya?
at paano naman kung kayo'y sadyang magkaiba?
magtatagal naman kaya ang inyong pagsasama?

Miyerkules, Hulyo 27, 2011

Matira ang Matibay

MATIRA ANG MATIBAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

tuloy ang laban hanggang sa tagumpay
halina't makibaka tayong tunay
walang atrasan, matira'y matibay
di pa panahong tayo'y magsihimlay

iyang paglalaylo'y di nga masama
ngunit bakit ba init mo'y humupa
ayaw nang kumilos para sa dukha
mas nais nang sa isyu'y tumunganga

bakit tumigil sa pakikibaka
para atupagin na'y ang pamilya
di ba't babaguhin nati'y sistema
nang mawala ang pagsasamantala

nawala ka, narito pa rin kami
nag-oorganisa't nagpaparami
di maglalaylo't dito na pipirmi
nagbago ka man, narito pa kami

matira matibay, walang iwanan
kung bala'y katumbas ng katapatan
prinsipyo'y tangan hanggang kamatayan
bangkay ko ma'y itapon sa kangkungan

dahil naniniwala akong tama
ang prinsipyong yakap ko't inadhika
pinatibay nito ang aking diwa
tangan ito kahit ako'y mawala

Martes, Hulyo 26, 2011

Sa Pagkatha Ko ng Tula

SA PAGKATHA KO NG TULA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

sari-sari na'y aking tinula
prinsipyo, diwa, buhay ng dukha
paglarawan ng buhay ng madla
paglaban ng uring manggagawa

may maningning, may malagim
may masaya'y nakaririmarim
tula ko'y tanglaw sa iyong dilim
sa init mo'y nagbibigay lilim

may tulang minsan iniiyakan
may tulang natatawa ka na lang
may tulang dama'y kaibuturan
may tulang wala ring katuturan

may tulang sadyang pinantututok
nanunuligsa ng nasa tuktok
nang-uupak ng sa tubo'y hayok
nambabanat sa sistemang bulok

ah, sadyang mahirap ding kumatha
minsan ang tinta'y pinababaha
sa papel ito'y pinaluluha
hanggang agos ng diwa'y humupa

tula'y pinagagapang sa lusak
haraya'y gulok na nakatarak
bawat taludtod ay nagnanaknak
hanggang diwa'y tuluyang manganak

Lunes, Hulyo 25, 2011

Tumula Ako ng Sari-Sari

TUMULA AKO NG SARI-SARI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

may tula akong isyu'y pambata
may tula rin akong pangmatanda
may tulang pandukha't manggagawa
may tulang ang adhika'y paglaya

may tulang sa ulap naglimayon
may tulang sa tubo'y nagugumon
may tulang larawan ng pagbangon
may tulang sigaw ay rebolusyon

may tulang humihibik ng luha
may tulang sangkahig at santuka
may tulang pagbabago'y adhika
may tulang sosyalismo ang diwa

tumula ako ng sari-sari
para pagkaisahin ang uri
para di mayurakan ang puri
para durugin ang naghahari

Miyerkules, Hulyo 20, 2011

Sistemang kristal

SISTEMANG KRISTAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

taas-noo akong may lungkot yaring puso
uring manggagawa hanggang ngayon ay bigo
kailan ba sa kanilang puso'y titimo?
na ang lipunan nila'y dapat nang mabuo

suntok sa buwan bang kanilang pangarapin
na bulok na sistema'y tuluyang baguhin
hindi ba'y kaygandang adhika't simulain
na sila ang manguna upang ito'y  gawin

nakatindig akong ang puso'y hinihiwa
sapagkat kayrami ng napapariwara
buhay ay winawasak ng pagdaralita
ngunit wala pang magawa ang manggagawa

paano tayo titindig ng taas-noo?
kung di nagkakaisa ang uring obrero
kung puso nila'y nakatuon sa trabaho
imbes na ipalaganap ang sosyalismo

sa nangyayari ba'y magkikibit-balikat
habang puso ng sambayanan ay may pilat
lagi na lang bang lipunang ito'y maalat
gayong babasaging sistema na'y may lamat

sistemang kristal na iniingatang lubos
ng isang uring tunay ngang mapambusabos
walang pakialam sa dukhang laging kapos
sagot ba'y paano ng dukha matatalos?

sa mga obrero'y kumakatok ang lambing
ng asam na sahod, baryang kumakalansing
diwa ba nila bilang uri'y magigising?
sistemang bulok ba'y kailan dudurugin?

uring manggagawa'y hukbong mapagpalaya
sila ang babago sa sistemang kuhila
ngunit hanggang kailan sila tutunganga?
pag pilantod na sila't wala nang magawa?

Nagkataon lang itim ang kulay ng pusa

NAGKATAON LANG ITIM ANG KULAY NG PUSA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

paano naging malas ang pusang itim na iyan?
gayong siya'y isinilang na ang kulay na'y ganyan
hindi ba't kaitiman niya'y nagkataon lamang?
oo nga't itim siya, dapat na bang katakutan?

marami namang pusang naaalagaang tunay
ngunit kaibahan niya'y itim ang kanyang kulay
kulay lang ito, paano naging nakamamatay?
paano kung itim ay tao, ah, tayo'y magnilay

pusang itim ba sa kapalaran mo'y mapagpasya?
o siya'y tandang mag-ingat ka't baka masakuna?
na para bang kung saan ay biglang lilitaw siya?
at sa bantang panganib ay paalalahanan ka?

pinalaki ba tayong masama ang kulay itim?
ang maputi'y maganda na't ang itim na'y malagim?
bakit kayraming mapuputing sa yaman ay sakim?
bakit may tisay na ugali'y nakaririmarim?

hindi porke't kulay itim, sa sama na ang tungo
dahil maraming maitim na busilak ang puso
maganda rin ang itim lalo't buhok mo'y ginugo
huwag lang sanang itim ang mga buto mo't dugo

pusang itim nga ba o pusong itim yaong malas
pusong itim na taksil sa kapwa, tulad ni Hudas
ang pusong sa karapatan ng kapwa'y umuutas
sakim, sukab, lilo, tiwali, mga talipandas

Martes, Hulyo 19, 2011

Pakikipagtalastasan kay Kasamang Lenin - salin ng tula ni V. Mayakovsky

PAKIKIPAGTALASTASAN KAY KASAMANG LENIN (1929)
Tula ni Vladimir Mayakovsky
Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.

Pinaghalawan: Panitikang Ruso ng ika-20 Siglo

Sa pag-inog ng mga pangyayari,
                  na tambak ng sangkaterbang gawain,
unti-unting lumulubog ang araw
                    habang palubog na rin ang anino ng gabi.
May dalawang tao sa silid:
                          ako
                          at si Lenin -
isang larawan
            sa kaputian ng dingding.

Sumirit pataas ang pinaggapasan
                        sa ibabaw ng kanyang labì
habang namutawi ang talumpati
            sa kanyang bibig.
                                Ang malalang
gatla sa kanilang noo
              ay may diwang
                          mahigpit nilang tangan,
ang noo nilang napakalapad
             ay tinutumbasan ng napakalawak nilang diwa.
Isang gubat ng mga bandila,
               singkapal ng damo ang nakataas nilang kamay...
Libu-libo ang nagmamartsa
                      sa ilalim niya...
                                   Nakalulan,
nag-aalab sa ligaya,
                bumangon ako mula sa aking kinalalagyan,
upang makita lamang siya,
               papurihan siya,
                       mag-ulat sa kanya!
“Kasamang Lenin,
               ako'y nag-uulat sa iyo -
(di dahil dikta ng opisina,
                     ang puso’y nadidiktahang mag-isa)

Ang napakatinding gawaing itong
               dapat nating gampanan

ay dapat magawa
           at ginagawa na.
Pinakakain namin at dinadamitan
                      at binibigyang-liwanag ang nangangailangan,

ang mga kota
         para sa uling
                 at para sa bakal
                            ay nagampanan,
ngunit mayroong itong
           di madalumat
                     na pagdurugo
marumi
    at walang saysay
                pa rin sa ating paligid.

Kung wala ka,
           napakarami
                      ang hindi na napanghawakan,

ang isa’y natulak
              ng mga pag-aaway
                                 at pagbabangayan.
Maraming mga
           taong hamak
                    na nasa ating mga lupain,

nasa labas ng hangganan
                  at narito rin
                          sa loob.

Subukan mong
     bilangin sila
              at
                 italâ sila -
                          wala yaong paroroonan,

naroon ang lahat ng tipo,
                at sila’y
                            singkapal ng kulitis:
ang mga panggitnang magsasaka,
      ang mga may disiplinang bakal,
                at,
                    sa baba ng hanay,
ang mga lasenggo,
         ang mga sektaryan,
                   ang mga sipsip.
Gumigiri-giri sila sa paligid
                 nagmamalaking
                        tulad ng pabo,
ang mga tsapa at pluma’y
                        nagkalat sa kanilang dibdib.
Gagapiin natin ang karamihan sa kanila -
                         ngunit
                            ang sila’y gapiin
ay di madaling gawin
             sa pinakainaman nito.
Sa mga lupaing nagyeyelo
                     at sa mga pinaggapasang palayan,
sa mga plantang mauusok
              at sa mga pabrika,
narito ka sa aming puso,
                     Kasamang  Lenin,
                                    kami'y nagtatatag,
kami'y nag-iisip,
          kami'y humihinga,
                  kami'y nabubuhay,
                          at kami'y lumalaban!”
Sa pag-inog ng mga pangyayari,
                  na tambak ng sangkaterbang gawain,
unti-unting lumulubog ang araw
                    habang palubog na rin ang anino ng gabi.
May dalawang tao sa silid:
                          ako
                          at si Lenin -
isang larawan
            sa kaputian ng dingding.
-
-
-
-

Conversation with Comrade Lenin (1929)
Poem by Vladimir Mayakovsky

Source: 20th Century Russian Literature.

Awhirl with events,
                  packed with jobs one too many,
the day slowly sinks
                   as the night shadows fall.
There are two in the room:
                          I
                           and Lenin-
a photograph
            on the whiteness of wall.

The stubble slides upward
                        above his lip
as his mouth
            jerks open in speech.
                                The  tense
creases of brow
              hold thought
                          in their grip,
immense brow
             matched by thought immense.
A forest of flags,
               raised-up hands thick as grass...
Thousands are marching
                      beneath him...
                                   Transported,
alight with joy,
                I rise from my place,
eager to see him,
               hail him,
                       report to him!
“Comrade  Lenin,
               I report to you -
(not a dictate of office,
                     the heart’s prompting alone)

This hellish work
                that we’re out to do

will be done
           and  is already being done.
We  feed and we clothe
                      and give light to the needy,

the quotas
         for coal
                 and for iron
                            fulfill,
but there is
           any amount
                     of bleeding
muck
    and  rubbish
                around  us still.

Without you,
           there’s many
                      have got out of hand,

all the sparring
             and  squabbling
                                 does one in.
There’s scum
           in plenty
                    hounding our land,

outside the borders
                  and  also
                          within.

Try to
     count ’em
              and
                 tab ’em -
                          it’s no go,

there’s all kinds,
                and  they’re
                            thick as nettles:
kulaks,
      red tapists,
                and,
                    down the row,
drunkards,
         sectarians,
                   lickspittles.
They strut around
                 proudly
                        as peacocks,
badges and fountain pens
                        studding their chests.
We’ll lick the lot of ’em-
                         but
                            to lick ’em
is no easy job
             at the very best.
On snow-covered lands
                     and on stubbly fields,
in smoky plants
              and on factory sites,
with you in our hearts,
                     Comrade  Lenin,
                                    we  build,
we  think,
          we breathe,
                  we  live,
                          and we fight!”
Awhirl with events,
                  packed with jobs one too many,
the day slowly sinks
                    as the night shadows fall.
There are two in the room:
                          I
                          and Lenin -
a photograph
            on the whiteness of wall.

Lunes, Hulyo 18, 2011

Ang Kaibigang Liha


ANG KAIBIGANG LIHA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

kung lagi ka nang sinisiraan
ng itinuring mong kaibigan
isipin mong siya'y liha lamang
sinasaktan ka't sinusugatan
bandang huli'y kaykinis mo naman
niliha kang kakintab-kintaban
habang sila'y itatapon na lang
diretso nila'y sa basurahan

Linggo, Hulyo 17, 2011

Dumi ba ang mapagpasya?

DUMI BA ANG MAPAGPASYA?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

bawal daw magwalis sa gabi, anang isang lola
swerte'y tatanggalin mo raw kaya mamalasin ka
iyan ang pamahiin ng matatanda noon pa
ganoon lang, walang paliwanag, sundin lang sila

sadyang nakapagtataka, matatanggal ang swerte?
gayong nais mo lang linisan ang kwarto sa gabi
mapagpasya na ba sa kapalaran mo ang dumi?
kung suswertehin ka'y dumi na ba ang magsasabi?

halina't mag-ipon ng dumi, ito'y kayamanan
alikabok at agiw pala'y pagkakaperahan
dumi na ang mapagpasya sa ating kapalaran
magwalis sa gabi't swerte'y mawawalang tuluyan

ops, huwag iasa sa dumi ang kapalaran mo
kundi sa sipag sa buhay at maganda mong plano
di dumi ang mapagpasya sa atin kundi tayo
magwalis sa gabi kung nais luminis ang kwarto

Sabado, Hulyo 16, 2011

KPML, Sosyalista

KPML, SOSYALISTA
(Para sa Ika-4 na Pambansang Kongreso ng KPML, Hulyo 16, 2011)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
16 pantig bawat taludtod

Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod
Sosyalismo'y patuloy n'yong ipaglaban, itaguyod
Maralita'y kayrami kaya magpatuloy maglingkod
Sa sistemang bulok di tayo dapat magpatianod

Magpatuloy sa pakikibaka hanggang magtagumpay
Ipaglaban ang karapatan sa pagkain, pabahay,
Panlipunang serbisyo't ibagsak ang sistemang sinsay
Habang tangan ang diwang bawat isa'y magkaagapay

Di tayo titigil hangga't sistema'y di nagbabago
Di tayo titiklop sinuman ang makabangga dito
Wala sa bukabularyo natin ang salitang "lie-low"
Pgkat inukit na sa bungo natin ang "sosyalismo"

Miyerkules, Hulyo 13, 2011

Paglingkuran ang Uri

PAGLINGKURAN ANG URI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

mapapaglingkuran natin ang ating uri
kung mawawasak ang pribadong pag-aari
nitong gamit sa produksyong mapang-aglahi
sa kapwa, manggagawa, maralita't lipi

pribadong pag-aari'y dahilan ng hirap
ng sambayanang ginhawa ang hinahanap
na di masumpungan kahit man sa hinagap
aring pribadong kinamkam ng mga "corrupt"

kaya halina't wasakin nating tuluyan
ang dahilan ng ating mga kahirapan
paraiso'y itayo sa sandaigdigan
kung saan walang pag-aari ang gahaman

mga obrero't dukha'y iisa ang uri
magkaisang labanan ang mapang-aglahi
nang sa gayon, maitaas natin ang puri
dangal at pagkatao niring kapwa't lipi

Martes, Hulyo 12, 2011

Ang Madasaling Bise

ANG MADASALING BISE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

nagdarasal nga bang lagi ang bise
na pangulo niya'y maaksidente?
na sana ito'y tuluyang madale
nang mapalitan na ang presidente?

ano nga ba yaong papel ng bise?
maghintay mamatay ng presidente?
wala na ba siyang ibang diskarte?
kaysa hintaying pangulo'y madale?

dapat palawakin pa ang tungkulin
ng bise nang di maging madalasin
na pagkawala ng puno'y asamin
na siya ang tiyak na bubungahin

tungkulin ng biseng siya'y papalit
pag pangulo niya'y nawalang pilit
ngunit kung dasal niya'y hanggang langit
ang asal na ito'y sadyang kaypangit

kung bise'y nagbi-busy-busy-han lang
at wala namang pinamumunuan
walang kwenta ang kanyang katungkulang
tagahintay na pangulo'y palitan

ang tungkulin ng bise'y palaparin
mga gawain niya'y palawakin
sa masa siya muna'y paglingkurin
kung pamumuno'y kanyang kakayanin

Sabado, Hulyo 9, 2011

Sa Tanggapan nina Ka Enteng

SA TANGGAPAN NINA KA ENTENG
(sa pagdalaw sa Brgy. Hall ng Bagong Silang sa Caloocan, 070911)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

minsan ako'y naligaw sa tanggapan ni Ka Enteng
kasama niya si Cynthia sa tanggapang kaylamig
napakasisipag nilang gampanan ang tungkulin
kaya masa'y natuwa't sila'y naging kapanalig

ang karaingan ng masa'y pinakikinggan nila
kahit sila'y naroon sa kanilang opisina
buhay na buhay ang diwang paglingkuran ang masa
sila'y totoong prinsipyado dahil aktibista

pakamot-kamot, pasulat-sulat, papirma-pirma
sadyang mahirap din yaong buhay sa opisina
tali sa walong oras, Sabado man may pasok pa
nasa opisina man, nakakapag-organisa

dalawang kasama namin ay ganyan kagigiting
ito lang ang sa kanila'y paalala ko't bilin
panghawakan nang mahigpit ang prinsipyo't tungkulin
upang di kainin ng sistema sina Ka Enteng

Biyernes, Hulyo 8, 2011

Mabuhay ka, Ka Romy!


MABUHAY KA, KA ROMY!
(sa paglaya ni Ka Romy Castillo, bise-presidente
ng Partido Lakas ng Masa, sa kulungan ng Malaysia)
15 pantig bawat taludtod

sa iyong paglaya mula sa piitang dayuhan
taas-noo kaming bumabati ng kalayaan
ang karanasan mo doon ay di matatawaran
sa harap ng suliranin, ikaw ay nanindigan

mabuting halimbawa ang iyong ipinakita
ang tatag mo'y inspirasyon sa mga aktibista
ehemplo ka mula sa Partido Lakas ng Masa
pagkat pinakita mo'y matatag ang sosyalista

sa loob ng piitan, prinsipyo'y di tinalikdan
sa harap ng problema, pinakita'y katatagan
di nagpasindak, sangkaterba man ang katanungan
di sinagilahan ng takot sa harap ninuman

kahit may panganib, prinsipyo'y di isinantabi
pinakitang sosyalista'y totoong nagsisilbi
mga tulad mong prinsipyado'y dapat pang dumami
kaya mabuhay ka! ituloy ang laban, Ka Romy!

Huwebes, Hulyo 7, 2011

Ang CSC (Criticism and Self-Criticism)

ANG CSC (Criticism and Self-Criticism)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

minsan ay nagkausap ang mga magkakasama
hinggil sa mga tungkuling naatang sa kanila
sa isang pulong ang paksa'y puna sa bawat isa
nagawa ba ang plano't masa ba'y naorganisa?

ang mga tungkuling yaon ba'y kanilang nagawa?
ang mga tungkulin ba nila'y kanilang ginawa?
mga nagawa ba nila'y tagumpay o masama?
problema ba'y natasa, o bakit kaya lumala?

sa pagpuna sa kasama't sa kanilang sarili
sa asal ng bawat isa, sila'y nakaintindi
may seryoso, merong sa trabaho'y paisi-isi
at sa diwang kolektibismo sila'y nabighani

silang mga magkakasama'y nagkaunawaan
kaya panata ng kolektibo'y walang iwanan

Miyerkules, Hulyo 6, 2011

Simbigat ng Bundok, Singgaan ng Balahibo

SIMBIGAT NG BUNDOK
SINGGAAN NG BALAHIBO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

buhay ng isang aktibista'y may kabuluhan
kaysa isang pulos tubo ang nasa isipan
mabuting totoong maglingkod sa sambayanan
kaysa burgis, pasista't elitistang gahaman

ang maglingkod sa bayan ay simbigat ng bundok
pagkat ang binabago'y isang lipunang bulok
ibagsak ang mga nagpapasasa sa tuktok
at tanggalin ang mga nasa gobyerno'y bulok

yaong naglilingkod para sa kapitalismo
naglilingkod sa mapang-api't mga dorobo
kabuluhan nila'y singgaan ng balahibo
pagkat sa puso'y tubo, di pagkamakatao

pag-aralan natin at suriin ang lipunan
kongkretong suriin ang kongretong kalagayan
alamin kung bakit masa'y dapat paglingkuran
at dalhin sa katubusan nila't kalayaan

kaya pag ating kasama'y biglaang mamatay
sa laban o sakit, parangal yaong ibigay
pagkat sa pakikibaka'y kanya nang inalay
ang buong panahon, pawis, dugo niya't buhay

simbigat ng bundok, singgaan ng balahibo
magkaibang kamatayan ng dukha't dorobo
saludo tayo sa nagsakripisyong obrero
ngunit kapitalista'y dinuduraang todo