Linggo, Agosto 27, 2017

Dyenosidyo sa bayan ko

DYENOSIDYO SA BAYAN KO

libu-libo na ang pinaslang sa bayan ko
nakakapangamba na't isang dyenosidyo
pawang tilamsik ng dugo ang bumabagyo
sa masang dinaluhong ng utak-barbaro

dyenosidyo ba'y paano mapipigilan
lalo't mga tingga na ang pinapaulan
laksang dugo na'y pinabaha sa lansangan
di na rin iginagalang ang karapatan

pupulbusing matindi ang uring sugapa
sa droga't dugo'y lilipuling parang linta
ang pinadadaluyong na'y mapulang sigwa
tila baga lugar na ito'y isinumpa

sa dyenosidyong iyon sinong mananagot
sa dagat na pula ba'y makapapalaot
paano harapin ang mukhang nakamurot
kung hinarap ng namatayan ay hilakbot

- gregbituinjr.