Sabado, Agosto 27, 2016

Danica Mae Garcia, 5

DANICA MAE GARCIA, 5 
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ah, kay-agang nawala ng kanyang kinabukasan
bala ang pumugto sa hininga niya't katawan
ang buhay niya'y di man lang isinaalang-alang
nadamay sa anumang wala siyang kinalaman

ayon sa balita, sinalo ng bata ang bala
na laan daw sa kanyang lolo, ngunit si Danica,
ang mahal na munting prinsesa ng kanyang pamilya,
ang nawala, kaya halina't isigaw: HUSTISYA!

http://www.abante.com.ph/bala-kay-lolo-nasalo-ng-apo.htm

BALA KAY LOLO NASALO NG APO
ni Richard Buenaventura, pahayagang ABANTE
August 25, 2016

DAGUPAN CITY, Pangasinan — ­Hustisya ang hiling ng pamilya ng napatay na batang edad limang taong gulang ma­tapos nang mistulang saluhin ang bala para sa kaniyang lolo mula sa dalawang hindi pa naki­kilalang salarin na nakasakay sa motorsiklo kamakalawa dito.

Nakilala ang biktima na si Danica Mae Garcia, kindergarten pupil sa East Central Integrated School, residente ng Sitio Kamangaan, Bgy. Ma­yombo ng lungsod na ito.

Sinasabing ang tala­gang pakay ng mga suspek ay ang lolo ng bata na si Maximo Garcia, alias ‘Ama Jun’, 53-an­yos subalit ang tinamaan sa mukha ay ang kanyang apo na noon ay naliligo.

Huminto umano ang motorsiklo sabay pagbaba ng suspek at nagpa­putok ng baril. Inaalam na ng kapulisan ang mo­tibo ng krimen kung may kaugnayan ito sa perso­nal na alitan.