Sabado, Enero 28, 2012

Ang Tulay


ANG TULAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

noon, nagsisilbi akong tulay
ng kaibigang nais manligaw
may napupusuan siyang tunay
ang dilag na nais niya'y ikaw

masakit man, pinamigay kita
sa kaibigang iniibig ka
at ako sa iyo'y dumistansya
ako'y nagpakalayu-layo na

alang-alang sa kaibigan ko
na sa iyo nga'y nagkakagusto
ngunit anong nabalitaan ko
sa kanya ako'y hinahanap mo

mahal ka ng aking kaibigan
kaya siya'y aking tinulungan
ngayon, ramdam niya'y kabiguan
iba raw ang iyong nagustuhan

at nagkausap kitang dalawa
habang puso ko'y kakaba-kaba
napakaganda mo pa rin, sinta
tanong mo'y pinamigay ba kita

di ako nakahuma't bantulot
ang pagkawala mo'y aking lungkot
pinamigay ka'y di ko masagot
pagkat totoo kahit makirot

iyon ay para sa kaibigan
na nakiusap ikaw'y lapitan
ipakilala kitang mataman
pagkat kanya kang napupusuan

ngunit di mo pala siya ibig
at ito'y kaysarap sa pandinig
tanong ko: "sino ang iyong ibig?"
tugon mo: "ikaw!", ako'y natulig

masaya ako, agad dugtong mo:
"pamimigay mo ba uli ako?"
"hindi na, aking mahal!" tugon ko
"ikaw na'y akin, ako na'y iyo!"

Lunes, Enero 23, 2012

Muli, sa Sinisinta


MULI, SA SINISINTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

Jen, di lang sa ngiti mo ako nahahalina
di lang sa iyong mukhang kaysarap laging masdan
nais ko'y mismong ikaw, kabuuang kayganda
na aking ibinaon sa puso ko't isipan

adhika ko sa buhay ang makasama kita
sa hirap at ginhawa, sa payap't digmaan
di ko mapapangakong sa iyo'y ikwintas pa
yaong tala sa langit, pati araw at buwan

ang makakaya lamang na magawa ko, sinta
ay pagsisikapan kong ikaw'y pangalagaan
at ating bubuuin ay pamilyang kaysaya
sa gitna man ng krisis at laksang kahirapan

masaya ang puso kong makita kang masaya
walang kasingsaya kung tayo'y nag-iibigan
sa puso nati't isip, tayong dalawa'y isa
gagawin ko ang lahat tayo'y magdugtong lamang

magiging karugtong ka nitong aking bituka
ako nama'y durugtong sa iyong katauhan
magigi kang kabiyak ng bawat kong pag-asa
at damhin mo ang aking mga kapangahasan

Panata sa Uring Manggagawa


PANATA SA URING MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

(batay sa hiling ng isang kasama na gawan ko ng tula)

Batid ko ang hirap ng bawat manggagawa
Nilikha nila ang ekonomya ng bansa
Pagkain at produkto, silaang maylikha
Di mabubuhay ang mundo kung sila'y wala
Manggagawa, buod ka ng aking panata

Pagkakaisahin ko ang mga obrero
Habang tangan itong sosyalistang prinsipyo
Gagampanan ang pagiging selupturero
Ng mapang-aping sistemang kapitalismo
Ito nga, mga kapatid, ang panata ko

Di nararapat mabuhay sa dusa't luha
Ang manggagawang sinakbibi ng dalita
Silang tanging pag-aari'y lakas-paggawa
Na dapat magsamang putlin ang tanikala
Nang madurog ang kapitalismong kuhila

Sa lahat ng pinuno't kasaping obrero
Ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino
Durugin man ng kaaway ang aking buto
Pitpitin ang katawan, basagin ang ulo
Sosyalismo'y ipaglalaban hanggang dulo.

Huwebes, Enero 19, 2012

Mahal kong Jen


MAHAL KONG JEN
ni greg
11 pantig bawat taludtod

Jen, sana'y madala kita sa bahay
upang maipakilala kay nanay

ito ang hiling ng ina kong mahal
katuparang hinintay ng kaytagal

ayokong sa harap niya'y mapako
ang matagal ko nang ipinangako

ayoko nang tatanda't mamamatay
nang hindi kita nakasamang tunay

uuwi lang ako doon sa amin
ngunit uuwing kasama kita, Jen

Martes, Enero 17, 2012

Korte ni Noynoy at Gloria, Walang Pinag-iba


KORTE NI NOYNOY AT GLORIA, WALANG PINAG-IBA 
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ang pagtatalaga ng punong mahistrado
ay tanggalin dapat sa kamay ng pangulo
upang ang bayan ay di magkagulo-gulo
ang pagtatalagang ito'y dapat mabago

kay Noynoy man o Gloria ang Korte Suprema
tiyak namang dito'y wala silang pinag-iba
bangayan lamang ng kampong Noynoy at Gloria
bayan pa rin ay patuloy na nagdurusa

pare-pareho silang iisa ang uri
pag ang suspek ay mayaman, minamadali
pag dukha ang suspek, pakialamang dili
kinikililingan ang kalansing ng salapi

kaya sa Korte, palakad ay baguhin na
dukha man o mayaman, dapat ang pasiya
di batay sa inog ng sistema ng pera
di batay sa uri kundi sa ebidensya

kaya ang nagaganap na impeachment ngayon
ay isang telenobela lang sa maghapon
bangayan ng isang uri ang tagpo doon
di makabusog sa dukhang konti ang lamon

kaya lahat ng natalagang mahistrado
ay dapat nang umalis sa kanilang pwesto
upang bigyang daan ang repormang totoo
na magtatalaga'y tao, di ang pangulo

Lunes, Enero 16, 2012

Laya ng Kalapati

LAYA NG KALAPATI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

mga kalapati ba'y piniit sa hawla
o malaya rin sila sa tahanan nila

kalapati'y simbolo ng kapayapaan
kaya kayhirap kung sila'y nakakulong lang

pag may kasalan lang sila nakalalaya
o may panawagang mundo'y gawing payapa

ngunit ang simbolo'y di makapagprotesta
kahit paulit-ulit ipiit sa hawla

Sabado, Enero 14, 2012

Oda kay Aesop

ODA KAY AESOP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

habang binabasa ko ang mga pabula
sa maraming aral ako nga'y napapatda
pagkat si Aesop ay sadyang kahanga-hanga
sinaunang manunulat, paham ang akda

sinilang na may kapansanan sa pandinig
kuba, alipin, ngunit malamyos ang tinig
dahil kung hindi'y sino na ang makikinig
sa mga aral niyang alay sa daigdig

sa kanyang sipag ay pinalaya ng amo
hanggang maglakbay siyang paroo't parito
nakipagtalastasan sa maraming tao
dito lumabas ang pambihirang talino

palibhasa'y dating alipin nang isilang
kaya dama niya yaring pulso ng bayan
lalo't mga dukhang puspos karalitaan
kaya't inaapi nitong mga gahaman

nilikha ang pabula't sa tao'y kinwento
upang maling ugali'y mapuna't mawasto
ginamit ang hayop, pinagkunwaring tao
matabil, mabangis, nag-iisip, at tuso

mga hayop na bida'y sadyang kayrurunong
nariyan ang kwento ng langgam at tipaklong
pabula ng lobo't leyon, matsing at pagong
meron kayang kwento ng balyena't galunggong

nariyan ang pabula ng ubas at lobo
paligsahan nina kalabaw at kabayo
at sa ilog nalaglag ng aso ang buto
paano nakainom sa pitsel ang loro

tinipon mula sa panahong sinauna
nagpasalin-salin at sa mundo'y pamana
hanggang sa kasalukuyan ay mabisa pa
gintong aral sa mundo, sa kapwa't sa masa

mga pabula'y hibo ng katotohanan
kung anong nangyayari sa ating lipunan
mga pabula'y mahirap pabulaanan
pagkat salamin nitong ating kabihasnan

ang pabula ni Aesop ay libo nang taon
ngunit kailangan pa ito hanggang ngayon
ang mga walang buti'y baka magkaroon
at ang lipunang ito'y umigi paglaon

Huwag Mong Tuyain ang Tula sa Dukha

HUWAG MONG TUYAIN ANG TULA SA DUKHA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

may kakilalang akong panay ang dura
matapos niyang mabasa ang isang tula
kanyang binabasa raw ay di maunawa
pagkat masyado raw itong matalinghaga

"kung di mo maunawa'y bakit ka dumura?"
sa kanya'y tanong ko't tila ikinabigla
"buhay ng karaniwang tao iyang tula
at sa masa mula ang pananalinghaga"

"dumura ka dahil iyo ngang naunawa
ngunit di ka sang-ayon sa nariyang katha
tila turing mo sa masa'y sadyang kaybaba
at ang mga dukha'y iyo ngang tinutuya"

"huwag mong tuyain iyang tula sa dukha
na naglalarawan ng buhay-hampaslupa
tuyain mo'y iyang pulitikong kuhila
na siyang dahilan ng sistemang kaylala"

Huwebes, Enero 12, 2012

Organisahin ang mga Manggagawang Kontraktwal

ORGANISAHIN ANG MGA 
MANGGAGAWANG KONTRAKTWAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

yaong ihip ng hangin ay tuluyang nagbago
kaya ngingisi-ngisi na ang mangangalakal
hinabagat nang tuluyan ng kapitalismo
ang obrerong regular na ngayon na'y kontraktwal

ang regular na manggagawa'y naging kay-ilap
napatahimik ba ang dagat ng pag-uunyon?
pulos kontraktwal na ang sa pabrika'y laganap
sanlaksa sila ngayong patuloy sa pag-alon

kaylawak ng dagat ng manggagawang kontraktwal
habang sapa na lang ang manggagawang regular
nagtagumpay ang iskema ng mangangapital
regular na obrero'y nawalan na ng lugar

nanalo man ngayon ang mga kapitalista
ito sa obrero'y pansamantala lang naman
pagkat maaari rin nating maorganisa
ang manggagawang kontraktwal sa ating lipunan

humihila na tayo ng bayawak sa lungga
sa layon nati't tungkuling pag-oorganisa
kaunti na lang ang regular na manggagawa
dahil kontraktwal na ang mayorya sa kanila

limang buwang singkad, patuloy sa pagpapagal 
ang manggagawang iniiwas sa pag-uunyon
aba'y mulatin na sa uri silang kontraktwal
silang mga api'y dapat ding magrebolusyon

Lunes, Enero 9, 2012

Di ibig sabihin ng drug-free ay libre ang droga

DI IBIG SABIHIN NG DRUG-FREE AY LIBRE ANG DROGA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

di ibig sabihin ng drug-free ay libre ang droga
kundi walang mga drogang nagkalat sa kalsada
wala nang mga sugapang namumula ang mata
walang mga adik na dahilan ng luha’t dusa
walang suwail na nagpapadala sa problema

droga'y para sa may karamdaman, may dinaramdam
upang iniindang sakit ay tuluyang maparam
di para sa may kinabukasan pang inaasam
droga'y salot sa lipunan, dapat nating magunam
at sa mga nangyayari'y dapat tayong may alam

sugapa sa droga sa lipunan ay walang silbi
mga damong ligaw na sinisira ang sarili
mahal ang gamot lalo't dukha kang walang pambili
maging malusog tayo't sariwang hangin ay libre
kahit na di libre ang droga sa lipunang drug-free

Linggo, Enero 8, 2012

Pinaglaruan ng droga ang utak

PINAGLARUAN NG DROGA ANG UTAK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

tumikim siya ng droga, nagbabakasakali
upang problema niya'y mawala pansamantala
ngunit nang mahimasmasan, aba'y lalong sumidhi
mas sumamang lalo ang problema niya't panlasa

bakit hindi, sa droga, ginhawa'y panandalian
di nito malunasan ang kanyang pagkasiphayo
magulong isip, malalang problema't kalusugan
sagot sa problema'y nasaan, nakakatuliro

nananabik ang panga upang problema'y makatas
sa pag-asang maibsan ang nadaramang pasakit
ayaw nang damhin ang problemang tila walang lunas
kaya sa droga'y yumakap, kumapit nang mahigpit

upang paglaruan lang ng droga ang kanyang utak
drogang tila punyal na sa ulo niya'y tumarak

Huwebes, Enero 5, 2012

Annabel Lee

ANNABEL LEE
ni Edgar Allan Poe
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

It was many and many a year ago,
   In a kingdom by the sea,
That a maiden there lived whom you may know
   By the name of Annabel Lee;
And this maiden she lived with no other thought
   Than to love and be loved by me.

Ilang taon na yaong lumipad
sa isang kaharian sa dagat
may dalaga roong nananahan
at Annabel Lee ang kanyang ngalan
dalagang wala nang iniisip
kundi ibigi't aking mahalin.


I was a child and she was a child,
   In this kingdom by the sea,
But we loved with a love that was more than love—
   I and my Annabel Lee—
With a love that the wingèd seraphs of Heaven
   Coveted her and me.

Musmos ako at musmos din siya
sa kahariang ito sa dagat
nag-ibigan kaming lalo't higit
ako at ang aking Annabel Lee
na may pagsintang alay sa amin
ng may pakpak na anghel sa langit.


And this was the reason that, long ago,
   In this kingdom by the sea,
A wind blew out of a cloud, chilling
   My beautiful Annabel Lee;
So that her highborn kinsmen came
   And bore her away from me,
To shut her up in a sepulchre
   In this kingdom by the sea.

At ito ang sanhi noon pa man
sa kahariang ito sa dagat
umihip ang hanging nagpaginaw
sa marilag kong si Annabel Lee
kaya mga kamag-anak niya'y
pilit nilayo siya sa akin
nang mapipi siya sa sepulkro
sa kahariang ito sa dagat.


The angels, not half so happy in Heaven,
   Went envying her and me—
Yes!—that was the reason (as all men know,
   In this kingdom by the sea)
That the wind came out of the cloud by night,
   Chilling and killing my Annabel Lee.

Anghel na di gaanong masaya
ay nainggit sa aming dalawa
Oo, iya'y sanhi (madla'y alam
sa kahariang ito sa dagat)
gabi, hangi'y umihip, guminaw
at pumaslang sa'king Annabel Lee


But our love it was stronger by far than the love
   Of those who were older than we—
   Of many far wiser than we—
And neither the angels in Heaven above
   Nor the demons down under the sea
Can ever dissever my soul from the soul
   Of the beautiful Annabel Lee;

Ngunit pagsinta'y kaytinding higit
ng pagsinta ng mga matanda
at mauutak kaysa sa amin
maging mga anghel sa itaas
at demonyo sa laot ng dagat
ay di mapaglayo ang kalulwa
ko't ng maganda kong Annabel Lee


For the moon never beams, without bringing me dreams
   Of the beautiful Annabel Lee;
And the stars never rise, but I feel the bright eyes
   Of the beautiful Annabel Lee;
And so, all the night-tide, I lie down by the side
   Of my darling—my darling—my life and my bride,
   In her sepulchre there by the sea—
   In her tomb by the side of the sea.

Buwang di nikat, nang di nangarap
ng pagkarilag kongAnnabel Lee
Tala'y di nikat, linaw ng mata'y
dama ko sa aking Annabel Lee
at sa dilim, humimlay sa tabi
ng aking sinta, asawa't buhay
sa kanyang sepulkro sa may dagat
sa kanyang puntod sa tabing-dagat

Linggo, Enero 1, 2012

Dakilang Oktubre - salin ng tula ni Bertolt Brecht

Great October
Dakilang Oktubre

A poem by Bertolt Brecht
Tula ni Bertolt Brecht 
Salin ni Greg Bituin Jr.

For the Twentieth Anniversary of the October Revolution
Para sa Ikadalawampung Anibersaryo ng Rebolusyong Oktubre

O the great October of the working class!
At last stand upright those
So long bent down. O soldiers, who at last
Point their rifles in the right direction!
Those who tilled the land in spring
Did it not for themselves. In summer
They bent down lower still. Still the harvest
Went to the barns of the masters. But October
Saw the bread, at last, in the right hands!

O, ang dakilang Oktubre ng uring manggagawa!
Sa huling kapita-pitagang tindig ng mga
Matatagal nang nakayuko. O, mga kawal, na sa huling
Asinta ng kanilang mga riple sa tamang direksyon!
Yaong mga nagsaka ng lupa noong tagsibol
Ay ginawa iyon hindi para sa sarili. Noong tag-araw
Mas lalo silang yumuko. Gayunpaman ang mga inani'y
Napunta pa rin sa mga kamalig ng mga panginoon. Ngunit nakita
Ng Oktubre ang mga pagkain, sa wakas, sa tamang mga kamay!

            Since then
The world has hope.
The Welsh miner and the Manchurian coolie
And the Pennsylvanian worker, leading a life worse than a dog
And the German, my brother, who
Envies them all
Know, there is
An October.

Mula noon
Nagkapag-asa ang daigdig
Ang minerong taga-Wales at obrero mula Manchuria
At ang manggagawa sa Penmsylvannia, na namumuhay ng masahol pa sa aso
At ang Aleman, aking kapatid, na
Kinaiinggitan nitong lahat
Ay nalalamang, mayroon ngang
Oktubre.

Even the aeroplanes of the Fascists, which
Fly up attacking him, are seen
By the soldier of the Spanish militia therefore
With less anxiety.

Kahit na ang mga eroplano ng mga Pasista, na
Lumipad upang siya'y salakayin, ay nakita
Ng mga kawal ng milisyang Kastila gayunman
Ng di gaanong nababahala.

But in Moscow, the famous capital
Of all the workers
Moves over the Red Square yearly
The unending march of the victors.
They carry with them the emblems of their factories
Pictures of tractors and bales of wool of textile works.
Also the ears of corn of the grain factories.
Above them their fighter planes
Darken the sky and in front of them
Their regiments and tank squadrons.
On broad, cloth banners
They carry their slogans and
The portraits of their great teacher. The cloth
Is transparent, so that
All this can be seen on both sides.
Narrow, on thick sticks
Flutter the high flags. In the far off streets
When the march comes to a halt
There are lively dances and competitions. Full of joy
Progresses the march, many besides each other, full of joy
But to all oppressors
A Threat.

Ngunit sa Moscow, ang tanyag na kabisera
Ng lahat ng mga manggagawa
Ay taun-taong tumutungo sa Pulang Parisukat
Ang walang katapusang martsa ng mga nagwagi.
Tangan nila ang sagisag ng kanilang pabrika
Mga larawan ng traktora at bigkis ng mga hinabing lana.
Pati na puso ng mais sa mga pabrika ng butil.
Sa ibabaw nila'y ang kanilang eroplanong pandigma
Na nagpadilim sa kalangitan at sa harapan nila'y
Ang kanilang mga talupad at tangke armada.
Nakalantad ang kanilang mga bandilang tela
Habang tangan ang kani-kanilang panawagan at 
Ang larawan ng kanilang dakilang guro. Ang tela'y
Malinaw, upang 
Lahat ng ito'y kita sa lahat ng panig.
Makitid, sa makapal na patpat
Nagwawagayway ang matataas na bandila. Sa malayo
Habang tumigil sumandali ang martsa
May masisiglang sayawan at paligsahan. Puno ng kagalakan
Ngunit sa lahat ng mapagsamantala
Ito'y banta.

O the great October of the working class!

O, ang dakilang Oktubre ng uring manggagawa!