Martes, Agosto 1, 2017

Pagbati sa pagtatapos ng pamangkin

PAGBATI SA PAGTATAPOS NG PAMANGKIN

nailatag nang muli ang isang bagong umaga
dahil sa nakamit mong pagtatapos sa eskwela
sa iyong magulang isa kang tunay na biyaya
na dapat ipagmalaki ng bawat ama't ina

pagtatapos mo'y patunay nang tiyaga mo't sipag
upang magandang kinabukasan ay maaninag
sa haharaping buhay ay dapat magpakatatag
dahil gubat na susuungin ay napakadawag

turo ng eskwela sa pagkatao'y mababakas
maging matalino sa tatahaking bagong landas
pagkat ikaw lamang ang uugit sa iyong bukas
pagsikapan mo ang buhay na prinsipyado't patas

namumukod-tangi kang tala sa laksang bituin
maligayang pagtatapos, o, mahal kong pamangkin

- gregbituinjr.

(*Ang tulang ito'y hiniling ng isang kasama na gawan ko ng tula ang pagtatapos ng kanyang pamangkin.)