Miyerkules, Agosto 16, 2017

Walang mabuting tanikala

WALANG MABUTING TANIKALA

walang mabuting tanikala
pagkat akibat nito'y sumpa
di wasto ang laging pagluha
buti pang gulok mo'y ihasa

walang mabuting tanikala
kung tulad mo'y inaalila
bawat tanikala'y masama
lalo't karapatan'y nawala

walang mabuting tanikala
kung ang turing sa dukha'y daga
dapat lumaban ang dalita
kumilos at di lang salita

ang tanikala'y tanikala
pakintabin man ng kuhila
dapat itong putuling sadya
kung ayaw mong nakakawawa

walang mabuting tanikala
maiging lumaban ka, dukha
kung nasa'y ganap na paglaya
mabuting walang tanikala

- gregbituinjr.